Mga Kapanalig, sa wakas, tinatalakay na ng Kongreso ang Anti-Political Dynasty Bill!
Layunin ng panukalang batas na wakasan ang pamamayagpag ng iilang pamilya sa ating lokal at pambansang pamahalaan. Ang political dynasty ay ang mga magkakamag-anak na sabay-sabay o sunud-sunod na nakaupo sa gobyerno. Pinsan, kapatid, o asawa ni pulitiko X si pulitiko Y. Anak o asawa ni mayor X ang susunod na mayor o congressman. Tingnan niyo na lamang ang apelyido ng mga namamahala sa inyong bayan, lungsod, o probinsya. Kahit sa matataas na posisyon sa gobyerno mula presidente hanggang sa mga senador, may mga magkakamag-anak sa kanila. Iilang angkan o pamilya ang nauupo sa puwesto at nagdedesisyon para sa ating pampublikong buhay.
Marami nang pag-aaral ang nagsasabing pinatitindi ng mga political dynasties ang kahirapan at pinahihina ng mga ito ng demokrasya. Halos apat na dekada na rin—o mula ng maitatag ang 1987 Philippine Constitution–ang paghihintay ng taumbayan para sa batas na magbabawal sa mga political dynasties. Itinatakda ng ating Saligang Batas ang pagkakaroon ng ganitong batas upang masiguro ang patas na akses ng bawat Pilipino sa oportunidad na maging lingkod-bayan. Kaya positibong hakbang ang pag-usad ng talakayan sa Kongreso sa Anti-Political Dynasty Bill.
Pero makalulusot kaya ang panukalang ito sa kamay ng mga taong matatanggalan ng kapangyarihan dahil sa batas na ito? O kung lulusot man, may ngipin kaya ang magiging bagong batas upang mawala na ang mga magkakapamilya sa ating mga balota?
Tingnan natin ang ilang datos, mga Kapanalig. Alam niyo bang 20 sa 24 na senador ay kabilang sa political dynasties? Sa House of Representatives, mula rin sa political dynasties ang walo sa bawat sampung district representatives. May mga kinatawan din ng party-list groups na may kamag-anak na may pwesto sa gobyerno. Hangad ng party-list system na bigyan ang mga naisasantabing sektor ng kinatawan at boses sa pamamahala. Sa kasamaang palad, maging ito ay nagagamit ng iilang pamilya upang magkakuha ng puwesto sa Kongreso at manatili sa kapangyarihan.
Kongreso pa lamang iyan! Pumunta naman tayo sa ating mga probinsya at siyudad. Alam n’yo bang 71 sa 82 na mga probinsya at 113 sa 149 na siyudad ang pinamumunuan ng mga kabilang sa political dynasties? Ganyan ka-literal na isinabuhay ng ating mga pulitiko ang paboritong kasabihan ng mga Pilipino—family first! Pamilya muna.
Taliwas ito sa hangad ng ating pananampalataya pagdating sa pampublikong buhay. Bagamat mabigat ang pagpapahalaga ng Simbahan sa pamilya, hindi dapat nito isinasantabi ang kabutihang panlahat o common good. Sa paalala nga ng Filipos 2:4, “Huwag lang ang sarili ninyong kapakanan ang isipin niyo kundi ang kapakanan din ng iba.”
Sa pagtataguyod na kapakanan ng lahat, mahalaga ang pakikilahok ng bawat mamamayan. Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan: ang pakikilahok ay hindi lamang tungkulin ng bawat mamamayan. Isa ito sa mga haligi ng demokrasya, kung saan ang kapangyarihan ay nagmumula sa taumbayan. Samakatuwid, sinumang humahawak ng posisyon sa pamahalaan ay dapat na kumikilos para sa kabutihan ng lahat.
Malaking hadlang sa pakikilahok ng taumbayan sa pamamahala kung nasa kamay ng iilang pamilya ang kapangyarihang magpasya para sa mga tao. Inilalagay nito sa dulo ang interes ng taumbayan. Tinatanggalan ng mga political dynasties ang mga mamamayan ng pagkakataong mag-ambag para sa kabutihan ng kanilang komunidad at ng ating bayan.
Mga Kapanalig, bantayan natin ang mga talakayan sa Kongreso tungkol sa Anti-Political Dynasty Bill. Siguruhin nating maisasabatas na ito! Bantayan natin ang bersyon ng bill na pipirmahan ng presidente. Kailangan natin ng batas na tunay na wawakasan ang political dynasties at magkakaloob sa bawat mamamayan ng patas na oportunidad na mamahala at maglingkod sa bayan.
Sumainyo ang katotohanan.






