146,287 total views
Mga Kapanalig, ngayong taon, muli na namang nanguna ang Pilipinas sa World Risk Index bilang pinaka-disaster-prone na bansa sa mundo. Apat na magkakasunod na taon nang hawak ng Pilipinas ang titulo bilang bansang pinakananganganib sa mga kalamidad gaya ng bagyo, baha, at lindol.
Sinasalamin ng World Risk Index ang disaster risk sa mga natural hazards at epekto ng climate crisis. Sinusukat ito batay sa exposure, o pagkalantad ng populasyon sa mga panganib, at vulnerability na kombinasyon ng mga panlipunang aspeto. Kabilang dito ang mga istruktural na kondisyong nakaaapekto sa posibilidad ng sakuna at kapasidad na iwasan, paghandaan, at harapin ang iba’t ibang panganib katulad ng kahirapan at ‘di pagkakapantay-pantay.
Sa tindi at dami ng nararanasan nating mga disasters—nakalulungkot mang aminin—hindi na nakapagtataka kung bakit sinasabing Pilipinas ang pinakananganganib. Sa loob lang ng walong araw noong Setyembre, sa National Disaster Preparedness Month mismo, tatlong matitinding kalamidad ang naranasan ng bansa. Tumama ang Super Typhoon Nando sa Hilagang Luzon. Makalipas ang apat na araw, sumalanta naman ang Bagyong Opong kung saan pinakaapektado ang Bicol at Eastern Visayas. Noong isang linggo lang, tumama ang 6.9-magnitude na lindol sa Cebu. Umabot na sa 74 katao ang naitalang nasawi. Halos 200,000 na pamilya ang apektado at halos 72,000 na bahay ang napinsala. At habang isinusulat natin ang editoryal na ito, isang 7.6-magnitude na lindol ang tumama sa Mindanao. Lahat ng ito ay nangyayari habang nabubunyag ang talamak na katiwalian sa mga maanomalyang proyekto ng DPWH, ngunit wala pa ring ninakaw na pondo ng bayan ang naibabalik at wala pa ring pulitiko, opisyales, o kontratista ang naikukulong.
Madalas tawaging ”natural disaster” ang mga bagyo, baha, at lindol. Ngunit matagal nang ikinakampanya ng mga eksperto ang pagtigil sa paggamit ng terminong ito dahil misleading o nakalilinlang ito. Ayon sa United Nations Office for Disaster Risk Reduction, “Hazards may be natural. Disasters are not.” Sa State of the Nation Address (o SONA) ni Pangulong BBM noong Hulyo, tinawag niyang “new normal” ang mga tumitinding kalamidad sa bansa. Hindi ito nalalayo sa pagtawag na ”standard operating procedure” ang mga kickback sa maanomalyang imprastruktura ng DPWH. Tinatanggap natin ang kasalukuyang kalagayan bilang natural, normal, o standard. Dahil dito, nililihis natin ang katotohanan tungkol sa ugat ng mga sakuna at inaabswelto sa responsabilidad ang mga sangkot sa katiwalian.
Kapag nagsama-sama ang pwersa ng kalikasan at mga istruktura ng lipunan, ang resulta ay hindi natural. Kung sino ang nakaliligtas at sino ang pinakaapektado sa mga kalamidad ay nakabatay sa political, economic, social, at ecological dimensions. Sa patuloy na pagkakalbo ng kagubatan; sa mga mapaminsalang land reclamation at large-scale mining sa mga isla at kabundukan; sa labis na pagtatayo ng mga highway at pagbabaon ng mga lungsod sa konkreto; sa pag-oorganisa ng ekonomiya at lipunan kung saan itinutulak ang mahihirap na tumira sa mapanganib na lugar; sa pagpaplano ng kalunsuran at kanayunan kung saan hindi isinasaalang-alang ang kapaligiran at kung saan nangingibabaw ang kita; sa sukdulang korapsyon na kumikitil ng mga buhay—masasabi ba nating natural ang mga nangyayaring disaster?
Mga Kapanalig, sinabi ni Pope Francis sa isang misa noong 2014, “It’s always the poor who pay the price of corruption.” Ang mahihirap at pinakabulnerable ang palaging pinakaapektado ng mga sakunang idinudulot ng mga mapang-abuso at ng maling desisyon ng mga nasa poder. Huwag nating tanggaping “natural” ang kalagayang ito. Pero huwag din tayong mawalan ng pag-asang baguhin ang bulok na sistemang mapang-api lalo na sa mga pinakabulnerable. At huwag tayong tumigil sa pagpapanagot sa mga maysala at sa pagkamit ng katarungan, gaya nga ng paalala sa Mga Kawikaan 31:9.
Sumainyo ang katotohanan.




