268 total views

Biyernes Santo 2026 – Jn 18:1–19:42; 1 Cor 1:18–25
Mga kapatid, bago tayo magbigay-pugay sa Krus, inaanyayahan ko kayong samahan akong magnilay tungkol sa misteryong hatid ng araw na ito ng Biyernes Santo. Magsimula tayo sa ilang mga bagay na kapansin-pansin sa binasa nating kuwentong pasyon ayon sa ebanghelyo ni San Juan: di ba parang bumabaligtad ang mga sitwasyon?
Simulan natin sa eksena nang dumating ang mga kawal para arestuhin si Jesus. Napansin ba ninyo ang tila baligtad na sitwasyon? Si Jesus ang inaaresto. Pero imbes na siya ang matakot, ang mga umaaresto ang tila natatakot. Siya pa ang magtatanong sa kanila kung sino ba ang hinahanap nila. At nang sumagot siya—imbes na sugurin siya, sila ang napaatras at nabuwal. Ang inaaresto nila, nanatiling kalmado. Humaharap, hindi nagtatago. Ang umaaresto—sila ang parang ninenerbyos—sila ang bumabagsak.
Ang tila kaparehong sitwasyon na bumabalik sa alaala ko ay iyung eksena noong arestuhin si Ninoy Aquino sa loob ng isang eroplano ng China Airlines noong Agosto 1983. Kalmado ang inaaresto, hindi umaalma. Ang mukhang nasa panic mode ay ang mga sundalo umaaresto. Halatang-halata na meron silang masamang binabalak pagbaba sa hagdan patungo sa tarmac. Alam nyo ba yung pakiramdam ng nagpraktis ka ng matagal pero sa aktwal pinangunahan ka ng nerbyos? Hindi talaga madaling praktisin ang masamang gawain para sa mga may natitira pang kaunting konsensya.
Ganyan din ang dating ng eksena nang iharap si Jesus kay Pilato noong Biyernes nang umaga para sa paglilitis. Tila bumabaligtad din ang sitwasyon. Interogasyon ito, di ba? Si Pilato ang dapat magtanong at si Jesus ang dapat sumagot. Pero naibabalik ni Jesus ang mga tanong bilang tanong, at si Pilato ang sumasagot. Bumabaligtad ang interogasyon. Kalmado ang ini-interrogate, ang tila kabado ay ang nag-iinterogate. Siya ang mukhang ninenerbyos. Sumasagot nang malinaw si Jesus kay Pilato tungkol sa pinaninindigan niya. Si Pilato ang tila naguguluhan at nagdududa. Para bang sa sandaling iyon, hindi na si Jesus kundi si Pilato ang nililitis. Kaya sa huli, ipinahayag niya ang hatol niya: “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.” Pero hindi naman masusunod ang hatol niya, walang bisa ang kapangyarihan niya. Wala siyang tunay na otoridad dahil pinangunahan na siya ng takot at pangamba sa impluwensyang pampulitika ng mga kumakalaban kay Jesus. Mas ramdam mo ang otoridad ni Jesus kaysa kay Pilato. Parang sa gubyerno natin. Hindi naman lahat ay tanga; alam ng marami ang tama pero hindi nila mapanindigan.
Bumaligtad din ang sitwasyon tungkol sa disposisyon ng taumbayan. Ang mga dating humahawak ng palaspas at sumisigaw ng “Hosana sa Anak ni David” nang salubungin ang pagpasok niya sa Jerusalem, ngayon ay sisigaw ng “Ipako siya sa krus!” Sino ba ang nagsabing Vox Populi Vox Dei— “Ang tinig ng taumbayan ay tinig ng Diyos”? Alam nating hindi iyan laging totoo. Kung minsan, sa lipunan, kahit ang nakararami ay pwedeng magkamali. Kapag idinaan sa palakasan ng boses, o sa resulta ng survey, o sa popularidad ng mga tipong berdugong walang paggalang sa batas, pwedeng lukuban ng ng diyablo at impluwensyahan ang opinyon ng publiko. Pwedeng samantalahin ang mga kumakapit sa patalim, epektibo ang ayuda ng mga nagpapatron, madaling magpa-viral ng fake news at propaganda, lalo na sa social media.
Nasabi ko nga sa homily ko noong nakaraang Linggo ng Palaspas: dalawang Jesus ang pinagpilian ayon kay San Mateo. Jesus din pala ang tunay na pangalan ni Barabbas. Kaya nilinaw pa ni Pilato sa tanong kung sino sa dalawang Jesus ang pipiliin: si Jesus Barabbas o Jesus Nazareno? Ibinoto ng mga tao ang tulisan, at ipinapako ang tunay na hinirang ng Diyos. At akala ni Satanas nagtagumpay siya. Akala niya kanya na ang huling halakhak. Maaga siyang nagdiklara ng tagumpay. At nagkamali siya ng akala.
Pero huwag tayong magmadali.
