170 total views
Walang pag-uusig sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim sa Marawi City maliban lamang sa paglusob ng Maute Group sa lungsod.
Ito ang tiniyak ni Marawi Bishop Edwin dela Peña sa sitwasyon ng Marawi sa kabila ng kakaunting katoliko sa lungsod.
Ayon sa Obispo sa panayam ng programang Barangay Simbayanan, nagkakaisa ang Muslim at mga Kristiyano sa kanilang lugar para sa layuning manumbalik ang kapayapaan.
“Hindi lang peaceful co-existence, it’s more than that. But ‘yung aming relationship is really an active engagement we collaborate in so many projects and so many enterprises, nagkakaisa kami sa layunin na manumbalik ang kapayapaan in peace process at community development,” pahayag ng Obispo.
Base sa ulat, mula sa higit 300 libong populasyon ng Marawi, may limang porsiyento lamang sa mga ito ang Kristiyano.
Sa katunayan, sinabi ng Obispo ang pagkatatag ng Lanao-Christian Movement for Peace at community development ng nagkakaisang residente sa Marawi bago pa lumusob ang Maute group.
“We are able to live harmoniously with our Muslim brothers and sisters. Kaya we don’t feel we are being persecuted. Not until this group emerged in Marawi. Alam natin na extremist sila, fundamentalist para sa kanila, the Christians are corrupting influence in the life of the Muslims in Marawi kasi Islamic City sila. The only city in the Philippine that is given the title Islamic City of Marawi,” ayon pa sa Obispo.
Naniniwala ang Obispo na layon ng Maute group na maalis ang mga Kristiyano sa Marawi na sa kanilang paniwala ay mga masamang impluwensya sa Islam.
“I don’t know if I’m going too far ahead, na ang aim ng Maute is to cleansed Marawi of corrupting influence, one of which are the Christians. The Muslims who do not live up to the true spirit of Islam according to their own standards, pati ang mga Muslim ay natatakot sa ganitong pananaw kasi hindi naman ganito ang tunay na Islam as far as the majority moderate Muslims are concern.”paglilinaw ng Obispo sa Radio Veritas.
Ang Marawi ay kilala bilang tanging Islam City ng Pilipinas dahil sa dami ng mga Muslim na naninirahan dito.
Una na ring nagpahayag ng kaniyang pakikidalamhati ang Santo Papa sa mga taga-Mindanao dahil sa patuloy na kaguluhan at tiniyak ang patuloy na panalangin para makamit ang kapayapaan lalo na sa Marawi.