328 total views
Homiliya para sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma, Ika-12 ng Marso 2023, Juan 4:1-42
“Ang humihingi ng tubig ang siyang nagbigay nito; ang hinihingan ng maiinom ang siyang nabigyan nito.”
Ito ang maikling summary ko sa ating ebanghelyo para sa ikatlong Linggo ng Kuwaresma.
Tungkol ito sa isang sitwasyon na bumaligtad. Ang humihingi ng maiinom ay si Hesus; ang hinihingan niya ay ang Samaritana. Pero ang mabibigyan ay ang Samaritana; ang magbibigay ay si Hesus. May twist kasi ang kuwento mula sa literal na tubig tungo sa matalinghagang tubig, ang tubig ng walang hanggang buhay, pampawi ng mas malalim na klase ng pagkauhaw. Ang pangkalahatang tema ng ating pagninilay ay PAGKAUHAW. Nagsisimula sa literal na pagkauhaw, nauuwi sa matalinghagang pagkauhaw.
Lumalapit sa balon ang Samaritana upang umigib ng tubig na pamatid ng literal na uhaw. Makakatagpo niya roon si Hesus na lumapit din sa balon dahil nauuhaw, ngunit walang pang-igib. Kaya hihingi siya sa babae ng maiinom. Ang kanilang pag-uusap sa konteksto ng literal na pagkauhaw at paglapit sa literal na balon ay unti-unting mauuwi sa pag-uusap tungkol sa matalinghagang pagkauhaw at pagnanasa para sa matalinghagang balon.
Ang Samaritana ay kumakatawan para sa taong uhaw sa pag-unawa pero umiiwas sa kapwa dahil ramdam niya na parang hinuhusgahan ang pagkatao niya. Kaya nga tanghaling tapat na ang oras ng pag-igib niya. Nauuhaw siya sa tunay na pag-ibig na hindi tuturing sa kanya bilang bagay na gagamitin kundi bilang taong may dangal. (Pasintabi po, pero sa wikang Filipino, ang babae, kapag inabuso o pinilit sa pagtatalik na walang pag-ibig, nasasabi niya “Ginamit ako.”)
Para bang ibig ipahayag sa kanya ng Samaritana—“Kung alam mo lang kung sino ako, iiwasan mo ako. Hindi lang dahil Samaritana ako at Hudyo ka, babae ako at lalaki ka, kundi dahil pinagparausan na ako ng maraming lalaki, wala akong kuwentang babae, sawi sa pag-ibig at uhaw sa tunay na pag-ibig.”
Pero naramdaman niya na nasa harapan niya ang isang taong kahit alam ang tunay na pagkatao niya ay hindi umiiwas sa kanya, tumuturing pa rin sa kanya nang may paggalang, kumikilala sa pagkauhaw niya ng totoong pag-ibig. Hindi alam ng babae na ang tunay na balon na ninanasa niya ay nasa harapan na niya mismo. Ni hindi niya kailangang salukin dahil kusa itong umaagos, handang pumuno sa buhay niya kahit sa pakiramdam niya hindi siya karapatdapat. Kailangan lang niyang buksan ang puso niya. Kumbaga sa timba, hindi naman talaga mapupuno ang lalagyan kung may takip ito, di ba?
Ang anak ng Diyos ay naging Anak ng Tao dahil sa pagnanais niya na pawiin ang pagkauhaw ng sangkatauhan. Dumarating siya sa buhay natin bilang kaisa natin sa pagkauhaw. Ang kinauuhaw niya ay ang pananampalataya natin, ang kusang pagbubukas natin sa kanya ng puso at kaluluwa para daluyan ng kanyang biyaya. Kaya nga isa sa mga huling salita na binigkas niya sa krus, ayon kay San Juan ay NAUUHAW AKO. Sayang kasi ang tubig ng walang hanggang buhay na umaagos kung ang tao’y pilit na umiigib sa ibang balon kung saan ang tubig ay nakalalason at hindi makapapawi sa kanyang pagkauhaw.
Nang matuklasan ng Samaritana ang bukal ng buhay, para bang nawala ang literal na pagkauhaw niya. Iniwan daw niya sa tabi ng balon ang pansalok niya ng tubig at nagtatakbo patungo sa mga kababayan niya. Para bang siya mismo ang naging balon na umaagos at ibig magbahagi ng buhay na tubig na nasumpungan o natuklasan niya.
Noong una, malamig ang pakikitungo niya; matigas ang puso. Ang tao nga naman, madalas ay katulad ng bato sa kuwento ng ating unang pagbasa sa Eksodo. Humingi daw ng tubig ang bayang Israel sa gitna ng disyerto dahil uhaw na uhaw na sila. At sinabihan ng Diyos si Moises na hampasin ang bato upang umagos mula dito ang tubig.
Tayong lahat, mayroon din tayong maibibigay tubig pero kailangan munang mahampas ng tungkod o pamalo. Ang problema, takot tayo sa tungkod, ayaw nating mapalo. Lumalayo tayo. Ibig nating manatiling matigas ang ulo o magsapusong-bato. Mas gusto natin ang uminom kaysa magpainom.
Itong araw na ito ay ispesyal sa akin dahil ito ang araw ng ika-40 anibersaryo ko sa pagkapari. Naordenahan ako sa pagkapari noong March 12, 1983. Mula nang matuklasan ko kay Hesus ang Balon ng buhay na tubig ng Salita ng Diyos na pumawi sa aking sariling pagkauhaw, para bang naramdaman ko na ang buhay ko ay naging poso, hindi na huminto ang pag-agos ng Salita ng Diyos.
Poso lang ako, daluyan ng biyaya. Hindi naman akin ang tubig kundi sa kanya. Hindi rin ako mapupuno at aagos kung hindi ako lumalapit sa kanya upang tumanggap. Sa karanasan ko, nang maordenahan ako sa pagkapari, dumaloy sa akin ang ang walang hanggang biyaya. Pero ang sikreto ng tuluyang pagdaloy ay ito: ang tumatanggap ay kailangang matutong magbigay, ang nabahaginan ay kailangang matutong magbahagi. Ang nakarinig ay dapat matutong magpahayag. Ang dinaluyan ng grasya ay kailangang maging daluyan ng grasya.
Kaya siguro ayon sa kuwento ni San Mateo tungkol sa Huling paghuhukom, dumarating ang Diyos sa buhay natin bilang nagugutom, nauuhaw, hubad, bilanggo, maysakit (Mat 25:31-46). Ito’y para gisingin sa loob natin ang biyaya ng Diyos, ang Espiritu Santong tinanggap natin sa binyag upang sa pamamagitan ng ating malasakit, mapapabusog niya ang mga nagugutom, mapapawi pagkauhaw ng mga nauuuhaw, mapapagaling ang mga maysakit at mapapalaya ang mga bihag at alipin sa daigdig.