Mga Kapanalig, malinaw sa ating Konstitusyon na ang bise presidente ay isang standby official. Nasasaad sa pinakamataas na batas sa ating bansa: “Kung mangyari ang pamalagiang pagkabalda, pagkamatay, pagkaalis sa katungkulan o pagbibitiw ng pangulo, ang pangawalang pangulo ay dapat maging pangulo na manunungkulan sa di-natapos na bahagi ng [termino] ng panunungkulan.”
Kaya siguro walang nakikitang problema si Vice President Sara Duterte at ang kanyang mga tagasuporta sa madalas niyang paglabas ng bansa. Noong isang linggo, lumipad ang bise sa Melbourne, Australia para dumalo sa isang rally ng mga tagasuporta ng kanyang ama. Bago nito, kasama niya ang mga kaalyado niyang senador sa Kuala Lumpur, Malaysia. Nagsalita siya sa pagtitipon ng mga OFWs doon kasabay ng Araw ng Kalayaan. Nagdiwang naman siya ng kanyang birthday sa Netherlands kung saan nakakulong ang tatay niyang si dating Pangulong Rodrigo Duterte. Nakisalamuha rin siya sa mga OFWs doon na nagsagawa ng pagtitipon sa labas ng International Criminal Court (o ICC) sa The Hague. Doon siya lumipad pagkatapos dumalo ng isang thanksgiving mass na inorganisa ng mga OFWs sa Doha, Qatar na loyal sa pamilya Duterte.
Sara all—este, sana all—nakakapagbiyahe abroad nang madalas.
Nang tanungin ng media ang reaksyon ng Malacañang sa sunud-sunod na paglabas ng bansa ng bise presidente, tanong din ang isinagot ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro: “Pampersonal o pambayan?”
Anong tingin ninyo, mga Kapanalig?
Hindi lang naman si VP Sara ang kapansin-pansing napapadalas ang pagbiyahe sa ibang bansa. Natatandaan pa ba ninyo na sa kanyang mga unang taon, inulan din ng batikos si Pangulong Bongbong marcos Jr dahil sa marami niyang foreign trips? Pinakapinuná ng marami ang pagpunta niya sa Singapore para manood ng karera ng mga sasakyan bahang binabayo tayo ng Super Typhoon Karding noong Oktubre 2022. Naulit pa ang panonood ng naturang karera noong Setyembre 2023. Pero depensa ni PBBM, karamihan naman sa mga lakad niya sa labas ng bansa ay official business—mga pulong sa mga lider ng ibang bansa, mga meeting sa mga mamumuhunan, at pakikipagkumustahan din sa mga kababayan nating nagtatrabaho roon.
Dapat lamang na usisain natin ang mga biyahe ng ating mga opisyal dahil kailangan nating malaman kung pera ng bayan ang kanilang ginagamit. Hindi biro ang gastos sa pagpunta sa ibang bansa—kailangan ng pamasahe pati ng mga kasama ng mga opisyal, kailangan ng hotel kung saan sila mamamalagi, kailangan ng pagkain at iba pang bagay. Kaya sa bawat paglabas ng bansa ng ating mga opisyal, gamitin din natin ang tanong ni Usec Castro: pampersonal ba o pambayan? Parang ganito rin ang ipinahihiwatig sa Mga Kawikaan 22:29: “Alam ba ninyo kung sino ang pinaglilingkuran ng mga [nagtatrabaho]?”
Sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan, pinahahalagahan ang responsabilidad ng mga nasa gobyerno na maging accountable sa kanilang mga pinaglilingkuran. Dapat silang managot sa taumbayan dahil wala sila sa kanilang posisyon kung hindi sila pinagkatiwalaan ng mga tao. Ang posisyong tangan nila ay may kaakibat na tungkuling maging tapat sa kabutihang panlahat o common good. Sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes, ipinapaalalang ang lahat ng ginagawa ng mga taong nasa poder ay dapat isinasaalang-alang ang tama, matuwid, at nakabubuti sa lahat. Ang kapakanan ng taumbayan, hindi ang pansariling interes, ang dapat na prayoridad ng mga nasa gobyerno.
Mga Kapanalig, bagamat hindi nga kasimbigat ng trabaho ng presidente ang trabaho ng bise presidente, dapat pa ring malinaw sa ating mga dapat pinaglilingkuran niya kung para saan ang mga biyahe niya sa oras ng kanyang trabaho at gamit ang pera ng bayan. Marami pong kailangang trabahuhin, Madam VP.
Sumainyo ang katotohanan.






