458 total views
Mga Kapanalig, naging mainit ang sagutan kamakailan nina Senador Raffy Tulfo at Senadora Cynthia Villar sa pagtalakay sa badyet ng Department of Agriculture (o DA).
Pinuna ni Senador Tulfo ang ‘di umano’y katiwalian sa Farm-to-Market Road (o FMR) Project ng DA at Department of Public Works and Highways (o DPWH). Layunin ng proyektong padaliin ang pagdadala ng mga produkto ng mga magsasaka sa mga traders at mamimili. Gayunpaman, hindi raw ito ang nangyayari sa maraming FMR. Sa halip na ayusin ang mga daan mula sa mga producers o magsasaka, ang inaayos ay mga daan patungo sa mga negosyo ng mga maimpluwensyang pulitiko. Ani Senador Tulfo, biruan na nga raw ang sabungan-to-market o subdivision-to-market roads.
Paliwanag ni Senadora Villar, ang chairperson ng Senate Committee on Agriculture, DPWH ang nagpapatupad ng proyekto. May drone technology daw ang ahensiya na ginagamit sa pagtukoy ng pagtatayuan ng mga FMR. Tanong ni Senador Tulfo: kung may sabwatan ang DA at DPWH, maaari kayang naisahan ang taumbayan? Maaalala nating anak ni Senadora Villar ang dating kalihim ng DPWH at kasalukuyang senador na si Mark Villar.
Sunod namang kinilatis ni Senador Tulfo ang papaunti nang mga farmlands sa bansa dahil ginagawa raw ng mga big-time developers na residential at commercial areas ang mga lupang nararapat na sakahan. Aminado si Senadora Villar na ganito nga ang kalakaran sa pagtatayo ng mga subdividisions batay sa kanyang karanasan sa kanilang negosyo. Pero katwiran niya, hindi sila bumibili ng agricultural lands sa mga probinsya; sa mga siyudad at bayan lamang daw sila nagtatayo ng mga subdivisions. Pinahihintulutan daw ang conversion sa mga lugar na ito at maituturing ang mga itong investment decision dahil kung ibebenta ang mga lupang ito sa mga developers sa halip na taniman, mas kikita ang mga may-ari ng lupa.
Bilang “adopted son” ng Cauayan, Cagayan si Senador Tulfo, alam din daw niyang maraming lupang sakahan doon ang ginawang subdivision. Ito raw ang dahilan kung bakit nais niyang isulong ang National Land Use Act (o NLUA), isang panukalang batas na tinututulan ng senadora. Layunin ng NLUA na italaga ang mga lupa batay sa kanilang gamit upang maiwasan ang iligal na conversion at upang makamit natin ang mas maayos na paggamit ng lupa para sa lahat ng ating pangangailangan.
Naniniwala ang Simbahan sa moral na dimensyon ng pamamahala. Ibig sabihin, responsable ang pamamahala kung ginagamit ng mga namumuno ang kapangyarihang hawak nila upang maglingkod. Ang kapangyarihan ng mga nasa pamahalaan ay mula sa taumbayan. Dapat itong ginagamit para sa pagkamit ng kabutihang panlahat o common good, hindi para isulong at protektahan ang mga makasariling interes. Samakatuwid, ang paglilingkod na itinataguyod ang dignidad ng tao ay siyang pangunahing layunin ng mga nagsisilbi sa pamahalaan.
Sa lenteng ito, hindi maituturing na makatuwiran ang mga naging sagot ni Senadora Villar sa mga puna ni Senador Tulfo. Hindi maaaring ipagkibit-balikat ang kanyang personal na interes at mga negosyo ng kanyang pamilya sa posibleng paghadlang nito sa mga patakaran at proyekto ng pamahalaang layuning itaguyod ang kaunlaran ng taumbayan, lalo na ng mga magsasakang kabilang sa mga pinakamahihirap. Kung tunay ang mga kritisismo ni Senador Tulfo, kailangang may mapanagot sa mga FMR projects na hindi napakinabangan ng taumbayan at sa walang habas na conversion ng mga lupang sakahan. Kailangan nang magkaroon ng batas na pipigil sa mga ito.
Mga Kapanalig, itaas natin sa pamantayan ni Hesus ang uri ng paglilingkod na dapat nating asahan sa ating mga lingkod-bayan. Sinabi Niya sa Marcos 9:35, “Sinumang nais maging una, siya’y dapat maging huli sa lahat at lingkod ng lahat.” Kaya’t kilatisin natin kung kaninong interes ang inuuna ng ating mga lingkod-bayan.