151,430 total views
Mga Kapanalig, inilarawan ni Independent Commission for Infrastructure (o ICI) Commissioner Rogelio Singson bilang “decent” o disente ang pasilidad kung saan dadalhin ang mga kakasuhan dahil sa maanomalyang mga flood control projects.
Ininspeksyon niya kasama ang iba pang miyembro ng ICI at ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang nasabing detention facility dito sa Quezon City. Maayos daw ang bentilasyon ng kulungan. Maliwanag din. Mukha ring matibay. Maaaring hindi raw maging komportable ang mga ipipiit sa nasabing pasilidad pero disente naman ang kanilang paglalagyan. Bawat selda ay may apat na electric fans at limang double deck na higaang nilagyan pa ng kutson. May sarili ring lababo, liguan, at palikuran.
Ganito ang sitwasyong nais din nating makita sa iba pang bilangguan sa ating bansa—maluwag, malinis, at kumpleto ang mga pangangailangan ng mga tinatawag nating persons deprived of liberty (o PDL). Alam naman nating lahat na hindi makatao ang kalagayan ng mga kapatid nating bilanggo.
Sa isang report ng International Committee of the Red Cross ngayong 2025, lumalabas na malaking dahilan ang overcrowding o pagsisiksikan sa mga kulungan ng pagkalat ng mga nakahahawang sakit. May mahigit 400 na kulungan ang pinangangasiwaan ng Bureau of Jail Management and Penology (o BJMP), at kung kukuwentahin ang average congestion rate ng mga ito, lumalabas na overpopulated ang mga piitan ng kawanihan ng 296%! Katumbas ito ng halos tatlong beses na kapasidad ng mga kulungan. Kung ang isang pasilidad ay para lamang sa isandaang PDL, halimbawa, lumalabas na may tatlong daang bilanggo rito. Nagsisiksikan silang parang mga sardinas.
Pinalalalâ pa ito ng kakulangan sa mga pasilidad at kagamitan para mapanatiling malinis ng mga PDL ang kanilang sarili. Problema rin ang tubig. Kung may magkasakit, hindi kaagad nalalapatan ng kaukulang lunas dahil wala namang tauhan sa mga klinika sa loob. Dahil sa kawalan ng maayos na sistema ng pagre-record ng estado ng kalusugan ng mga PDL, mahirap i-monitor kung nagagamot ba sila nang maayos o malaman kung anu-ano ang mga pangangailangang pangkalusugan ng mga bilanggo.
Literal na nabubulok sa kulungan ang mga kapatid nating PDL dahil napakabagal din ng takbo ng kanilang mga kaso. Marami sa mga bilanggo ay pinagtitiis sa kulungan habang hinihintay kung kailan diringgin sa korte ang kanilang kaso. Taon nga ang binibilang ng iba. Doon na sila tumatanda. Madalas nga, nakakulong ang mga PDL kahit wala namang conviction o hatol ng korte. May mga pagkakataon ding mas mahaba pa ang panahon ng pagkakakulong ng PDL kaysa sa parusang katapat ng kasong kanyang kinasangkutan. Noong Agosto, napabalita nga ang kaso ng isang overstaying na babae sa Correctional Institution for Women. Nakulong siya nang 23 na taon para sa kasong 30 na araw lamang ang parusa!
Noong Linggo, ginunita ng ating Simbahan ang Prison Awareness Sunday. Isa iyong okasyon para anyayahan ang mga Katoliko na maging instrumento ng habag at awa ng Panginoon para maibalik ang dignidad at pag-asa sa buhay ng mga kapatid nating nagkasala sa batas. Paalala nga ni Bishop Leopoldo Jaucian ng Bangued, Abra, pinuno ng CBCP – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care, “Ang ginagawa natin sa [mga PDL] ay ginagawa din natin sa Panginoon.” Kaya kung hinahayaan nating maging kalunus-lunos ang kalagayan ng mga PDL sa kulungan, pinahihirapan at sinasaktan din natin ang Panginoon. Wika nga sa Mga Hebreo 13:3, “Alalahanin ninyo ang mga nakabilanggo, na parang kayo’y nakabilanggo ring kasama nila.”
Mga Kapanalig, kaya naman pala ng gobyernong magpatayo ng disenteng bilangguan para sa mga kurap at tunay na magnanakaw. Bakit hindi ito magawa para sa mga karaniwang PDL? Bakit hanggang sa pagkakabilanggo, talo pa rin ang maliliit at mahihirap?
Sumainyo ang katotohanan.






