196 total views
Mga Kapanalig, dapat nga bang magkaroon ng pakialam ang mga Pilipino sa nagpapatuloy na pagsakop ng Russia sa bansang Ukraine gayong malayo naman ang mga ito sa ating bansa?
Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, tinatayang mahigit 800,000 na mamamayan ng Ukraine ang lumikas na at naghahanap ng ligtas na matutuluyan sa mga karatig na bansa. Iniulat naman ng United Nations na hindi bababa sa 136 na sibilyan ang namatay, kasama ang ilang bata, ngunit pinangangambahang mas malaki pa ang tunay na bilang. Daan-daan naman ang sugatan sa mga piniling manatili sa Ukraine at ipagtanggol ang kanilang bansa.
Masalimuot ang ugat ng lumalalang krisis na ito sa Ukraine. Ayon sa mga eksperto, nais ng Russia na bawiin ang Ukraine matapos itong mawala sa ngayon ay nabuwag nang Soviet Union. Ang Ukraine naman, nais manatiling malaya at nagsasariling bansa. May mga nagsasabi ring ang pagsakop ng Russia sa Ukraine ay pagganti ni President Vladimir Putin sa pag-impluwensiya ng ibang bansa, lalo na ng Amerika, sa Ukraine. Hindi niya alintana kung labag ang kanyang ginagawa sa pangunahing prinsipyo ng pandaigdigang ugnayan na hindi dapat gumagamit ng pwersang militar sa pagbabago ng borders o hangganan sa pagitan ng mga bansa.
Malayo man ang Pilipinas sa Ukraine, dapat pa rin tayong magkaroon ng pakialam sa mga nangyayari doon, lalo na’t buhay ng mga inosenteng tao ang nanganganib. Sa isang mundo kung saan magkakaugnay ang mga bansa—mula sa kalakalan at pulitika hanggang sa impormasyong pinagbabahaginan ng lahat sa pamamagitan ng internet—hindi mananatili sa Ukraine ang epekto ng agresibong pagsakop ng Russia. Anuman ang kalabasan ng giyera sa bahaging iyon ng ating mundo ay darating at darating sa ating bansa.
Kaya’t magandang balita ang pagpabor ng Pilipinas sa isang resolution ng United Nations General Assembly na kumokondena sa pagsakop ng Russia sa Ukraine. Sa opisyal na pahayag ng ating bansa, nanawagan din tayo ng proteksyon sa mga sibilyan at mahahalagang imprastraktura upang matiyak na makararating ang tulong sa mga nangangailangan sa lalong madaling panahon. Hindi rin daw tamang gamitin ang mga grupong nais humiwalay sa kanilang bansa upang manghimasok ang ibang bansa at maghasik ng karahasan at magsimula ng malawakang pagpatay. Sapat nang dahilan ang mga ito upang tumindig ang ating bansa sa gitna ng gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine, taliwas sa sinabi ng isang kumakandidato sa pagkapangulong hindi natin kailangang maglabas ng posisyon sa isyu lalo na’t hindi raw tayo sangkot.
Sabi nga ng Nobel laureate at manunulat na si Elie Wiesel, “Neutrality helps the oppressor, never the victim. Silence encourages the tormentor, never the tormented.” Dapat tayong manindigan kapag buhay na ng tao ang nakataya, kapag dignidad nila ang nalalagay sa panganib. Nabubura ang hangganan ng mga bansa kapag may mga mamamayan sa ibang lugar ang inaapi at pinahihirapan. Dapat tayong magsalita. Dapat tayong makisangkot.
Ganito rin ang binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan. Walang bansang umiiral para sa sariling mamamayan lamang nito. Mahalaga ang pagtutulungan ng mga bansa, at kaakibat nito ang pagkilala sa tungkulin ng mga ito sa pagkakaroon ng tunay na pakikiisa o solidarity, justice o katarungan, at pagkakawanggawa o charity. Ang pagtutulungan ang landas na dapat tahakin ang mga bansa, sang-ayon na rin sa pagtitiyak sa kabutihang panlahat o common good. Tayong lahat ay iisang pamilya. Hindi natin ito magagawa kung papanig tayo sa mga kumikiling sa karahasan o kung mananatiling tikom ang ating bibig sa harap ng paghihirap sa ibang bayan.
Mga Kapanalig, patuloy nating ipagdasal na dumating ang panahong inilalarawan sa Mga Awit 85:10 kung saan “Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad, ang kapayapaan at ang katuwira’y magsasamang ganap.”