MARTES, ENERO 16, 2024

SHARE THE TRUTH

 7,958 total views

Martes ng Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Samuel 16, 1-13
Salmo 88, 20. 21-22. 27-28

Si David na aking lingkod
ang hirang kong ibinukod.

Marcos 2, 23-28

Tuesday of the Second Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Samuel 16, 1-13

Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Huwag mong ikalungkot nang labis ang pagkaalis ko kay Saul bilang hari. Magdala ka ng langis at pumunta ka kay Jesse na taga-Betlehem sapagkat pinili ko nang maging hari ang isa sa kanyang mga anak.”

Sumagot si Samuel, “Paano ako pupunta roon? Tiyak na papatayin ako ni Saul kapag nalaman niyang nagpunta ako roon.”

Sinabi ng Panginoon, “Magdala ka ng isang dumalagang baka at sabihin mong maghahandog ka sa akin. Anyayahan mo si Jesse at ituturo ko sa iyo kung ano ang gagawin mo at kung sino ang papahiran mo ng langis.”

Sinunod ni Samuel ang utos sa kanya ng Panginoon; nagpunta nga siya sa Betlehem. Siya’y sinalubong ng matatanda ng lunsod at nanginginig na tinanong, “Sa ikabubuti ba namin ang inyong pagparito?”

“Oo,” sagot niya, “Naparito ako upang maghandog sa Panginoon. Ihanda ninyo ang inyong sarili at sumama kayo sa akin.” Pinahanda rin niya si Jesse at ang mga anak nito at inanyayahan sa paghahandog.

Nang magkaharap-harap na sila, nakita ni Samuel si Eliab, pinagmasdan niya itong mabuti at sinabi sa sarili, “Ito siguro ang hinirang ng Panginoon para maging hari.”

Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan. Hindi siya ang hinirang ko. Ang batayan ko ay di tulad ng batayan ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit puso ang tinitingnan ko.”

Pagkaraan ni Eliab, tinawag ni Jesse si Abinadad at pinaraan din sa harapan ni Samuel. Ngunit umiling si Samuel at sinabi, “Hindi rin siya ang hinirang ng Panginoon.” Tinawag ni Jesse si Samma, ngunit sinabi rin ni Samuel na hindi ito ang pinili ng Panginoon. Isa-isang tinawag ni Jesse ang pito niyang anak ngunit walang pinili sa kanila ang Panginoon. Kaya’t tinanong ni Samuel si Jesse, “Wala ka na bang anak kundi iyan?”

“Mayroon pang isa; ‘yong pinakabata, at pastol ng aking mga tupa,” sagot ni Jesse.

Sinabi ni Samuel, “Ipasundo mo. Hindi natin sisimulan ang paghahandog hangga’t hindi siya dumarating.” At sinundo nga ang anak na ito ni Jesse. Siya’y makisig na binatilyo, malusog at nangungusap ang mga mata.

At sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Siya ang hinirang ko; pahiran mo siya ng langis.” Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at pinahiran si David sa harapan ng kanyang mga kapatid. At mula noon, sumakanya ang Espiritu ng Panginoon. Pagkatapos, si Samuel ay umuwi sa Rama.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 20. 21-22. 27-28

Si David na aking lingkod
ang hirang kong ibinukod.

Ika’y nagsalita noon pa mang una
sa mga lingkod mo, at ipinakita
yaong pangitain, at ito ang badya:
“Aking pinutungan ang isang dakila.
na aking pinili sa gitna ng madla.”

Si David na aking lingkod
ang hirang kong ibinukod.

Ang piniling lingkod na ito’y si David,
aking pinahiran ng banal na langis.
Kaya’t palagi ko siyang aakbayan
at siya’y lalakas sa aking patnubay.

Si David na aking lingkod
ang hirang kong ibinukod.

Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
Tagapagsanggalang niya’t Manunubos.
Gagawin ko siyang anak na panganay,
mataas na hari nitong daigdigan!”

Si David na aking lingkod
ang hirang kong ibinukod.

