309 total views
Dahil sa kahirapan, marami sa ating mga kababayan ang gumagawa ng iba’t-ibang diskarte para lamang kumita at buhayin ang pamilya. Isa sa mga paraan na ginagawa ng iba nating mga kababayan, kahit iligal pa ito, ay ang wildlife trading.
Ano ba ang wildlife trading, kapanalig?
Ang wildlife trading ay ang pagbebenta o palitan ng anumang uri ng ligaw o wild na hayop o halaman mula sa ating mga kagubatan, karagatan, at maging kalangitan. Hinuhuli ng mga wildlife traders ang mga ibon gaya ng Mynas at parrots, sa ating mga gubat at karagatan ang mga ibang hayop gaya ng mga pagong at cockatoos. Pinagbebenta din nila ang mga halaman gaya ng uri ng orchids na endemic dito sa ating bayan.
May mga kababayan tayong rumaraket sa paghuhuli ng mga ito, at may iba naman, talagang karera na ang paghahanap at pagbebenta ng mga wildlife. Malaking negosyo ito kapanalig, at ang pinupuhunan ay ang mga kadalasang rare na hayop at halaman sa ating bansa. Sinasabing P50 billion ang halaga ng illegal wildlife trade sa ating bansa. Big business ito kapanalig na ang puhunan ay ang biodiversity ng ating kalikasan.
Malalim ang epekto at pinsala ng illegal wildlife trading. Unang una dito ay na-e-exploit ang mga hayop na hinuhuli nito para ibenta. Nauubos ang bilang nila sa ating mga kagubatan at karagatan. Ito ay maaaring magdulot ng extinction o pagkalipol ng iba ibang species o uri ng hayop at halaman.
Sinisira ng illegal wildlife trading ang balanse sa ating mga ecosystems. Ang bawat hayop o halaman ay may bahagi sa ating kalikasan. Ang kanilang pagkawala ay maaaring magdulot ng iba-ibang epekto, gaya ng pagkasira o disruption sa suplay ng pagkain o di kaya kawalan ng harang o proteksyon mula sa pag-guho ng lupa o sa daluyong.
Ang illegal wildlife trading ay maaari rin makasira sa kabuhayan ng ating mga mamamayan. Sa ating mga kanayunan, maaaring maabala o madisrupt ang mga sources o pinanggagalingan ng mga pagkain at kabuhayan ng mga mamamayan dahil atin ng nadidistorbo ang tahanan ng mga wildlife animals. Marami sa mga hayop na ito ay napapadpad sa mga taniman at sakahan ng mga mamamayan. Sa halip na makatulong pa ito makabawas sa kahirapan ng tao, dadagdag pa ito sa mga problema nila.
Kapanalig, kailangan nating maitaas pa ang ating kamalayan sa mga isyu gaya ng illegal wildlife trading. Hindi natin ito inaalintana sa mga syudad, pero madarama din natin ang epekto nito sa kalaunan. Apektado tayong lahat ng anumang pagkasira sa kalikasan. Ang kawalan ng isang species ng hayop o halaman sa ating mga kagubatan, yungib, at karagatan ay may ripple effect sa ating lipunan. Si Pope Francis ay minsan ng nanawagan ukol dito sa Laudato Si. Maantig nawa tayo sa kanyang mga nasambit: Bawat taon nakikita natin ang paglaho ng libu-libong uri ng halaman at hayop na hindi na makilala ng ating mga anak, dahil sila ay nawala magpakailanman. Dahil sa atin, libu-libong uri ng hayop ang hindi na makapagbigay ng kaluwalhatian sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang pag-iral. Wala tayong karapatan na sila ay puksain.
Sumainyo ang katotohanan.