
Homiliya para sa Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon – 20 Hulyo 2025
Genesis 18:1–10 | Lucas 10:38–42
Nagkwento sa akin minsan ang isang tatay ilang araw matapos mailibing ang 20-anyos na anak niya na namatay. Isang araw daw, habang nag-iiscroll siya sa social media, napanood niya ang video ng isang batang lalaki na nagtanong sa tatay niya kung magkano ang kinikita niya sa isang araw. Pagkasabi, binuksan daw ng bata ang kanyang alkansya at sinabi:
“Tay, bigay ko na po sa inyo itong naipon ko. Para di ka na muna pumasok sa trabaho kahit isang araw lang, para makapagbasketbol tayo gaya ng dati.”
Napaiyak daw ang tatay sa napanood niya, dahil bumalik sa isip niya ang huling pagkikita nila ng sariling anak niya na namatay. Iyung gabing iyon, kumatok daw ang kanyang anak sa pinto ng kanyang kwarto.
“Tay, pwede ba kitang makausap kahit sandali?”
Pero dahil sa dami ng trabaho, ang naisagot daw ng ama ay,
“Anak, abala ako. Kailangan kong tapusin ‘to.”
Hindi niya alam na iyon pala ay isang sigaw ng paghingi niya ng saklolo. Buntong-hininga ng anak niya mayroon palang mabigat na pinagdadaanan. Isang huling pagkakataong parang humahanap ng karamay—na hindi niya napagbigyan. Biktima pala ng depression ang anak niya at ito ay humantong sa suicide. Ang tindi ng pagsisi ng ama.
Sa Ebanghelyo ngayon, ganito rin ang sinabi ni Hesus kay Marta:
“Marta, Marta, abala ka sa maraming bagay, pero isang bagay lang naman ang tunay na kailangan… at ito ang ginagampanan din ng kapatid niyang si Maria.
Ano ba ang ginawa ni Maria? Umupo. Nakinig. Naglaan ng kanyang presensya.
Ang kwento ni Marta ay parang pambalanse sa naunang kuwento, ang talinghaga ng Mabuting Samaritano. Doon, ang pagdamay ay ipinakita sa pamamagitan ng gawa: nilanggasan ang sugat, binuhat ang biktima at dinala sa bahay-panuluyan. Kabaligtaran ng pari at Levita na nagpatuloy ng paglalakbay na walang ginawa.
Hindi kaya ito ang hinaing ni Marta tungkol sa kapatid? Na dahil hindi siya tinutulungan sa kusina, wala itong ginagawa. Hindi ganoon sa pagtingin ni Hesus. Ang Ngunit ang pagtanggap ay ipinadama ni Maria hindi sa pagluluto o paghahanda ng pagkain kundi sa pag-upo, pananatili sa piling ng kaibigan, pakikinig, at pakikipag-usap.
At kung titingnan natin ang unang pagbasa, makikita rin natin ang dalawang anyo ng pagtanggap na isinalubong ni Abraham sa tatlong dayuhan. Tumigil sa ginagawa pagkakita sa tatlong bisita—at hindi siya nagpatumpik-tumpik. Siya at si Sarah ay naglaan ng oras, pagkain, at presensya. Hindi nila alam, mga sugo pala ng Diyos ang kanilang pinaglilingkuran.
Sa pagtanggap nila ng bisita, dumating ang biyaya—ang pangakong anak na si Isaac.
Ganyan talaga ang hiwaga ng pakikinig at pagtigil. Sa mundo ng abala at pagmamadali, ang paglalaan ng kahit nagpatuloy kaunting sandali sa kapwa ay maaaring maging bukal ng buhay at biyaya. Sa pag-upo kasama ng kapwa, dumadalaw ang Diyos. Ang binahaginan mo ng biyaya ay pagmumulan ng mas higit pang biyaya.
Mga kapatid, hindi lahat ng pagdamay ay kailangang aktibo. Minsan, ang pinakamabigat na pasanin ay napapawi ng isang taong marunong makinig. Hindi ng maraming salita, kundi ng taimtim na presensya.
Ito ang paanyaya ng Salita ng Diyos ngayon:
Tumigil. Makinig. Dumamay, umalalay. Hindi para lutasin ang problema ng kapwa, kundi upang ipadama:
“Nandito ako. Karamay mo ako.”
Sabi nga ng kanta:
Kasama mo ako sa hirap at ginhawa,
At may karamay ka sa ‘yong pagdurusa…
Marami sa ating kapwa ang kumakatok sa ating pansin—mga anak, asawa, kaibigan, parishioner—hindi para hingan tayo ng sagot o pera, kundi upang maramdaman lang na sila ay hindi nag-iisa.
Huwag nating maliitin ang halaga ng pakikinig at taos-pusong pagdamay kahit sandaling presensya lang.
Hindi naman kailangan na ang lahat ay gumampan sa papel ni Marta. Mahalaga rin ang papel na ginagampanan ng mga Maria—tumigil sandali, makinig, at magparamdam na naroon ka sa piling nila, handang dumamay at umalalay.






