56,934 total views
Mga Kapanalig, hindi ipinroklama ang Duterte Youth bilang isa sa mga nanalong party-list groups sa nagdaang halalan. Halos dalawang milyon ang bumoto sa grupo. Sapat na ito para mabigyan sila ng tatlong upuan o representatives sa Kongreso.
Ayon sa Commission on Elections (o COMELEC), na tumatayong National Board of Canvassers (o NBOC), hindi daw ito nangangahulugang talo ang Duterte Youth. Pero nais munang resolbahin ng NBOC ang mga nakabinbing disqualification cases laban sa grupo. May kaugnayan ang mga kaso sa kanilang registration dahil sa ‘di umano’y misrepresentation nila sa kabataan. Bakit kaya hindi ito nilinaw bago pa ang eleksyon?
Isa sa mga kaso laban sa Duterte Youth ay ang petisyon ng election watchdog group na Kabataan Tayo ang Pag-asa. Binuhay nila noong Marso ang nauna nilang petisyon laban sa Duterte Youth noong 2019. Kasama sa petisyon nila noon ang paggiit na hindi maituturing na kabataan si Ronald Cardema, ang kasalukyang chairperson ng grupo at noo’y first nominee ng Duterte Youth. Siya ay edad 34 na noon, gayong dapat ay 25 hanggang 30 anyos ang representative ng isang party-list group na kumakatawan sa kabataan. Malinaw ‘yan sa Party-list System Act. Paliwanag naman ng Duterte Youth, representante si Cardema ng professional sector. Ang buong pangalan daw ng grupo ay Duterte Youth and Young Professionals.
Para sa Student Council Alliance of the Philippines, kailanman ay hindi nirepresenta ng Duterte Youth ang kabataan. Sa halip, ang “branding” ng dating pangulong Duterte–na tinaguriang “Dutertismo”—ang nirerepresenta nila. Pinalalaganap nila ang red-tagging, disinformation, at pag-atake sa mga demokratikong espasyo, lalo na sa mga paaralan at komunidad. Nanindigan ang alyansa ng mga estudyante: “They were never the voice of the Filipino youth, and they never represented any marginalized group.”
Kilala ang mga nominees ng Duterte Youth na may kaugnayan sa militar at kapulisan. Ang first nominee nito ay AFP Reserve Force; ang second nominee ay mula sa Philippine National Police Academy; at ang third nominee ay mula sa Philippine Military Academy. Sa nagdaang kongreso, principal authors ang Duterte Youth ng dalawang panukalang batas: ang pagpapalit sa pangalan ng Ninoy Aquino International Airport, at ang pag-outlaw sa Communist Party of the Philippines, New People’s Army, at National Democractic Front. Dahil sa mga ito, kinukuwestyon kung interes nga ba ng kabataang Pilipino ang isinusulong ng Duterte Youth.
Layunin ng Party-list System Act na siguruhing nabibigyang-boses ang mga isinasantabi at hindi napakikinggang sektor ng lipunan. Sang-ayon ito sa mga panlipunang turo ng Simbahan na kilingan ang mahihirap. Ang pagmamahal ng Simbahan sa mga dukha at nasa laylayan ay hango sa atensyong ibinigay ni Hesus sa kanila. Ang buhay ni Hesus ay nakasentro sa pakikisalamuha at pagbibigay-boses sa kanila sapagkat, ayon nga sa Lucas 4:18, “hinirang…[Siya] upang ipangaral sa mahihirap ang Mabuting Balita.”
Para sa Simbahan, bahagi ng pagkakawanggawa o charity ang pagkiling sa mga isinasantabi. Ang pagkakawanggawa ay hindi pagbibigay ng limos. Isa itong aktibong pagtugon sa mga ugat ng kahirapan, kasama ang pulitika. Sa pamamagitan ng pagkiling sa mahihirap, isinasabuhay natin ang pagkakawanggawa at pagsusulong ng katarungan. Kaya naman, mahalagang masigurong hindi naaabuso ang Party-list System Act. Dapat masagot kung tunay bang kinakatawan ng Duterte Youth ang kabataan. Maraming hamong kinakaharap ang kabataan na dapat tutukan ng mga totoong kinatawan ng kabataan sa pamamagitan ng party-list system.
Mga Kapanalig, tama na ang pang-aabuso sa party-list system. Ang isyung kinasasangkutan ng Duterte Youth ay mahalagang kaso upang mahimay natin ang pagiging tunay na representante ng mga isinasantabi. Subaybayan natin ito at tiyaking boses ng kabataan at ng iba pang dukhang sektor ang naririnig natin mula sa mga party-list groups na nakaupo sa Kongreso.
Sumainyo ang katotohanan.




