268 total views
Patuloy na naka-alalay ang Archdiocese of Cebu sa pangangailangan ng mga Parokya na apektado ng El Niño Phenomenon sa lalawigan.
Ayon kay Rev. Fr. Cha Jayme, Risk Reduction Unit head ng Caritas Cebu, patuloy silang namamahagi ng bigas sa sampung parokya na apektado ngayon ng labis na tagtuyot.
Bagamat aminado si Fr. Jayme na may ilan nang mga pag-ulan na nagaganap sa kanilang lalawigan ay hindi pa rin ito sasapat upang tuluyang makabawi ang mga apektadong residente.
Sinabi ni Father Jayme na kumikilos na rin ang Caritas Cebu upang magpatupad ng mga programa na naglalayong mas mapaghandaan at maiwasan ang labis na epekto ng tag-tuyot sa pagsasaka.
Samantala, aminado naman ang Diocese of Tagbilaran na hindi agad makakabawi ang mga magsasakang apektado ng El Niño sa lalawigan ng Bohol.
Ayon kay Fr. Felix Warli Salise, Social Action Director ng Diocese of Tagbilaran, sektor ng agrikultura ang labis na naapektuhan ng tagtuyot kaya lalong nahihirapan at lumalaki ang utang ng mga magsasaka.
Nangangamba si Fr. Salise na bagamat may mga pag-ulan nang nagaganap sa ilang bahagi ng lalawigan ay hindi pa rin ito agarang makakatugon sa pagkalugi at pagkasira ng mga pananim ng mga apektadong residente.
Umaasa din ang Pari na makatulong sa kanila ang ibang institusyon ng Simbahan sa pamamagitan ng mga programa na hindi lamang para agarang makatugon sa mga nangangailangan kundi para sa pangmatagalan at epektibong solusyon sa problema.
Magugunitang unang nagdeklara ng state of calamity sa lalawigan ng Bohol dahil sa epekto ng El Nino phenomenon.
Nabatid na umaabot sa 40-libong magsasaka mula 27-bayan ang apektado ng tagtuyot sa nasabing probinsiya.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council, malapit ng matapos ang epekto ng el nino phenomenon ngunit nakaamba naman ang la nina na siyang magdudulot ng mga pag-ulan sa huling bahagi ng taon.