196 total views
Posibleng nasusuhulan ang mga opisyal ng mga barangay kayat laganap ang iligal na droga sa kani-kanilang nasasakupan.
Ayon kay dating CBCP president Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, ang mga opisyal ng bawat barangay ang nakakaalam sa mga gawain ng mga residente kayat imposibleng hindi nila malaman kung may pagawaan na ng shabu sa kanilang barangay.
Sinabi pa ni archbishop Cruz, kung nakakapag-operate man ang mga sindikato ng droga sa isang lugar, tiyak na nagbubulag-bulagan lamang ang mga namumuno doon dahil sa posibleng nasuhulan na sila ng pera.
“Tungkol sa droga, imposible na sa isang barangay ay may gawan gamitan ng droga, hindi alam ng barangay captain, ng tanod eh bakit kaya bulag, natapalan ba ang mata o hindi ginagawa ang trabaho, kaya nga itinalaga sila sa barangay sila ang nasa laylayan, minsan nakakalimutan nila na doon pwede lahat na ipatupad ang batas.” Pahayag ni archbishop Cruz sa panayam ng Radyo Veritas.
Dahil dito, pinayuhan ng arsobispo si president-elect Rodrigo Duterte na nararapat lamang na simulan sa barangay level ang pagsugpo sa iligal na droga sa bansa.
Una ng inihayag ni president elect Rodrigo Duterte na sisimulan niya sa mga barangay ang pagpapatupad ng kanyang kampanya laban sa droga at nangakong papanagutin ang lahat ng sumisira sa kinabukasan ng mga kabataan.
Pinayuhan naman ni archbishop Cruz ang Pangulong Duterte na huwag tularan ang mga nagdaang administrasyon na maluwag sa mga umaalis ng Pilipinas na nagtutungo sa mga bansang pinaniniwalaang malakas ang transaksyon ng mga iligal na droga.
“Ikalawa, masyado tayo maluwag sa mga nagpupunta sa ibang bansa lalo na sa China, Taiwan etc, ito ang mga drug manufacturers so konting ingat o higpit di naman siguro mahirap yan.” Pahayag ni archbishop Cruz.
Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong 2012, mahigit 8,000 mula sa mahigit 42,000 mga barangay sa bansa ang may drug-related activities kung saan ang Metro Manila ang may pinakamataas na bilang ng mga barangay na may operasyon ng droga na nasa 92.10 percent.