381 total views
Mga Kapanalig, inilabas noong isang linggo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (o CBCP) ang isang pastoral statement on ecology. Magsisilbing gabay ito para sa mga mananampalataya upang sama-samang tugunan ang krisis na kinakaharap ng ating kapaligiran. Inisa-isa sa pahayag ang mga hakbang na maaari nating gawin para sa mas makabuluhang pag-aambag sa pagpapabagal sa climate change at sa pagkamit ng sustainable development. Binanggit din sa pastoral statement na naging oportunidad ang pandemya upang pagnilayan kung paanong nakaaapekto sa ating kalikasan ang ating mga gawain, ang mga industriya, at ang ekonomiya. Ang ating pagbangon mula sa pandemya ay pagkakataon din upang maging makakalikasan ang ating lipunan, kabilang na ang Simbahan.
Nahahati sa tatlong bahagi ang gabay na nakalahad sa pahayag ng CBCP. Ang unang bahagi ay patungkol sa ecological conversion through stewardship of our resources. Inilatag dito ang mga hakbang upang masigurong ang lahat ng resources ng Simbahan ay nagagamit sa makakalikasang paraan. Ilan sa mga gawaing nabanggit ay ang pag-review sa mga bangko at financial institutions na pinaglalagakan ng pera ng Simbahan, paghingi ng mga patakaran at plano sa mga institusyong ito patungkol sa pag-phase out ng coal at fossil fuels, at pagtanggi sa donasyon mula sa mga may proyektong nakasisira sa kalikasan.
Sa sumunod na bahagi na tungkol naman sa Laudato Si’ Formation and the National Laudato Si’ Program, isinulong ng CBCP ang pagpapalaganap ng Catholic social teaching na Laudato Si’. Layon nitong maiangat ang kaalaman natin tungkol sa kalagayan ng ating kalikasan at sa mga maaari nating gawin para sa kalikasan bilang pagsasabuhay ng ating pananampalatayang Katoliko. Nariyan ang pagpapalakas sa mga ecology desks ng mga parokya at diyosesis, at pagdiriwang ng Season of Creation at Laudato Si’ Week taun-taon.
At sa huling bahagi na tungkol naman sa advancement of the Rights of Nature and defense of life, hinikayat ng CBCP ang mga diyosesis na suportahan ang pagsasabatas ng Rights of Nature Bill sa Kongreso. Layon ng panukalang batas na bigyan ng ligal na pagkilala o mga karapatan ang kalikasan. Ibig sabihin, maaaring sampahan ng kaso at maparusahan ang mga mapatutunayang lumalabag sa karapatan ng kalikasan. Iminungkahi rin ng CBCP sa mga mananampalatayang humingi mula sa pamahalaan ng mas maayos na pagpapatupad ng mga batas at programang may kaugnayan sa pangangalaga sa ating kalikasan.
Pinuri ng mga environmental groups ang pahayag na inilabas ng CBCP. Gayunman, naniniwala silang higit sa pagiging gabay sa mga mananampalataya, ang pahayag ay isang hamon para sa Simbahan mismo, lalo na sa mga lider nito. Hangad nila ang pagsasakatuparan ng mga nabanggit na gawain sa pamamagitan ng pagiging halimbawa ng Simbahang maging makakalikasan.
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, mahalaga ang pagkilala sa dignidad ng kalikasan. Ang kalikasan, katulad ng tao, ay nilikha ng Diyos nang may ganap na dignidad. Ang pag-iral ng sanilikha ay bahagi ng magandang plano ng Diyos sa mundo, hindi lamang upang pakinabangan nating mga tao ngunit upang magbigay-puri din sa Diyos. Dahil dito, tungkulin ng bawat mananampalatayang pangalagaan at protektahan ang kalikasan. Tayong lahat ay katiwala ng Diyos at, paalala nga sa 1 Corinto 4:2, “ang katiwala’y kailangang maging tapat sa kanyang panginoon.” Mahalaga rin ang papel ng mga istruktura ng Simbahan katulad ng mga diyosesis at parokya sa pagpapatupad ng mga programa at gawaing magtataguyod sa dignidad ng kalikasan.
Mga Kapanalig, hindi magiging madali ang mga inilistang hakbang ng CBCP, ngunit kung maipapatupad ang mga ito, tiyak na magiging malaking kontribusyon ito sa pagsugpo sa climate change at pagsigurong pangmatalagan ang kaunlaran sa bansa. Tulungan natin ang buong Simbahang maging halimbawa ng pagiging makakalikasan.