363 total views
Mga Kapanalig, mismong si National Economic and Development Authority (o NEDA) Secretary Arsenio Balisacan ang nagsabing kailangang ayusin ang kalidad ng trabaho at maitaas ang kita ng mga Pilipino. Ito ay sa harap ng nagpapatuloy na epekto ng pandemya sa ating ekonomiya, kabilang ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin o inflation. Ayon sa kalihim, hindi lamang tungkol sa pagtataas ng gross domestic product (o GDP) ang dapat na batayan ng pag-unlad ng ekonomiya. Kasabay din dapat nito ang pagtugon sa kahirapan ng mga mamamayan sa pamamagitan pagpapabuti ng kalidad ng mga trabaho.1
Ang mababang kalidad ng mga trabaho ay binanggit din ng World Bank sa isang report na inilabas nito noong Marso.2 Halimbawa ng tinatawag na “low quality jobs” ang mga hanapbuhay sa impormal na sektor katulad ng pag-e-extra sa construction, paglalako ng paninda sa bangketa, at pagmamaneho ng pedicab o tricycle. Sa mga kanayunan, low quality jobs ang mga nasa maliliit na minahan at nagtatrabaho sa mga sakahan at pangisdaan. Itinuturing ding may low quality jobs ang mga self-employed o mga hindi nagtatrabaho sa isang partikular na tao o kumpanya.
Kapag sinabing low quality, hindi naman nito ibig sabihing walang halaga ang mga hanapbuhay na ito. Sa totoo lang, malaki ang kontribusyon nila sa ating ekonomiya. Ang mga trabahong ito ang nagbibigay ng oportunidad sa marami nating kababayan, lalo na noong kasagsagan ng pandemya kung kailan maraming negosyo ang nagsara at nagtanggal ng mga manggagawa. Ang problema lamang sa mga hanapbuhay na ito, hindi sapat ang kita upang matustusan ang pangangailangan ng mga manggagawa at ng mga umaasa sa kanila. Karamihan din ay hindi qualified sa mga social protection programs katulad ng SSS, PAG-IBIG, at PhilHealth.
Walang malinaw na datos ang ating gobyerno kung ilan talaga ang mga kababayan nating may low quality jobs. At ito ang nakalulungkot: hindi sila nakikita sa ating mga opisyal na datos kahit pa kitang-kita natin ang kanilang malaking kontribusyon sa ekonomiya. Ang resulta, hindi makalikha at makapag-abot ang gobyerno ng akma at napapanahong tulong sa mga katulad nila. Kaya katulad ng sinasabi ng mga institusyong katulad ng World Bank, mainam na paigtingin ang mga programang skills training, job search assistance, wage subsidies, public works programs, at entrepreneurship promotion.3 Sa halip na hintayin ng gobyerno ang mga manggagawang lumapit at sumali sa mga programang ito, kailangang maging mas maagap at mas masigasig ang gobyerno sa pagtukoy sa mga kababayan nating dapat makinabang sa ganitong mga programa. Makatutulong din ang pagpapalawig ng mga social protection programs kung saan makatatanggap ng ayuda ang mga manggagawa sakaling may mangyari sa kanilang hindi inaasahan katulad ng pagkakasakit.
Madalas ipanawagan ni Pope Francis ang pagtiyak ng disente at marangal na kalagayan sa paggawa ng mga manggagawa, lalo na ng mga nasa laylayan ng tinatawag na labor market, katulad ng mga manggagawang may low quality jobs. Ito sana ang maging tunguhin ng ating pamahalaan, mga nasa sektor ng negosyo, at mga nag-eempleyo (kabilang ang Simbahan) ngayong bukás na muli ang pandaigdigang ekonomiyang pinilay ng pandemya. Sa pagkilos para sa ekonomiyang walang iniiwan, paliwanag ng Santo Papa, nagagawa nating pairalin ang kapayapaan at patatagin ang tiwalang pundasyon ng kabutihang panlahat o common good.4
Mga Kapanalig, ngayon ay Araw ng Paggawa o Labor Day. Maging imbitasyon sana ito upang makiramay tayo sa mga kapwa nating manggagawang tila ba iniiwan sa kabila ng malaki nilang ambag sa ating ekonomiya. Tandaan natin ang nasasaad sa 1 Corinto 12:26, “Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat.” Kung may mga manggagawang kinakalimutan o binabalewala, hindi natin ganap na makakamit ang kaunlaran para sa lahat.
Sumainyo ang katotohanan.