260 total views
Muling iginiit ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity na ang isasagawa nilang “Walk for Life” ngayong Pro-Life month ay isa ring panawagan laban sa death penalty, abortion at extrajudicial killings.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, layunin ng naturang aktibidad na kilalanin ang dignidad ng buhay lalo na ang mga nalululong sa ipinagbabawal na gamot.
Sinabi ni Bishop Pabillo na maituturing na pagtatapon ng buhay ang paggamit ng droga dahil sinisira nito hindi lamang ang buhay ng tao kundi lalo na ang moral ng lipunan na nagdudulot ng sari – saring krimen.
“Walk for Life’ ibig sabihin laban iyan sa death penalty, laban iyan sa abortion, laban iyan sa extrajudicial killing at laban din iyan sa drug addiction. Kasi yung mga addicts din sinisira nila ang buhay nila at sinisira lang ang buhay ng iba. Kaya iyan ay dapat panindigan natin, panawagan sa mga lay faithful natin na sumama dito sa ‘Walk for Life’ na gagawin natin sa Quirino Grandstand.” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas.
Gaganapin ang “Walk for Life” sa ika – 18 ng Pebrero taong kasalukuyan na susuportahan at dadaluhan ng mahigit 50 lay organizations at institutions na nasasakupan ng Metropolitan Province ng Archdiocese of Manila na idaraos sa Quirino Grandstand mula 4:30 hanggang ika – 8 ng umaga kung saan lahat ay inaanyayahan magpatala at makiisa.
Nauna na ring inilathala at binasa sa mga parokya noong Pro – Life Sunday ang liham pastoral ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na nagpapahayag ng pagkabagabag ng mga Obispo sa nangyayaring kultura ng pagpatay.
Read: http://www.veritas846.ph/takot-pagsasawalang-kibo-sa-madugong-war-om-drugs-pinuna-ng-cbcp/