296 total views
Nagpadala ng tatlong daang libong pisong tulong pinansyal ang Caritas Manila para sa mga mamamayan ng Archdiocese of Cotabato na apektado pa rin ng El Niño Phenomenon.
Magugunitang una ng umapela ng tulong ang Archdiocese of Cotabato sa himpilan ng Radyo Veritas dahil sa epekto ng El Niño sa kanilang mga lalawigan.
Sa datos na ipinadala ni Fr. Clifford Baira, Social Action Director ng Archdiocese of Cotabato umabot sa mahigit 12 libong pamilya ang apektado ng tagtuyot sa lalawigan ng Sultan Kudarat, Maguindanao at North Cotabato.
Labis naman ang naging pasasalamat ni Cotabato Auxillary Bishop Jose Colin Bagaforo sa naging tugon ng Caritas Manila at Radyo Veritas sa kanilang panawagan.
“Maraming salamat sa tulong ng Caritas (Manila) at ng (Radyo) Veritas sa atin mga mamayan sa Archdiocese of Cotabato na naging biktima ng El Niño phenomenon.” “Ito ay aming ipapapamahagi sa mga katutubo natin, sa mga indigenous people, sa mga identified areas namin kung saan talagang worst hit by the El Nino phenomenon. Magkakaroon kami ng direct intervention sa pagkain at kung kinakailangan sa mga gamot at bitamina.”pahayag pa ni Bishop Bagaforo sa panayam ng Radio Veritas.
Magugunitang unang nagdeklara ng state of Calamity ang pitong lalawigan at 5 siyudad sa Pilipinas dahil sa epekto ng El Niño.
Patuloy naman nakikipag-ugnayan ang mga institusyon ng Simbahan tulad ng Caritas Manila at Radyo Veritas sa mga apektadong Diyosesis upang agarang makatulong sa kanilang pangangailangan.
Bukas din ang dalawang nasabing institusyon para maging tulay sa ano mang tulong o donasyon na nais iparating ng mga mananampalataya sa mga apektado ng tagtuyot sa buong bansa.