103,505 total views
Mga Kapanalig, mahilig ba kayong sumubaybay sa mga teleserye? Siguradong nabalitaan ninyo ang tila teleseryeng bangayan na nangyayari ngayon sa pagitan ng mga Duterte at Marcos na noong kampanya ay binansagang “UniTeam”.
Noong nakaraang linggo, isinagawa ang isang leader’s meeting at prayer rally sa Davao City sa panguguna ng mga Duterte, kasabay ng “Bagong Pilipinas” rally sa Maynila na pinangunahan naman ni Pangulong BBM. Ang nangyari sa Davao, na isinagawa upang tutulan ang charter change, ay nagmistulang okasyon kung saan naglabas ng mga hinaing tungkol sa kasalukuyang administrasyon ang mga Duterte.
Nagsimula ito noong sinabi ni Davao City Mayor Baste Duterte, na anak ni dating pangulong Rodrigo Duterte, na mag-resign na lang si Pangulong BBM. Aniya, ang katamaran, kakulangan sa habag, at pag-priotize sa pulitika ni Marcos ay nagiging dahilan ng opresyon at pagtaas ng kriminalidad sa bansa. Sinundan naman ito ng mga tirada ni dating Pangulong Duterte na drug addict daw, o sa kanyang mga terminong ginamit, “bangag” mula pa noon hanggang ngayon, ang presidente. Pinanindigan din ni Duterte na ang pangalan ni Marcos ay nasa listahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (o PDEA) bilang isang drug personality. Pinabulaanan naman ito ng PDEA at sinabing hindi kailanman lumabas si Marcos sa kanilang listahan.
Bukod sa mga akusasyong ito, tinira din ng mag-amang Duterte ang hindi pagharang ng administrasyong Marcos sa pag-imbestiga ng International Criminal Court (o ICC) sa nangyaring drug war ni Duterte. Pasaring pa ng nakababatang Duterte, paano ito nagagawa ni BBM gayong binigyan ng tatay niya ang tatay ni Marcos ng hero’s burial? Tila ba ipinaaalala niyang may utang ng loob sa mga Duterte ang mga Marcos.
Nang hingin ng media ang pahayag ni Pangulong BBM, sinisi niya ang fentanyl, isang napakalakas na painkiller, na ginamit diumano ni dating Pangulong Duterte para sa kanyang spinal issues. Para naman kay VP Sara Duterte, ang mga salita ng kanyang kapatid ay brotherly love dahil daw sa hindi magandang trato sa kanya ng mga nakapalibot kay Pangulong BBM.
Pero ano nga bang mapapala ng mga Pilipino at ng ating bansa sa kanilang pagbabangayan na mistulang nasa isang teleserye?
Sa mga kasalukuyang nangyayari sa ating politika katulad nito gayundin ng laban sa loob ng Kongreso patungkol sa charter change, masasabi nating marami sa ating mga pampublikong opisyal ang ibinibida ang kanilang mga personal na interes lamang imbis na gawin ang kanilang trabaho. Ngunit hindi ba dapat ang bida sa teleseryeng ito ay ang kapakanan ng mga mamamayan? Sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, sinasabing ang pulitika ay hindi dapat tungkol sa pag-aangat ng sarili ng mga pulitiko para pabanguhin ang kanilang imahe sa mga tao. Ito ay ang pagbibigay-pansin sa kung ano ang ginagawa ng mga taong nasa pulitika gamit ang kanilang posisyon para sa pag-unlad ng lipunan.
Mga Kapanalig, huwag nating hayaang ilihis ng teleseryeng ito ng mga pulitiko ang ating atensyon sa mga mas mahahalagang isyu sa ating bansa ngayon. Angkop na paalala sa ating lahat, lalo na ang ating mga inihalal na pampublikong opisyal, ang sinasabi sa Filipos 2:3, “Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip … ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili.”
Sumainyo ang katotohanan.