ALELUYA
Efeso 1, 17-18

Aleluya! Aleluya!
D’yos Ama ni Hesukristo,
kami ay liwanagan mo
at tutugon kami sa ‘yo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 2, 23-28

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan si Hesus at ang kanyang mga alagad sa tabi ng triguhan. Habang daa’y nangingitil ng uhay ang mga alagad, kaya’t sinabi ng mga Pariseo kay Hesus, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Bawal iyan kung Araw ng Pamamahinga!” Sinagot sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong si Abiatar ang pinakapunong saserdote? Nang siya at kanyang mga kasama’y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog ng Diyos. Ayon sa Kautusan, ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyon, ngunit kinain iyon ni David, at binigyan pa ang kanyang mga kasama.” Sinabi pa ni Hesus, “Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa kabutihan ng tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. Kaya’t maging ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes

Manalangin tayo sa Diyos Ama na tinawag tayong maging kanyang malalayang mga anak sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Jesu-Kristo.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng Araw ng Pangilin, basbasan Mo kami.

Ang lahat ng mga Kristiyano nawa’y ituring ang mga utos ng Diyos bilang pinto sa kalayaan mula sa pagkakasala at bilang paraan ng paglilingkod sa Diyos at sa kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang lahat ng mga mambabatas nawa’y gumawa ng mga makataong batas na maglilingkod para sa ikabubuti ng lahat, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang batas nawa’y huwag nating ilagay nang higit pa sa ating pagkatao bagkus unahin ang pagpapatupad ng dakilang utos na magmahalan tayo, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa mga nababahala sa kanilang karamdaman nawa’y makatagpo sila ng kaginhawahan at lakas sa mga taong nagmamahal at kumakalinga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga yumao nawa’y tanggapin ang walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoong Diyos, nawa’y maging paanyaya sa amin ang bawat batas mo upang mahalin at paglingkuran ang aming kapwa at upang sila ay unawain, igalang, gabayan at maging amin ring gabay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Hindi lang ‘for the content’

 11,500 total views

 11,500 total views Mga Kapanalig, dahil sa paglaganap ng social media, marami ang naeengganyong maging content creators.  Kung anu-ano na nga ang nilalaman ng mga video

Read More »

DUMARAMI ANG NAGUGUTOM NA PILIPINO

 185,434 total views

 185,434 total views Puro politika…puro grandstanding….political manuevering… political interest…political survival! Kapanalig, ito ang nangingibabaw ngayon na usapin sa bansa. Puro para sa kanila, lahat para sa

Read More »

FAILURE OF LEADERSHIP

 163,067 total views

 163,067 total views political dynasty ay maituturing na “shameful event” sa kasaysayan ng tinatawag na “AUGUST CHAMBER”. Kapag bahagi ka ng AUGUST CHAMBER, maituturing ka dapat

Read More »

Trabaho lang, walang personalan

 226,829 total views

 226,829 total views Mga Kapanalig, naging mainit kamakailan ang mga eksena sa Senado matapos ang tensyon sa pagitan nina Senador Robin Padilla at Senador Francis “Kiko“

Read More »

Serbisyo para kanino?

 245,789 total views

 245,789 total views Mga Kapanalig, si Senador Alan Peter Cayetano na ngayon ang bagong Senate President, kapalit ni Senador Vicente “Tito” Sotto III.  Marami sa mga

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Miyerkules, Mayo 27, 2026

 982 total views

 982 total views Miyerkules ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Agustin ng Kanterberi, obispo 1 Pedro 1, 18-25 Salmo 147, 12-13.

Read More »

Martes, Mayo 26, 2026

 2,639 total views

 2,639 total views Paggunita kay San Felipe Neri, pari 1 Pedro 1, 10-16 Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4 Ang D’yos na rin ang naghayag ng handog

Read More »

Lunes, Mayo 25, 2026

 2,639 total views

 2,639 total views Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Sambayanan Genesis 3, 9-15. 20 o kaya Mga Gawa 1, 12-14 Salmo 87, 1-2. 3. at

Read More »

Linggo, Mayo 24, 2026

 2,251 total views

 2,251 total views Linggo ng Pentekostes (A) Mga Gawa 2, 1-11 Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34 Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong

Read More »

Sabado, Mayo 23, 2026

 1,500 total views

 1,500 total views Sabado sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 28, 16-20. 30-31 Salmo 10, 4. 5. at 7 Poon, ang mga mabuti

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top