4,282 total views
Biyernes ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita sa Kamahal-mahalang Ngalan ng Mahal na Birhen
1 Timoteo 1, 1-2. 12-14
Salmo 15, 1-2a. at 5. 7-8. 11
D’yos ko, aking kapalara’y
manahin ang iyong buhay.
Lucas 6, 39-42
Friday of the Twenty-third Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Most Holy Name of Mary (White)
UNANG PAGBASA
1 Timoteo 1, 1-2. 12-14
Ang simula ng unang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo
Mula kay Pablo, apostol ni Kristo Hesus ayon sa kalooban ng Diyos na ating Tagapagligtas at ni Kristo Hesus na ating pag-asa –
Kay Timoteo na tunay kong anak sa pananampalataya:
Sumaiyo nawa ang pagpapala, habag, at kapayapaan buhat sa Diyos Ama at kay Kristo Hesus na ating Panginoon.
Nagpapasalamat ako kay Kristo Hesus na ating Panginoon, na nagbibigay sa akin ng lakas para sa gawaing ito, sapagkat ako’y minarapat niya at hinirang na maging lingkod. Hinirang niya ako upang maglingkod sa kanya bagamat noong una’y nagsalita ako laban sa kanya. Bukod dito’y inusig ko siya’t nilait. Sa kabila nito’y kinahabagan ako ng Diyos sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa noong hindi pa ako naniniwala sa kanya. Iginawad sa akin ng Panginoon ang kanyang masaganang pagpapala, kalakip ang pananampalataya at pag-ibig na nasa atin dahil sa pakikipag-isa kay Kristo Hesus.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 15, 1-2a. at 5. 7-8. 11
D’yos ko, aking kapalara’y
manahin ang iyong buhay.
O Diyos, ako’y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod,
ang hangad ko ay maligtas kaya sa ‘yo dumudulog;
“Ika’y aking Panginoon,” ang wika ko sa aking Diyos,
“kabutihang tinanggap ko, ay ikaw ang nagkaloob.”
Ikaw lamang, O Poon ko, ang lahat sa aking buhay,
ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan.
D’yos ko, aking kapalara’y
manahin ang iyong buhay.
Pinupuri ko ang Poon na sa akin ay patnubay.
Kahit gabi diwa niya ang sa aki’y umaakay.
Nababatid ko na siya’y kasama ko oras-oras.
Sa piling n’ya kailanma’y hindi ako matitinag.
D’yos ko, aking kapalara’y
manahin ang iyong buhay.
Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan,
sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.
D’yos ko, aking kapalara’y
manahin ang iyong buhay.
ALELUYA
Juan 17, 17b. a
Aleluya! Aleluya!
Amang D’yos ni Hesukristo,
ang salita mo’y totoo
kami ay pabanalin mo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 39-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad nang patalinghaga: “Maaari bang maging tagaakay ng bulag ang isa ring bulag? Kapwa sila mahuhulog sa hukay kapag ginawa ang gayun. Walang alagad na higit sa kanyang guro; ngunit kapag lubusang naturuan, siya’y magiging katulad ng kanyang guro.
“Ang tinitingnan mo’y ang puwing ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang tahilan sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, bayaan mong alisin ko ang iyong puwing,’ gayong hindi mo nakikita ang tahilang nasa iyong mata? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahilan sa iyong mata, at makakikita kang mabuti; sa gayo’y maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Sa pamamagitan ng kanyang salita at gawa, tinuruan tayo ni Jesus ng mahabaging pagpapatawad ng Ama na naglalayong magligtas at hindi pumuksa. Masundan nawa natin ang kanyang halimbawa habang nananalangin tayo sa Ama.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Aming Ama, matulad nawa kami sa Iyo.
Ang Simbahan nawa’y piliin ang daan tungo sa pagpapatawad, katarungan, katotohanan, at pag-ibig, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang tapat at maliliit na mamamayan nawa’y hindi mailigaw ng mga di-tunay at mga ambisyosong pinuno, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang mapigilan at mahinto ang paghusga sa ating kapwa dahil sa kanilang kahinaan at pagkukulang, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makadama ng mapagpatawad na pag-ibig at pagpapagaling ng ating Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pumanaw nawa’y tumanggap ng habag sa harap ng luklukang hukuman ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon, buksan mo ang mga mata ng lahat ng tao na nawalay na sa landas ng buhay. Sa iyong biyaya, akayin mo kaming pabalik sa iyo na nagmamahal sa lahat. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.