17,859 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang Diyosesis ng Cubao sa paggunita ng Quezon City sa ika-146 na taong kapanganakan ng tinaguriang “Ama ng Wikang Pambansa” na si dating Pangulong Manuel Luis Quezon.
Ayon kay Cubao Bishop Honesto Ongtioco,naangkop na patuloy na alalahanin at kilalanin ang mahalaga at natatanging kontribusyon ni dating Pangulong Quezon sa pagpapatatag sa wikang pambansa na hindi lamang ginagamit ng bawat Pilipino sa pakikipag-ugnayan sa isa’t isa kundi maging pakikipag-ugnayan sa Diyos.
Pagbabahagi ng Obispo, ang dating Pangulong Quezon ay hindi lamang maituturing na makabayan kundi maka-Diyos din at makakalikasan na dapat lamang patuloy na maging huwaran at pamarisan lalo’t higit ng mga kabataan sa kasalukuyang panahon.
“Ating inaalala ngayon at ipinagdiriwang ang Quezon City Day na kung saan natin inaalala ang Ama ng Quezon City at Ama ng Wikang Pambansa [dating pangulong Manuel L. Quezon]. Tayo ay nagpapasalamat dahil ito’y paraan upang tayo makipag-ugnayan sa isa’t isa at sa Diyos -ang wika. Kaya siya ay hindi lang makabayan, maka-Diyos, makakalikasan yan ang hamon sa atin sa ating kapanahunan -patibayin ang ating pagmamahal sa Diyos, sa bawat isa, at ating pangangalaga sa kanyang kalikasan, this is our second home at ito ay makikita natin sa ating amang si Manuel Quezon.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Ongtioco sa Radio Veritas.
Ang ‘Quezon Day’ na ginugunita tuwing ika-19 ng Agosto ay idineklara bilang isang special working holiday sa buong Pilipinas at isang special non-working public holiday sa mga probinsya ng Quezon at Aurora alinsunod sa Republic Act No. 6741 na naipatupad noong 1989 upang gunitain ang kapanganakan ng tinaguriang “Ama ng Wikang Pambansa”.
Ang pangulo ay maituturing na isang mabuting halimbawa at inspirasyon para sa paglilingkod at pagmamahal sa bayan para sa kasalukuyan at darating pang henerasyon.
Samantala, alinsunod naman sa itinakda ng Proklamasyon Blg. 1041 s. 1997 ay ginugunita din tuwing unang araw hanggang katapusan ng buwan ng Agosto ang Buwan ng Wikang Pambansa na may tema ngayong taon na “Filipino: Wikang Mapagpalaya”.
Layunin ng paggunita ng Buwan ng Wikang Pambansa na maiangat ang kamalayan ng mga Pilipino ukol sa pambansang wika at kasaysayan nito sa pamamagitan ng iba’t ibang mga programang makapagpapataas sa antas ng kamalayang pangwika at sibiko.
Kabilang din sa layunin ng taunang paggunita ng Buwan ng Wikang Pambansa ang mahikayat ang bawat Pilipino na pahalagahan ang mga wika ng Pilipinas at maipakilala sa mga mamamayan ang Komisyon sa Wikang Filipino bilang ahensya ng pamahalaan na nangangalaga sa mga wika ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga programang pangwika ng bansa.
Batay sa datos ng National Statistics Office (NSO) sa 2000 Census of Population and Housing (CPH), mayroong tinatayang 150 diyalekta at lenggwahe sa Pilipinas kung saan pangunahing naitalang ginagamit sa mga tahanan ang Tagalog, na sinundan ng Bisaya, Ilocano, Hiligaynon at Ilonggo.