926 total views
Ang pamilyang Pilipino, kapanalig, ay nangangailangan ng ating ibayong proteksyon ngayon. Tayo ay nasa panahon ng transisyon o pagbabago. Ang corporal punishment, kapanalig, ay isa sa mga isyu kung saan ang persepyon ng pamilyang Pilipino ay unti-unti ng nagbabago. Ang Corporal punishment ay ang pananakit sa mga bata: paghampas, pagpalo, pagkurot at pag-gamit ng kahoy o situron sa ngalan ng disiplina.
Noong 2008, ang Save the Children ay nagsuri ukol sa corporal punishment sa ating bansa. Nakita ng pag-aaral na ito (A Time for Change: Corporal Punishment in the Philipines) na 85% ng mga insidente ng corporal punishment ay nangyayari sa loob ng tahahan. Ang karaniwang uri nito ay spanking o pamamalo, pero karamihan (82%) sa mga batang na-interview ay nagsabing natamaan na sila sa iba ibang parte ng kanilang katawan. Karamihan din ng mga nanay na nainterview ay umaming nasisigawan nila ang kanilang mga anak, at halos kalahati ng mga bata ay nagsabing napagbantaan na sila na iiwanan na lamang.
Sa ating bansa, walang partikular na batas ukol sa corporal punishment, kahit pa tayo ay signatory sa Covention on the Rights of the Child. Ilang beses na itong pinilit na mapasa sa kongreso, kaya nga lamang laging palya. Sa ngayon, mas pabor pa ang batas sa corporal punishment. Ayon sa Family Code 1987, ang mga magulang ay may karapatang magdisiplina sa bata base sa pangangailangan ng sitwasyon (Art. 220). Base naman sa Child and Youth Welfare Code 1974, ang mga magulang ay may karapatang magdisiplina sa mga bata para sa pormasyon ng kanilang magandang karakter (Art. 45). Ang Code of Muslim Personal Laws naman ay nagsasabi na ang mga magulang ay may karapatang iwasto, idisplina at parusahan ang kanilang mga anak ng may moderasyon (Art. 74). Kaya lamang kapanalig, ang mga batas na ito ay hindi nagbibigay ng kongkretong ehemplo ng tamang disiplina sa loob ng tahanan. Hindi natin makita kung kailan ba natin masasabi na sapat at hindi marahas ang disiplina na binibigay natin kung ito lamang ang ating basehan. Ang kakulangan na ito ay masasalo sana ng anti-corporal punishment law.
Marami ng pag-aaral ang nagsasabi sa atin na walang positibong epekto ang pamamalo sa bata. Ayon nga sa isang pagsusuri na nilabas ng Journal of Family Psychology ngayong buwan, ang pamamalo ay lalong nag-uusig ng pagsuway sa magulang at nagdudulot ng pagtaas ng “anti-social behavior, aggression, mental health problems at cognitive difficulties.” Ang konklusyon na ito ay resulta ng limang dekadang pagsusuri ng University of Texas and Austin ukol sa pamamalo.
Ang positibong pagbabago at paghulma sa karakter ng tao ay hindi nakukuha sa marahas na paraan. Sa ngayon, maraming magulang sa ating bansa ang unti unti ng nakikita na ang pamamalo ay hindi angkop na uri ng pagdidisiplina sa mga bata. Kaya lamang, marami pa rin ang gumagawa nito. Dapat maging bukas ang ating isip at mas maging receptive sa mga positibong paraan ng pagdidisiplina.
Kapanalig, ang mga pahayag ni Pope Francis ukol sa pamilya ay mainam na gabay sa atin. Lagi niyang pinaala sa atin na ang pamilya ay dapat maging kanlungan ng positibong pagbabago at pagmamahal. Isa mga tanong niya nuong siya ay bumisita sa US at Cuba kamakailan lang ay nawa’y magdala sa ating pamilya sa liwanag: In our home, do we yell, or do we speak with love and tenderness? This is a good way to recognize our love.”