25,419 total views
March 30, 2020, 2:15PM
Aabot na sa P400 milyon o 400-libong urban poor families ang nabigyan ng gift certificates sa pamamagitan nang pakikipagtulungan ng mga negosyante sa Caritas Manila.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila, ang mga gift certificate ay magagamit ng bawat pamilya para sa kanilang pangunahing pangangailangan lalu’t marami ang walang hanapbuhay dahil sa umiiral na ‘enhanced community quarantine’.
Unang nakalikom ng P1.5-bilyon ang top 20 business group sa Metro Manila na bahagi ng Philippine Disaster Resilience Roundation para magbahagi ng tulong sa urban poor community o ang Project Ugnayan.
“Tayo ay ginamit ng mga kumpanya para makapag-distribute ng mga gift certificates, ito ay mas mabilis na puwedeng gamitin. Kasi P1,000 bawat poor family na ating ipamumudmod sa bawat Parokya,” ayon kay Fr. Pascual.
Ayon kay Fr. Pascual, kabilang sa mga benepisyaryo ang 10 diyosesis sa Metro Manila kabilang na ang Diyosesis ng Bulacan, Antipolo, Laguna at Imus.
At bilang pagtugon sa social distancing policy, pinapayuhan ang mga benepisyaryo na hintayin na lamang sa kanilang tahanan ang mga parish priest sa kanilang Parokya.
“Kasi mahalaga na manatili ang ating physical distancing. At ang mga mahihirap ay hindi na kinakailangan na pumila. Hindi na nila kailangan pumunta sa simbahan. Ang simbahan ang pupunta sa kanila,” ayon kay Fr. Pascual.
Tinatayang may 50 milyong katao sa buong Luzon ang naapektuhan ng pinapairal na community quarantine kabilang na dito ang higit sa limang milyong manggagawa sa Metro Manila.