2,520 total views
Gamiting ehemplo si Saint Joseph the Worker upang higit na maunawaan ang kahalagahan ng paggawa at pakikiisa sa mga manggagawa.
Ito ang paanyaya ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio at Manila Archdiocesan Ministry for Labor Conceron Minister Father Erik Adoviso sa paggunita ng Labor Day.
Ayon sa Obispo, sa magkasabay ng paggunita ng Labor Day at Kapistahan ni San Jose Manggagawa, nawa ay mabatid ng mga mananamapalataya na hindi pasakit sa pamumuhay ang paggawa.Sa halip, paraan ito ng Panginoon upang maiparating sa ating ang biyaya ng pagkain at iba pang ating pangangailangan.
“Ang kaniyang pagtustos sa kaniyang pamilya ay doon niya dinaraan sa mabuting paraan ng paggawa nilang isang karpintero, bilang isang ama, binibigayan niya ng emphasis doon at in fact masasabi po natin na itong si Saint Joseph o si San Jose, sya rin po ang nagbigay ng magandang halimbawa kay Hesus,” bahagi ng panayam ng Radio Veritas kay Bishop Florencio.
Tiniyak naman ni Father Adoviso ang patuloy na pakikipagtulungan ng simbahan para sa mga manggagawa upang malakas ang kanilang mga ipinananawagang pagbabago.
Ito ay ang mga panawagang itaas ang suweldo at ipatupad ang nag iisang National Minimum Wage, upang makasabay na ang gastusin ng mga manggagawa sa tumataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Pagbibigay diin pa ni Fr.Adoviso ang pakikiisa ng AMLC upang mabuwag na ang mga manpower agencies sa Pilipinas at sa halip ay palawigin ang direct hiring sa mga kompanya upang mapabilis ang pagiging regular at tuluyang ng maiwaksi ang kontrakwalisasyon sa mga manggagawa .
“Yun ang ating hinihiling sana, mula sa simbahan gayundin sa gobyerno na itaas ang suweldo ng mga manggagawa, tayong mga tagasimbahan, nakatuon tayo sa turo ng simbahan na ang manggagawa ay dapat makapag-trabaho ng wasto at sana ay maging living family wage,” bahagi naman ng panayam ng Radio veritas kay Father Adoviso.Una naring kinilala ng mga grupong Kilusang Mayo Uno at Federation of Free Workers ang patuloy na pakikiisa ng simbahan sa mga manggagawa na bukod sa pinapalakas ang kanilang mga panawagan ay inilalayo rin ang mga labor leaders sa panganib ng red tagging.
Ngayon araw din ay mapayapang idinadaos ng KMU, at FFW kasama ang iba pang mga labor groups ang mga pagkilos sa magkakaibang bahagi ng Pilipinas bilang paggunita sa Labor Day.
Kaisa rin ng mga grupo ang Migrante international na nangangasiwa sa mga pagkilos ng mga Overseas Filipino Workers at Filipino Migrants za 25 magkakaibang bansa.