70,589 total views
Mga Kapanalig, sa isang open letter o sulat bilang pasasalamat sa mga nagpahayag ng pagsuporta sa kanya matapos niyang sabihing may mga banta sa kanyang kaligtasan, hindi pinalampas ni Vice President Sara Duterte ang pagkakatong pasaringan ang gobyerno.
Pinuna niya ang pamahalaan dahil hinahayaan daw nitong magutom, mabuhay sa kahirapan, at mabiktima ng krimen ang mga Pilipino. Nakakapagod na raw makita ang taumbayang iniiwan, hindi pinahahalagahan, at tinatratong mas mababa sa ibang lahi. “We, Filipinos, deserve more than what we are hearing and seeing from the government right now. We, Filipinos, deserve better,” ani VP Sara.
Ano raw ang “deserve” natin?
Ang ating bayan ay dapat na pinamumunuan daw ng mga taong may malasakit. Kaya rin daw dapat nilang gawing malinis ang gobyerno at paunlarin ang ating bansa. Nakadidismaya raw na ngayon, ang mga lider natin ay hindi tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin. Natatakot at nanlulumo na raw tayong mga Pilipino para sa kinabukasan ng ating kabataan.
Walang makakokontra sa mga sinabi ng pangalawang pinakamakapangyarihang opisyal ng ating gobyerno. Ang mga binanggit niya tungkol sa kung anu-ano ang “deserve” natin o nararapat sa atin ay masasabi nating katulad ng pinahahalagahan din ng ating Simbahan sa pamamagitan ng mga panlipunang turo nito. May positibong papel ang gobyerno dahil tungkulin nitong paglingkuran ang taumbayan at tiyakin ang kabutihang panlahat o common good. Tungkulin nitong tulungan ang mga mahihirap at mahihina sa ating lipunan. Tungkulin nitong itaguyod ang mga karapatan ng mga mamamayan at ang katarungan. Tungkulin ng gobyernong maghatid ng serbisyo nang hindi umaabuso sa kapangyarihan ang mga pinuno at kawani nito.
Pero hindi ba bahagi si VP Sara ng gobyernong pinupuna niya?
Sa paglilista ng mga pagkukulang ng ating pamahalaan, batid niya dapat na nakaturo din ang kanyang daliri sa kanyang opisina at sa kanyang sarili bilang mataas na lider ng bansa. May kasabihan nga, ‘di po ba, na kung nakaturo ang isang daliri mo sa iba, may tatlong daliring nakaturo sa iyo? Sa madaling salita, hindi exempted ang ating bise-presidente sa mga pagkukulang ng kasalukuyang administrasyon.
Sa isang hiwalay na pahayag, kaugnay naman ng malawakang bahang dinaranas sa Lungsod ng Davao, sinabi ni VP Sara na magsisilbi na siyang boses na magpapakita sa mga nasa gobyerno kung paano mamuno. Pinasaringan niya ang pambansang pamahalaan dahil mukhang hindi nito prayoridad ang pagsasaayos ng lungsod para maibsan ang baha roon. May mga pag-aaral nang ginawa at flood control master plan na binuo pero bakit parang ayaw daw pondohan ng gobyerno? Dahil daw kaya kapamilya niya ang namumuno sa lungsod?
Muli, bago natin malimutan, balwarte ng pamilya ni VP Sara ang Davao City. Mahigit tatlong dekada ang kabuuang panahon ng kanilang pamumuno—mula sa tatay niyang si dating Pangulong Digong hanggang sa kanyang kapatid na kasalukuyang mayor. Sapat na panahon na ito para maisaayos ang mga daluyan ng tubig sa lungsod. Kung kulang man ang pondo mula sa pambansang pamahalaan, may paraan ang mga lokal na pamahalaan, lalo na ang malalaking lungsod na katulad ng Davao, para tugunan ang kanilang mga problema.
“Leadership should only say one thing—that ‘it is done’,” dagdag ni VP Sara. Bilang mga lider ng bansa—o lider sa lokal na pamahalaan—sa anu-anong pagkakataon kaya ito nasabi ng mga namumuno sa atin ngayon, kabilang si VP Sara?
Mga Kapanalig, totoong we deserve better. Pero mas may bigat at lalim ang mga salitang ito kung nanggagaling ito sa taumbayan mismo, sa halip na sa mga taong dapat naghahatid ng “better” na pamamahala at pamumuno. Kaya gaya ng pahiwatig sa Roma 16:18, huwag tayong paliligáw sa mga “kaakit-akit at matatamis na pangungusap.”
Sumainyo ang katotohanan.