218,250 total views
Mga Kapanalig, ilang araw pa lang nang salubungin ng buong mundo ang taóng 2026, binulaga ang lahat ng tinatawag na “large-scale strike” ng Estados Unidos sa bansang Venezuela.
Ayon sa administrasyon ni Pangulong Donald Trump, dinakip ng pwersa ng Amerika ang presidente ng Venezuela na si Nicolas Maduro para panagutin sa mga kasong drug trafficking at narcoterrorism. Bahagi raw ito ng kampanya ng Amerika kontra iligal na droga at para palitan na ang rehimen sa naturang bansa. Banta raw sa seguridad ng Estados Unidos ang pananalitili sa poder ni Maduro na presidente ng Venezuela mula pa noong 2013. Dahil daw sa kanya, malayang nakapapasok sa Amerika ang ipinagbabawal na gamot at bumabaha ang mga immigrants mula sa Venezuela.
Itinanggi na ang mga ito ng gobyerno ng Venezuela, pero nagtagumpay pa rin ang Estados Unidos na dakpin si Maduro. Kasama ring dinakip ang kanyang asawa. May kinakaharap na katulad na mga kaso ang kanilang anak at ilan pang opisyal ng pamahalaang Venezuela. Nasa New York ngayon ang mag-asawang Maduro.
Hindi bumebenta sa marami ang katwiran ni Pangulong Trump at ng kanyang mga kasama sa administrasyon. Hindi raw totoong paglaban sa droga at pagpapanumbalik ng demokrasya sa Venezuela ang layunin ng Amerika. Gusto lang daw kontrolin ng Estados Unidos ang pinakamalaking likas-yaman ng Venezuela—ang langis. Kalaunan, umamin din si Pangulong Trump na konektado ang aksyon ng Amerika sa malawak na oil reserves ng Venezuela. Ninakaw daw kasi ng Venezuela ang mga oil assets ng mga pribadong negosyong nakabase sa Estados Unidos matapos ipatupad ng Venezuela ang nationalization ng mga industriya sa kanilang bansa. Sa pagkakatanggal kay Presidente Maduro, sasamantalahin ng Estados Unidos ang pagkakataon para pagkakitaan ang langis ng Venezuela. Inaasahan ng Amerika na makapagbebenta ang mga korporasyon ng langis ng 30 milyon hanggang 50 milyong bariles.
Sabi nga sa Mga Kawikaan 28:25, “ang [kasakiman] ay lumilikha ng kaguluhan.”
Maraming kumukondena sa ginawang ito ng Estados Unidos. Hindi naman nila ipinagtatanggol ang rehimeng Maduro na nasa likod ng mga paglabag sa karapatang pantao sa Venezuela. Ang punto nila, mali ang paggamit ng isang bansa ng puwersa para manghimasok sa isa pang bansa. Walang batayan ang katwiran ng Estados Unidos na self-defense ang ginawa nito—aggression o pagsalakay daw ang nangyari sa Venezuela at labag iyon sa kasunduan ng mga bansang kasapi ng United Nations.
Nakababahala ang nangyari sa Venezuela dahil pinahihina nito tinatawag na “rules-based international order” o ang pandaigdigang kaayusan na nakabatay sa mga napagkasunduang tuntunin. Sa ginawang ito ng Amerika, lumalabas na kahit ang malaki at makapangyarihang bansa ay pwedeng isantabi ang mga tuntuning ito para isulong ang kanilang pansariling interes.
Salungat ito kahit sa mga panlipunang turo ng ating Santa Iglesia. Ang ugnayan ng mga bansa, batay na rin sa Catholic social teaching na Pacem in Terris, ay dapat nakabatay sa katotohanan, katarungan, at kooperasyon. Ang malalaki, mayayaman, at malalakas na bansa ay may tungkuling panatilihin ang kapayapaan sa buong mundo, hindi ang gamitin ang kanilang katayuan para salakayin ang ibang bansa. Kapakanan ng lahat ang dapat umiral. Ang pag-unlad ng isang bansa ay dapat mag-ambag sa pag-unlad ng iba.
Hindi lantarang kinondena ng ating pamahalaan ang nangyari sa Venezuela, pero sinabi ng ating Department of Foreign Affairs na tinututukan nito ang mga pangyayari at binigyang-diin ang pagsunod ng mga bansa sa mga tuntunin nang mamayani ang kapayapaan. Dapat din nating subaybayan ang mga susunod na mangyayari lalo na’t humaharap din ang ating bansa sa agresyon mula sa ibang bansa.
Mga Kapanalig, tapatan sana ng katarungan at kapayapaan ang kasakiman at karahasan. Isama natin sa ating mga panalangin ang kapayapaan sa buong mundo.
Sumainyo ang katotohanan.






