109,740 total views
Mga Kapanalig, para sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes, ang mga awtoridad ay obligadong ipatupad ang batas alinsunod sa kung ano ang tama at nang kumikilala sa dignidad at karapatan ng tao. Ang pagpapatupad ng batas ay nakatuon dapat sa kabutihang panlahat at sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan.
Noong nakaraang Lunes, pormal nang itinalaga si Police General Nicolas Torre III bilang bagong hepe ng Philippine National Police. Pinalitan niya ang retirong si Rommel Francisco Marbil. Si General Torre ay ang kauna-unahang PNP chief na nagtapos sa Philippine National Police Academy (o PNPA). Bago maging PNP chief, siya ay nasilbing hepe ng Quezon City Police District noong 2022, acting Regional Police Director ng Davao noong 2024, at director ng Criminal Investigation and Detection Group (o CIDG) noong taon ding iyon.
Nakilala si General Torre nang pangunahan niya ang pag-aresto kay Apollo Quiboloy ng grupong Kingdom of Jesus Christ na nahaharap sa mga kaso ng sexual misconduct. Siya rin ang namuno sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso upang harapín ang mga kasong crimes against humanity sa International Criminal Court.
Sa kanyang talumpati bilang bagong PNP chief, siniguro ni General Torre na kikilalanin ng PNP ang ating mga karapatan at titiyaking ligtas tayo sa pamamagitan ng tatlong haligi: agarang serbisyo publiko, pagkakaisa at kasiglahan ng kapulisan, at pananagutan. Ipinangako rin niyang nakabatay sa batas at human rights ang mga aksyon ng kapulisan.
Sa kabila ng mga pangakong ito, nabahala ang ilan sa pahayag ni General Torre tungkol sa quota system sa pag-aresto bilang performance metric ng mga pulis. Nabanggit kasi ng bagong hepe na paramihan ng maisasagawang aresto ang gagamiting batayan ng promosyon ng mga pulis. Hinamon ng Commission on Human Rights na maglabas ng malinaw na direktiba si General Torre dahil posibleng abusuhin ng mga awtoridad ang ating mga karapatan para makapagpakitang gilas. Paalala pa ng CHR, tiyakin dapat ng ating kapulisan na sa gagawin nilang pag-aresto, naitataguyod pa rin ang mga karapatang pantao, nasusunod ang batas, at may tunay at matibay na ebidensya.
May sagradong tungkulin ang kapulisan na panatilihin ang ating kaligtasan. Sinusuportahan din natin ang kanilang paghabol sa mga gumagawa ng iligal at kriminal na gawain at ang kanilang pagsugpo sa iligal na droga at krimen. Ngunit atin ding subaybayan kung paano nila isasagawa ang kanilang operasyon nang hindi ito mauwi sa paglapastangan sa dignidad ng tao at kasagraduhan ng buhay.
Noong dinidinig sa Kongreso ang war on drugs ni dating Pangulong Duterte, ibinunyag ng ilang pulis na ginamit ang quota system. Totoo rin daw na may mga kaso ng pagtatanim ng ebidensya sa mga inosente at suspek kapag isinasagawa ang Oplan Tokhang. Malinaw na sa quota system ng mga pulis, lantad na lantad ang mahihirap sa mga pang-aabuso dahil sa takot at kawalan ng kakayahang kumuha ng abogado. Dapat paalalahanan lagi ang ating mga pulis, kasama si General Torre, dahil maaaring maulit ang karimlan ng pagtapak sa mga karapatang pantao—kahit na walang pagpatay—kung walang malinaw na patakaran ang performance metric na ito.
Mga Kapanalig, ating pinagkakatiwalaan ang kapulisan sa kanilang mga programa upang maisakatuparan nila ang kanilang tungkulin sa sambayanan na “to serve and protect.” Pero atin din silang pinaaalalahanan na sila ay hindi mga boss ng batas, kundi mga lingkod nito. Dapat nilang pairalin ang batas nang tama, patas, at makatao dahil ayon nga sa 1 Corinto 14:33 at 40, “ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan… at [kaya dapat nating] gawin ang lahat ng mga bagay nang nararapat at may kaayusan.”
Sumainyo ang katotohanan.