LUNES, HUNYO 12, 2023

SHARE THE TRUTH

 2,255 total views

Lunes ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

2 Corinto 1, 1-7
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Mateo 5, 1-12

Monday of the Tenth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
2 Corinto 1, 1-7

Ang simula ng ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mula kay Pablo na hinirang ng Diyos upang maging apostol ni Kristo Hesus at mula sa ating kapatid na Timoteo –

Sa simbahan sa Corinto at sa mga hinirang ng Diyos, na nasa buong Acaya:

Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo.

Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo, ang mahabaging Ama at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan. Inaaliw niya tayo sa ating mga kapighatian upang makatulong naman tayo sa mga namimighati, sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya. Kung gaano karami ang tiising dinaranas namin sa pakikipag-isa kay Kristo, gayon din ang kaaliwang tinatamo namin mula sa kanya. Kung namimighati man kami, ito’y sa ikaaaliw at ikaliligtas ninyo. Kapag inaaliw kami, kayo ma’y naaaliw rin at lumalakas upang mabata ang mga kapighatiang dinaranas ninyo, tulad namin. Kaya’t matibay ang aming pag-asa para sa inyo sapagkat alam naming kahati kayo sa aming kaaliwan, kung paanong kayo’y kahati namin sa pagtitiis.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Nagalak ang aping umasa sa kanya,
Pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila’y iniligtas sa hirap at dusa.

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila’y kinukupkop.
Ang galing ng Pooon hanaping masikap;
yaong nagtiwala sa kanya’t naligtas
ay maituturing na taong mapalad.

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

ALELUYA
Mateo 5, 12a

Aleluya! Aleluya!
Magdiwang kayo’t magsaya,
sa langit ay liligaya,
gagantimpalaan t’wina.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 5, 1-12

Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nang makita ni Hesus ang napakakapal na tao, umahon siya sa bundok. Pagkaupo niya’y lumapit ang kanyang mga alagad, at sila’y tinuruan niya ng ganito:

“Mapalad ang mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos,
sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.
“Mapalad ang mga nahahapis, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.
“Mapalad ang mga mapagpakumbaba,
sapagkat tatamuhin nila ang ipinangako ng Diyos.
“Mapalad ang mga nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos,
sapagkat ipagkakaloob sa kanila ang kanilang minimithi.
“Mapalad ang mga mahabagin,
sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.
“Mapalad ang mga may malinis na puso,
sapagkat makikita nila ang Diyos.
“Mapalad ang mga gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo,
sapagkat sila’y ituturing ng Diyos na mga anak niya.
“Mapalad ang mga pinag-uusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos,
sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.
“Mapalad kayo kapag dahil sa aki’y inaalimura kayo ng mga tao, pinag-uusig at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. Magdiwang kayo at magalak, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayun din ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikasampung Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes

Ang kaligayahan ang pinakamahirap na makamit sa lahat ng mga hinahangad ng tao. Manalangin tayo ngayon sa Diyos Ama para sa malalim na kapayapaang nagmumula sa ating buong pusong pagsandig sa kanya.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng biyaya, maging gantimpala ka namin.

Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y magkaroon ng tapang at lakas na ipahayag ang Mabuting Balita na siyang sagisag ng kasalungatan sa daigdig, manalangin tayo sa Panginoon.

Yaong mga nahaharap sa mga pag-uusig dahil sa kanilang pagsaksi sa Ebanghelyo nawa’y makaranas ng kaginhawahan dulot ng presensya ni Kristo sa gitna ng kanilang paghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang isapuso ang turong “mapapalad” upang maging banal at masaya tayo sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos dito sa lupa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at ang mga tumatangis sa pagpanaw ng kanilang mga mahal sa buhay nawa’y palakasin at hilumin sa kanilang kalungkutan at sakit, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y magkamit ng kaligayahan at kapayapaan ng makalangit na Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.

Walang hanggang Ama, nababatid namin na may malalim na malasakit ka sa aming kasiyahan. Palakasin mo nawa kami at panatilihin mo kaming malapit sa iyo, ikaw na pinagmumulan ng aming kapayapaan at kaligayahan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Pagsasapribado ng enerhiya para kanino?

 87,836 total views

 87,836 total views Mga Kapanalig, simula noong pumutok ang giyera sa Middle East, muling nabaling ang atensyon sa mga batas at patakarang sinasabing lalong nagpapahirap sa

Read More »

Lason sa utak ng kabataan

 118,059 total views

 118,059 total views Mga Kapanalig, nailibing na ang tatlong estudyanteng namatay sa malagim na pamamaril ng dalawang estudyante sa isang high school sa Tacloban. Hustisya pa

Read More »

Suriin ang panawagan ng protesta

 144,708 total views

 144,708 total views Mga Kapanalig, nasorpresa rin ba kayo sa rally na isinagawa ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (o INC) noong Martes sa EDSA?

Read More »

INTELIHENSIYANG POLPOL

 239,681 total views

 239,681 total views Kapanalig, kada taon kapag tinatalakay ang pambansang badyet, naririndi tayong mga Pilipino sa bilyun-bilyong pisong intelligence fund. Lahat ng ahensiya ng pamahalaan, kahit

Read More »

Kapayapaan na ba sa wakas?

 254,905 total views

 254,905 total views Mga Kapanalig, kalagitnaan ng buwan ng Hunyo nang pirmahan nina US President Donald Trump at Iranian President Masoud Pezeshkian ang kasunduang naglalayong tuldukan

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Linggo, Hulyo 12, 2026

 717 total views

 717 total views Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) Isaias 55, 10-11 Salmo 64, 10abkd. 10e-11. 12-13. 14 Nagbunga nang masagana, binhi sa mabuting lupa. Roma

Read More »

Sabado, Hulyo 11, 2026

 2,113 total views

 2,113 total views Paggunita kay San Benito, abad Isaias 6, 1-8 Salmo 92, 1ab. 1k-2. 5 Panginoo’y naghari na! Ang damit n’ya’y maharlika. Mateo 10, 24-33

Read More »

Biyernes, Hulyo 10, 2026

 4,022 total views

 4,022 total views Biyernes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Oseas 14, 2-10 Salmo 50, 3-4. 8-9. 12-13. 14 at 17 Pupurihin ko kailanman

Read More »

Huwebes, Hulyo 9, 2026

 5,080 total views

 5,080 total views Huwebes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Agustin Zhao Rong, pari at martir, at mga Kasama, mga

Read More »

Miyerkules, Hulyo 8, 2026

 6,008 total views

 6,008 total views Miyerkules ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Oseas 10, 1-3. 7-8. 12 Salmo 104, 2-3. 4-5. 6-7 Hanapin ang Poon lagi,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top