3,348 total views
Huwebes ng Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Hebreo 10, 19-25
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Marcos 4, 21-25
Thursday of the Third Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Hebreo 10, 19-25
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Kaya nga, mga kapatid, tayo’y malaya nang makapapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa kamatayan ni Hesus. Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buhay na daang naglagos hanggang sa kabila ng tabing-alalaong baga’y ang kanyang katawan. Tayo’y may isang Dakilang Saserdote na namamahala sa sambahayan ng Diyos. Kaya’t lumapit tayo sa Diyos nang may tapat na kalooban at matibay na pananalig sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nalinis na ang atig mga puso at nahugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan. Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag mag-alinlangan, sapagkat tapat ang nangako sa atin. At sikapin nating mapukaw ang damdamin ng bawat isa sa pag-ibig sa kapwa, at sa paggawa ng mabuti. At huwag kaligtaan ang pagdalp sa ating mga pagtitipon gaya ng ginawa ng ilan, kundi palakasin ang loob ng isa’t isa, lalo na ngayong nakikita nating nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Ang buong daigdig, lahat ng naroon,
may-ari’y ang Diyos, ating Panginoon;
ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Sino ang marapat umahon sa burol,
sa burol ng Poon, sino ngang aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo,
Sino’ng tutulutang pumasok na tao?
Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-diyusan;
tapat sa pangako na binibitiwan.
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Ang Panginoong Diyos, pagpapalain siya,
ililigtas siya’t pawawalang-sala.
Gayun ang sinumang lumalapit sa Diyos
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
ALELUYA
Salmo 118, 105
Aleluya! Aleluya!
Ang salita mo’y liwanag,
tanglaw sa aking paglakad,
sa paghakbang sa ‘yong landas.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 4, 21-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Sinisindihan ba ang ilawan para itago sa ilalim ng takalan, o kaya’y sa ilalim ng higaan? Hindi ba upang ilagay sa talagang patungan? Walang natatago na di malalantad at lihim na di mabubunyag. Ang may pandinig ay makinig.”
At idinugtong pa niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong naririnig. Ang panukat na ginamit ninyo ay siya ring gagamitin sa inyo ng Diyos at higit pa. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Manalangin tayo sa Diyos, Ama ng liwanag, upang maging tapat tayo sa ating bokasyon na maging ilaw ng sanlibutan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng kabutihan, liwanagan Mo kami.
Ang ating Simbahan, ang Bayan ng Diyos, nawa’y maging dakilang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman ng ating mundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng daigdig nawa’y magbigay ng sinag ng pag-asa sa buhay ng mga naghihikahos at nangangailangan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng mga Kristiyano nawa’y maging tulad ng ilawan sa tuktok ng bundok upang maging gabay ng mga taong naglalakbay dito sa lupa patungo sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, mga matatanda, at mga napapabayaan nawa’y hindi mawalan ng pag-asa sa pamamagitan ng liwanag na ipinakikita ng mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na yumao nawa’y tanglawan ng walang hanggang liwanag, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, bigyan mo kami ng bagong kamulatan at lakas upang maitalaga namin ang aming sarili sa paglilingkod sa aming mga kapatid upang ang liwanag mo ang tumanglaw sa lahat. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.