29,117 total views
Nilinaw ni Kamanggagawa Partylist Representative Elijah San Fernando na hindi dapat ikatwiran ang maliliit na negosyo upang hadlangan ang isinusulong na legislated wage hike para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.
Sa panayam ng programang Veritas Pilipinas, binigyang-diin ni San Fernando na hindi saklaw ng panukalang batas ang mga micro-enterprises o maliliit na negosyo, batay na rin sa mga probisyon ng isinusulong na batas.
“Mayroon na po tayong Barangay Micro Business Enterprise Law (BMBE Law) kung saan lahat ng mga BMBE Certified Micro Enterprises ay exempted sa pagbibigay ng minimum wage law. Take note while it is true that micro enterprises comprise 90% of our local businesses, 30% lang ang workforce ang nasa micro enterprises, at gaya ng nabanggit ko, hindi na sila kasama usapan ng pagtataas ng sahod,” ayon sa pahayag ng mambabatas.
Ayon sa Republic Act No. 9178 o ang Barangay Micro Business Enterprises (BMBE) Act of 2002, tinutukoy na ang mga certified BMBE ay hindi saklaw ng minimum wage law.
Iginiit din ni San Fernando na bagama’t higit 90% ng mga negosyo sa bansa ay kabilang sa kategoryang micro, small, and medium enterprises (MSMEs), tinatayang 70% ng kabuuang workforce ay nagtatrabaho na sa mga malalaking kumpanya.
Binatikos din ng Kamanggagawa Partylist ang inaprubahang ₱50 dagdag-sahod ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa Metro Manila na ipatutupad sa July 18, na ayon sa mambabatas, malayo ito sa aktuwal na pangangailangan ng isang pamilyang Pilipino, batay na rin sa datos ng IBON Foundation na nagsasabing nasa ₱1,221 ang arawang Family Living Wage para sa isang pamilyang may limang miyembro.
“Kung susumahin ang dagdag sahod, assuming everyone in the Philippines is earning 695 pesos, just multiply it by 26 that’s onliy 18,000 pesos per month, napakalayo sa prescribed family living wage. Ang hinihingi po ng manggagawa ay 200 pesos; ang ibinigay 50 – barya po iyan, at hindi katanggaptanggap sa mga manggagawa,” giit pa ng kongresista.
Sa ilalim ng bagong umento, tataas lamang sa ₱695 ang arawang sahod ng mga manggagawa sa NCR—malayo sa pinaglalaban ng mga labor groups at sektor ng Simbahan na nagsusulong ng living wage.