Search

Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Huwebes, Pebrero 20, 2025

SHARE THE TRUTH

 4,135 total views

Huwebes ng Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Genesis 9, 1-13
Salmo 101, 16-18. 19-21. 29 at 22-23

Mula sa iyong luklukan,
lahat ay ‘yong minamasdan.

Marcos 8, 27-33

Thursday of the Sixth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Genesis 9, 1-13

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Si Noe at ang kanyang mga anak ay pinagpala ng Diyos: “Magkaroon kayo ng maraming anak at kalatan ninyo ang buong daigdig. Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop, pati mga ibon, ang lahat ng gumagapang sa lupa at ang mga isda. Ang lahat ng ito ay inilalagay ko sa ilalim ng inyong kapangyarihan. Ibinibigay ko sa inyo ang mga hayop at mga halamang luntian upang maging pagkain ninyo. Isang bagay lamang ang hindi ninyo makakain, ang karneng hindi inalisan ng dugo na siyang sagisag ng buhay. Papatayin ang sinumang papatay sa inyo, maging ito’y hayop. Sisingilin ko ang sinumang taong papatay ng kanyang kapwa.

Sinumang pumatay ng kanyang kapwa ay buhay ang bayad sa kanyang ginawa, sapagkat ang tao’y nilalang, nilikha ayon sa larawan ng Diyos na dakila.

“Magkaroon nga kayo ng maraming anak upang kalatan nila ang buong daigdig.”

Sinabi ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak, “Ako’y makikipagtipan sa inyo ngayon, pati na sa inyong magiging mga anak, gayun din sa lahat ng mga bagay na may buhay sa paligid ninyo – mga ibon, maaamo’t maiilap na hayop na kasama ninyo sa daong. Ito ang masasabi ko sa aking pakikipagtipan sa inyo: Kailanma’y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. Wala nang baha na gugunaw sa daigdig.” Sinabi pa ng Diyos, “Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop: Palilitawin ko sa mga ulap ang aking bahaghari, at iyan ang magiging tanda ng aking pakikipagtipan sa inyo.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 101, 16-18. 19-21. 29 at 22-23

Mula sa iyong luklukan,
lahat ay ‘yong minamasdan.

Ang lahat ng bansa sa Poon ay takot,
maging mga hari sa buong sinukob.
Kung iyong itayong pamuli ang Sion,
ika’y mahahayag doon, Panginoon.
Daing ng mahirap ay iyong diringgin,
di mo tatanggihan ang kanilang daing.

Mula sa iyong luklukan,
lahat ay ‘yong minamasdan.

Ito’y matititik upang matunghayan,
ng sunod na lahing di pa dumaratal;
ikaw nga, O Poon, ay papupurihan.
Mula sa itaas, luklukan mong banal,
ang lahat sa lupa’y iyong minamasdan
iyong dinirinig ang pagtataghuyan
ng mga bilanggong ang hatol ay bitay,
upang palayain sa hirap na taglay.

Mula sa iyong luklukan,
lahat ay ‘yong minamasdan.

At ang mga anak ng ‘yong mga lingkod,
mamumuhay namang panatag ang loob;
magiging matatag ang kanilang angkan,
sa pag-iingat mo, sila ay tatagal.
Anupa’t ang iyong ngala’y mahahayag,
sa Sion, O Poon, ika’y ibabansag;
pag ang mga bansa ay nagsasama-sama
sa banal na lungsod upang magsisamba.

Mula sa iyong luklukan,
lahat ay ‘yong minamasdan.

ALELUYA
Juan 6, 63k. 68k

Aleluya! Aleluya!
Espiritung bumubuhay
ang Salita mo, Maykapal,
buhay mo ang tinataglay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 8, 27-33

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, si Hesus, kasama ang kanyang mga alagad, ay nagtungo sa mga nayon ng Cesarea, sakop ni Filipo. Samantalang sila’y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila, “Ang sabi ng ilan ay si Juan Bautista kayo; sabi naman ng iba, si Elias kayo; at may nagsasabi pang isa kayo sa mga propeta.” “Kayo naman – ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya. “Kayo ang Kristo,” tugon ni Pedro. “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.

