349 total views
Kapanalig, ang utang ay instrumento ng karamihan ng mga Filipino upang maka-survive sa araw-araw. Bitin kasi lagi, kapanalig, ang kita ng marami, lalo na ngayon. Kahit pa magtrabaho ang iba ng 18 oras kada araw, marami talaga sa atin ang di na mapagkasya ang sweldo. Nagbubukas pa lamang ang ating ekenomiya at marami pa ang bumabawi mula sa halos dalawang taong pagkalugmok ng ating ekonomiya.
Isa ngang ehemplo dito ay ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa ating bansa. Ang ating MSMEs ay gulugod ng ating ekonomiya pero pagdating sa mga krisis gaya ng pandemya o bagyo, sila ang isa sa mga pinaka-bulnerable. Madali silang malugi kaya ang pautang ay mahalaga sa kanila. Dahil nga kailangan lagi ng pampaikot para sa negosyo, marami sa kanila, sa 5-6 na kumakapit. Kapag di nila gagawin ito, maari silang magsara.
Dahil karaniwang impormal ang mga maliliit na negosyo, 5-6 lamang ang mga pautang na ma-access nila. Base nga sa isang pag-aaral, ang share ng mga MSME loans sa mga outstanding loans sa bangko noong 2019 ay 6.1% lamang. Ang mga bank loans sa MSMEs ay mga 3.2% lamang ng GDP natin ang halaga. Ang mga datos na ito ay nagpapakita na talagang kaunti lamang na mga MSMEs ang nakaka-utang sa mga bangko at financial institutions. Kaya nga’t marami na sa kanila ang nagsara noong kahitikan ng pandemic. Wala na talaga silang mailalabas pa na pampuhunan.
Ang sitwasyon ng mga MSMEs ang isa sa dapat tutukan ng ating bayan. Holistic din dapat ang approach. Liban sa pautang, kailangan natin ng mga polisiya na magsisiguro ng good business conditions para sa mga maliliit na entrepreneurs. Kasama dito ang pagbibigay atensyon sa mga karaniwang threats o banta sa survival ng mga maliit na negosyo, gaya ng mga health crisis, mga natural na sakuna, supply chain breakdowns, pati na ang mga digital scams.
Kapanalig, ang pagtutok sa kapakanan ng MSMEs ay sound economic decision. Ang MSMEs ang enerhiya ng ating bansa. Kapag sila ay buhay na buhay, ang ekonomiya natin ay patuloy na lalago, at mas dadami ang mga magkakata-trabaho. Lahat tayo ay makikinabang.
Ang pagprayoridad sa MSMEs ay ayon sa prinsipyo ng distributive justice – kung saan lahat ng uri ng mamayanan, kahit ano pa ang antas niya sa buhay ay nakikinabang sa bunga ng ekonomiya at lahat ng nilikha ng Panginoon. Hindi tama na lagi na lamang nasa laylayan ang mga maliit na negosyante, na nangangailangan laging kumapit sa patalim para lamang maka-survive o ma-isalba ang mga arawang pangangailangan. Ayon nga sa Second Vatican Council: The right to have a share of earthly goods sufficient for oneself and one’s family belongs to everyone. Ang pag-alaga sa kapakanan ng MSMEs ay pagsisiguro ng panlipunang katarungan at pagkikila sa dignidad ng bawat isa.
Sumainyo ang Katotohanan.