565 total views
Kapanalig, isang malaking dagok sa ating bansa ang kinakaharap na problema ng bansa ukol sa terorismo. Tila nakapakahirap sugpuin ito, hindi lamang sa ating bansa kundi sa maraming parte ng ating mundo.
Hindi lamang sa Mindanao kumukulo tulad ng ating mainit na panahon ngayon ang isyu ng terorismo. Ito ay malaking banta pa rin sa ibang parte ng ating bayan. Kaya lamang, ang Southern Philippines ay nakilala na na safe haven para sa mga terrorist groups.
Sa Country Report on Terrorism ng US State Department noong 2015, ilang mga terrorist incidents noong 2014 ang na-report. Ilan sa mga ito ay ang pagsabog na nangyari sa Datu Piang noong January 29, 2014, ang landmine explosion noong March 2, 2014 na bumiktima ang isang convoy ng mga ambulansya sa Bansalan, Davao del Sur, ang pagkidnap sa sa isang tsinong businesswoman at ng kanyang anak na babae noong Mayo 2014, at ang pagsabog ng isang bus sa Bukidnon noong Disyembre 2014. Itong nakaraang araw, isang Canadian National naman ang naging biktima ng terorismo. Ang mga grupong Abu Sayyaf, New People’s Army at ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at ang Jemaah Islamiya ang sinasabing aktibong mga terrorist groups sa Southern Philippines.
Sa pagkilos ng mga grupong ito, hindi lamang ang kanilang mga direktang biktima ang nasasalanta. Maraming mga inosenteng sibilyan ang nalalagay sa alanganin ang buhay, hindi lamang sa tuwing may violent incidents o conflicts. Ang kanilang buhay ay natitigil at napaparalisa ng pangamba. Ang mga pagkilos ng mga grupong ito ay nagpapalalim pa ng dibisyon ng relihiyon, tribo, at paniniwalang politikal. Ito rin ay pumipigil sa pagsulong ng ekonomiya ng maraming lugar sa Mindanao.
Base sa pinakahuling opisyal na datos, 11 sa 20 na pinakamahirap na rehiyon sa ating bansa ay nasa Mindanao. Lanao del Sur ang una sa listahan na ito. Ang poverty incidence sa rehiyon na ito ay nasa 74.3 percent. Ang iba pang mahihirap na rehiyon sa Mindanao ay Sulu, Sarangani, Maguindanao, Bukidnon, Sultan Kudarat, Zamboanga del Norte, Agusan del Sur, Lanao del Norte, North Cotabato at Zamboanga Sibugay.
Ang terorismo, kasama na ang mga armed conflicts ay malaki din ang kontribusyon sa displacement sa Mindanao. Ayon sa Displacement Dashboard 2015 ng UNCHR, tumaas ng 127% ang forced displacement sa Mindanao mula 2014 hanggang 2015. Umabot ng 407,397 indibdwal ang nadisplace noong 2015 at 37,000 sa kanila ay ilang beses ng na-displace dahil sa armed conflict, clan war, karahasan at human rights violations.
Ang terorismo ay isang malaking hamon sa darating na bagong administrasyon. Kaya’t ang ating matalinong pagpili ay kinakailangan. Hindi lamang machismo ang kailangan sa mga isyung tulad nito, kailangan din ng puso – puso para sa mga taong sa twina na lang ay biktima ng karahasan at kaguluhan. Ang paghahangad natin ng kapayapaan sa Mindanao ay dapat maging isang mahalagng batayan sa pagpili natin ng mga bagong lider. Gawin nating gabay ang pahayag sa Gaudium et Spes, na bahagi ng Panlipunang Turo ng Simbahan, na nagpapaalala sa atin na ang kapayapaan ay resulta ng panlipunang katarungan: “Peace is not merely the absence of war… It is not brought about by dictatorship… Peace results from that harmony built into human society by its divine founder, and actualized by men as they thirst after ever greater justice.