Mga Kapanalig, nababalot muli ng kaguluhan ang Middle East.
Noong Pebrero 28, inatake ng Estados Unidos at Israel ang Iran na ikinamatay ng Iranian Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei, kasama ang ilan niyang kamag-anak. Nasawi rin ang ilan pang matataas na opisyal ng Iran. Nangyari ito sa gitna ng Ramadan, ang pinakabanal na buwan sa Islam. Gumanti naman ang Iran sa pamamagitan ng missile at air strikes sa mga kapitbahay nitong bansa na itinuturing na kaalyado ng Amerika. Sa pagganting ginawa ng Iran, higit na nalagay sa panganib ang buhay ng maraming inosenteng sibilyan sa Middle East.
Ayon sa Israeli Defense Ministry, ang mga pag-atake nila sa Iran ay isang “pre-emptive strike” para alisin ang mga banta laban sa Israel. Matagal nang tinututulan ng US at Israel ang nuclear program ng Iran dahil sa hinalang layunin nitong makabuo ng nuclear weapons. Hindi rin ito ang unang pagkakataong inatake ang Iran. Noong Hunyo 2025, sinalakay rin ang mga nuclear at military sites ng Iran na nagbunga ng digmaang tumagal ng 12 araw. Katwiran ng US at Israel, patuloy umanong binubuo ng Iran ang kakayahan nitong lumikha ng nuclear weapons, kaya para pigilan ito, nagpasya ang dalawang bansa na magsagawa ng operasyong militar.
Sapat ba ang mga dahilang ito upang magsimula ng digmaan?
Malinaw sa United Nations Charter na ipinagbabawal ang pagbabanta o paggamit ng puwersa laban sa teritoryal na integridad o pampulitikang kasarinlan ng alinmang bansa. Pinahihintulutan lamang ang paggamit ng sandatahang lakas ng isang bansa para sa self-defense o kung may pahintulot ng UN Security Council, bagay na hindi ginawa ng Amerika. Delikado ang ginawa ng US at Israel dahil ginagawa nitong “normal” ang paggamit ng puwersang militar para pigilan ang inaakala nilang banta.
Ipinaaalala sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti na hindi kailanman solusyon ang digmaan. Mas mabigat ang mga panganib na dala nito kaysa sa anumang inaakalang pakinabang. Ang karahasan ay nagbubunga lamang ng mas matindi pang karahasan.
Isa sa mga naging biktima ng karahasan sa Middle East ay ang kababayan nating caregiver na si Mary Ann de Vera. Nasawi siya sa airstrike sa Israel habang tinutulungan ang inaalagaan niyang matanda na makapasok sa bomb shelter. Patunay ang kanyang pagkamatay na ang tunay na biktima ng digmaan ay ang mga inosente. Kaya kung tatagal pa ang kaguluhan sa Middle East, mas marami pang buhay ang nalalagay sa panganib.
Marami sa atin ang may kaanak o kakilalang nagtatrabaho sa Middle East. Ayon sa Department of Migrant Workers, mahigit isang milyong land-based OFWs ang nasa Middle East noong 2025, at halos 96.4% sa kanila ay nasa limang bansang apektado ng kaguluhan: United Arab Emirates, Saudi Arabia, Qatar, Kuwait, at Bahrain. Kung mas maagang matatapos ang gulo doon, mas masisigurong ligtas ang ating mga kababayan.
Bagamat malayo sa atin ang kaguluhan sa Middle East, may epekto ito sa Pilipinas. Naaapektuhan ang pandaigdigang kalakalan at tumataas ang presyo ng langis, na nagreresulta sa pagtaas ng pamasahe at iba pang gastusin. May ramdam na epekto ang digmaan sa ating pang-araw-araw na buhay, kahit hindi tayo tuwirang kasangkot. At habang tumatagal ito, mas nanganganib ang kabutihang panlahat.
Mga Kapanalig, ang digmaan ay hindi kailanman magiging solusyon sa anumang problema ng mga bansa. Sinasabi sa Kawikaan 34:14: “Ihiwalay mo ang iyong sarili sa masama at gumawa ka ng mabuti; hanapin mo ang kapayapaan at ito’y iyong sundan.” Walang nagwawagi sa digmaan—ang naiiwan ay pagdurusa at pagkawasak. Ipanalangin natin ang kapayapaan sa Middle East at ang kaligtasan ng mga inosente. Nawa’y magkaisa ang mga lider ng mga bansa at ang UN para matigil na ang lahat ng digmaan.
Sumainyo ang katotohanan.






