46,910 total views
33rd Sunday of the Year Cycle C
World Day of the Poor
Mal 3:19-20 Thess 3:7-12 Lk 21:5-19
Malapit nang magtapos ang taon. Isang buwan at kalahati na lang at tapos na ang 2025. Ito ay nagpapa-alaala sa atin na ang panahon ay lilipas. Ito ay sinabi din ni Jesus sa mga alagad niya na manghang-mangha sa building ng templo sa Jerusalem. Tandaan natin na ang mga alagad ni Jesus ay mga probinsyano na taga-Galilea. Wala namang malalaking building sa Galilea kaya hangang-hanga sila sa malalaking bato at mga palamuti na ginamit sa paggawa ng templo. Higit na apatnapung taon na ang templo ay pinapaganda ni Herodes. Pero sinabi ni Jesus na kahit na gaano katatag ang templo darating ang panahon na ito ay masisira din at ito ay iiwang walang bato na nakapatong sa ibabaw ng isang bato sa Jerusalem.
Ang tanong ng mga alagad, kailan ba ito mangyayari? Sa wakas ng panahon. Oo, mangyayari nga ang wakas ng panahon kasi ang lahat naman ay magwawakas. Pero may ilang babala si Jesus.
Una, huwag tayong maniwala sa mga nagsasabi na nandito ang wakas. May magpapanggap na sila na ang panginoong isinugo ng Diyos. Huwag kayong magpadala sa kanila. Kahit na sa ating panahon, nangyayari ito. At maraming mga tao ang sumusunod sa kanila. Ang pinakatanyag ngayon ay ang kaso ni Quiboloy na siya raw ang isinugong Anointed by God. Ang nakakataka ay maraming naniniwala sa kanya. Huwag tayo magpalinlang.
Pangalawa, huwag tayong maniwala na dahil na magulong magulo na ang mundo ay malapit nang magtatapos ito. Oo, darating ang mga digmaan, ang malalakas na lindol, ang malalakas na bagyo at mga kaguluhan sa mundo tulad ng maraming nagra-rally at nagpapabagsak pa ng mga gobyerno. Ang mga ito ay hindi tanda na nandito na ang wakas ng panahon. Ang mga pangyayaring ito ay mga panawagan sa atin na huwag tayong magpabaya at huwag manalig sa mga sistema sa mundo na hindi naman tatagal.
Pangatlo, may mga pangyayari pang pag-uusig ng mga kristiyano. Kokontrahin ang mananampalataya, at ang kokontra pa sa atin ay maaaring mga kasama natin sa buhay, ang ating pamilya at mga kaibigan. Nangyayari ito ngayon. Maraming mga kristiyano ang inuusig sa Tsina, sa Pakistan, sa Nigeria, sa Nicaragua. Mga kristiyano na dahil sa kanilang paniniwala ay kinakaladkad sa mga korte, ipinapatapon sa mga bilangguan at ang iba pa nga bigla-biglang kinikidnap at pinapatay. Sabi ni Jesus na huwag tayong matakot kasi nandiyan ang Diyos na nakakakita ng lahat. Alam ng Diyos kahit na ang bawat hibla ng ating buhok. Ang mga pag-uusig na ito ay pagkakataon ng pagpapahayag natin tungkol sa Diyos, tungkol sa katotohanan at tungkol sa katuwiran. Hindi tayo pababayaan. Nandiyan ang Espiritu ng Katotohanan na ibinigay sa atin upang palakasin ang ating loob at gabayan tayo na magpahayag ng katotohanan sa harap ng umuusig sa atin. Kaya sa anumang pagsubok maging matatag tayo. Dahil sa ating katatagan maliligtas tayo.
Talagang darating ang araw ng Panginoon. Ito ang sinulat ni propeta Malakias. Ito ay araw ng pagsusunog sa mga hambog, sa mga makapangyarihan at mga taga-gawa ng masama. Pananagutin din sila sa kanilang kasamaan. Nararanasan natin ito ngayon. Dahan-dahan nang nabubulatlat ang mga pagkokorap ng mga kongresista at senador. Aabot din iyan sa ating bise presidente at pati sa presidente mismo. Sumisingaw ang lahat ng kabulukan. Lalo na sa harap ng Diyos. Sino ang makakatakas sa matang mapagpanuri ng Diyos? Pero para sa mga may takot sa Diyos, ang araw ng Panginoon ay parang araw ng liwanag at init na nagpapagaling. Ito ay araw ng katarungan na maghihilom sa mga ng sugat natin at tatanggal sa mga kapaitan ng buhay. Magtiyaga lang tayo.
Ano ba ang ibig sabihin ng pagtitiyaga? Pagtitiyaga sa paggawa ng ating araw na araw na tungkulin kahit na may banta ng kaguluhan, kahit may mga balita ng kalamidad o ng mga digmaan. Pinagalitan ng San Pablo ang ilan sa mga taga-Tesalonika na dahil sa paniniwala nila na darating na ang Panginoon, nagpabaya na sila sa kanilang trabaho at mga gawain sa buhay. Kaya tuloy nagdedepende na lang sila sa iba. Kaya sinulat ni San Pablo na ang ayaw magtrabaho ay huwag pakainin. Wala na lang silang ginawa kundi pahingi-hingi at pakialaman ang buhay ng iba. Hindi ganyan ang halimbawa na binigay ni Pablo at ng kanyang kasamahan. Maliwanag ang kanilang pahayag na darating na muli sa Kristo. Pero habang pinapahayag nila ito, sila ay nagtatrabaho. Hindi lang sila nagdedepende sa binibigay ng iba. Sila ay nagtatrabaho. Si Pablo ay isang tagagawa at taga-ayos ng tolda at patuloy niya itong ginagawa para may kikitain siya para sa kanilang pangsustento sa buhay at para may maitulong sila sa mahihirap.
Huwag po natin kalilimutan ang mahihirap sa ating buhay. Bahagi ng ating hanap buhay ay para din sa kanila. Pinapaalalahanan tayo nito ngayong araw na siyang World Day of the Poor. Sabi ni Jesus na nandiyan palagi ang mga mahihirap upang kahit kailan ay makakatulong tayo sa kanila, sapagkat ano ang ginagawa natin sa kanila ay ginagawa natin kay Jesus. Pero ang mahihirap ay hindi lang tulungan. Ipakita natin ang ating pagtanggap at pagmamahal sa kanila.
Yes, we help the poor but do we love the poor? Kung mahal natin sila, ang tulong natin sa kanila ay tulong ng may pag-ibig at may pagmamalasakit sa kanila. Ang pag-aabot ng tulong natin ay hindi pag-aabot sa isang dayuhan pero pag-aabot sa isang kapatid.
Kaya dahil sa magtatapos ang mundo natin, mas lalong pagsikapan natin ang pakikisa sa mga mahirap. Sila ang garantiya na matatanggap natin si Jesus kapag dumating na siya.