Mula noon, ipinaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap. Siya’y itatakwil ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba at ipapapatay. Ngunit sa ikatlong araw, muli siyang mabubuhay. Maliwanag na sinabi niya ito sa kanila. Kaya’t niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan. Ngunit humarap si Hesus sa kanyang mga alagad at pinagwikaan si Pedro: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes

Sa ating pagtitipon upang ipagdiwang ang misteryo ng ating kaligtasan, bumaling tayo nang may pananalig sa Diyos Ama at hilingin ang kanyang awa.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, ipahayag ka nawa ng aming buhay.

Ang Santo Papa nawa’y mapanatili ang Simbahan sa pananampalataya ni San Pedro, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang lahat ng mga Kristiyano nawa’y makasunod sa yapak ni Kristo sa pamamagitan ng pagtanggap ng kanilang krus araw-araw bilang pakikiisa sa pagdurusa ng ating Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nabibigatan at nahihirapan sa pagpapasan ng kanilang krus nawa’y makatagpo kay Kristo ng lakas at kaginhawahan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y makita na tahib lamang ng krus ni Kristo ang kanilang karamdaman, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nauna na sa atin sa kabilang buhay, nawa’y makita nila ang Mananakop na nagpakasakit para sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Makalangit na Ama, pakinggan mo ang panalangin ng iyong bayan at tulungan mo kaming yakapin araw-araw ang pagsubok ng aming krus. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Karapatan sa kalusugan para sa iilan?

 20,861 total views

 20,861 total views Mga Kapanalig, ang healthcare o pangangalaga sa kalusugan ay isang pangunahing karapatang pantao. Hindi ito luho. Hindi ito pribilehiyo para lamang sa iilan.

Read More »

Maging instrumento ng katotohanan

 43,883 total views

 43,883 total views Mga Kapanalig, parami na nang parami ang mga nakatatanggap ng mga maleta na naglalaman ng limpak-limpak na perang kickback diumano mula sa mga

Read More »

A WAY TO LATE?

 83,377 total views

 83,377 total views Huli na ba ang lahat? O blessings in disguise? Kapanalig, sa paglaganap ng social media at pagkaroon ng access ng mayorya ng mga

Read More »

Sapat na kanin sa mesa

 96,906 total views

 96,906 total views Mga Kapanalig, hindi maaaring mawala ang kanin sa mesa ng bawat pamilyang Pilipino, kaya mahalagang tiyaking sapat ang suplay ng bigas sa mga

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Biyernes, Hunyo 26, 2026

 481 total views

 481 total views Biyernes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 2 Hari 25, 1-12 Salmo 136, 1-2. 3. 4-5. 6 Kung ika’y aking limutin, wala

Read More »

Huwebes, Hunyo 25, 2026

 1,861 total views

 1,861 total views Huwebes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 2 Hari 24, 8-17 Salmo 78, 1-2. 3-5. 8. 9 Dahil sa ngalan mo, Poon,

Read More »

Miyerkules, Hunyo 24, 2026

 3,299 total views

 3,299 total views Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista Isaias 49, 1-6 Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 14k-15 Pinupuri kita, D’yos ko, dahil ako’y nilikha

Read More »

Martes, Hunyo 23, 2026

 4,110 total views

 4,110 total views Martes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 2 Hari 19, 9b-11. 14-21. 31-35a. 36 Salmo 47, 2-3a. 3b-4. 10-11 Lungsod ng D’yos

Read More »

Lunes, Hunyo 22, 2026

 3,446 total views

 3,446 total views Lunes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Paulino ng Nola, obispo o kaya Paggunita kay San Juan Fisher, obispo,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top