Tingnan naman natin ang mga alagad. Pansinin ninyo, bumabaligtad din ang sitwasyon nila. Ang labindalawang alagad na matagal nang kasama ni Jesus—biglang nagsipagtago. Pati si Simon na binansagan ng palayaw na Pedro (na ang ibig sabihin ay “bato”), ang inaasahan na maging sintigas ng bato sa paninindigan, aba’y biglang naduwag. Ni hindi mga armado ang kaharap niya nang tanungin siya kung katropa nga ba siya ni Jesus na taga-Nazaret. Mga katulong lang sa bahay ni Caiaphas ang tatlong beses na nagtanong, at tatlong beses ding ipinagkaila ng batong si Pedro na kilala niya si Jesus. At ang iba pang mga kasamahan niyang mga alagad na lalaki—bukod sa taksil na si Judas—ang ia na nagdala pa mandin ng mga armas, biglang naglaho, nawala sa eksena.
Sino ang naiwan sa kalbaryo? Ang mga babaeng alagad, kasama si Mama Mary. Isang lang daw ang lalaking alagad na naiwan, iyung umalalay kay Mama Mary. Ni hindi masabi ng manunulat ang kanyang pangalan. Tinawag lang siyang “alagad na mahal ni Jesus.” Sa kuwentong pasyon ng tatlong ebanghelyo—Mateo, Markos, at Lukas, walang naiwan sa kalbaryo ni isa sa labindalawang lalaking alagad. Isa lang ang nagsabing meron. Ang nagsulat sa pang-apat na ebanghelyo. Para bang gusto niyang sabihin, “Naroroon ako!”
Hindi ko naman siya pinagdududahan, kahit wala siya sa tatlong kuwentong Pasyon. Hindi naman siguro siya nagsisinungaling. Naniniwala ako na nandodoon nga siya, hindi lang siguro napansin ng mga nakasaksi sa eksena sa kalbaryo. May kutob akong nagsuot-babae siya at hindi naman siya nahalata dahil bata pa siya, mahaba ang buhok, makinis ang mukha, wala pang balbas. (May narinig akong kuwento ng mga Katipunero sa Malabon na nagsuot babae din daw noong rebolusyon, para hindi sila masita ng mga guwardya sibil.) Hindi man siya nakita ng mga saksi o nasita ng mga sundalo, nakilala naman siya ng Panginoon mula sa krus. Di ba sinabi niya sa nanay niya, “‘Nay, ituring mo ang alagad kong iyan bilang sariling anak mo.” At kay Juan sinabi rin niya—“Ituring mong sariling ina ang nanay ko.”
Meron pa. Hindi pa tapos. Heto ang isa pang bumaligtad na sitwasyon: meron daw palang dalawang lalaking sumama sa kalbaryo na hindi kabilang sa labindalawa. Sila’y dalawa sa mga tagahanga ni Jesus na may kaya at maimpluwensya sa Jerusalem: ang Pariseo na si Nicodemo, at si Joseph of Arimathea na miyembro ng Konseho ng Sanhedrin. Mga “closet disciples” na nagladlad sa bandang huli. Matagal na nilang itinatago ang kanilang paghanga kay Jesus dahil hindi pa sila handang humarap sa mga mapanghusga sakaling lumantad sila. Pero ngayon, bumaligtad na ang sitwasyon: ang dating lantad, ngayon nagsipagtago. At ang dating nagtatago, ngayon ay lumantad. Ang dating naduduwag ngayon ay tumapang; ang dating nagtatapang-tapangan, ngayon ay naduwag.
Mga kapatid, parang ganito ang misteryo ng Krus. Isang kabalintunaan. Binabaligtad nito, hindi lang ang mga sitwasyon kundi pati ang mga paniniwala. Kaya siguro nasabi ni San Pablo: “Ang mensahe ng krus ay kamangmangan para sa mga napapahamak, ngunit sa mga naliligtas, ito ay kapangyarihan ng Diyos.” (1 Cor 1:18)
Sa mata ng mundo, ang Krus ay kabiguan. Saan ka ba naman nakakita ng isang dakilang lider na wala namang kasalanan pero mahahatulan ng bitay at mamamatay bilang kriminal? Sa tingin ng madla, pinuno siya ng isang kilusang nag-ambisyon pero nabigo. Ang misyon niya ay nauwi sa pagkapahamak at kahihiyan. Ang dating pinagkakaguluhan sa bandang huli ay iniwasan na parang ketongin.
Kaya sabi ni San Pablo, para sa mga Judio, isa siyang “batong katitisuran”. Bakit? Dahil iba ang inaasahan nilang Mesiyas na magliligtas sa kanila: makapangyarihan, nakikigiyerang katulad ng mandirigmang hari ng Israel na mas nagtitiwala sa ngalan ng Emperador ng America kaysa Ngalan ng Panginoon na kanyang Diyos. Handang sakupin ang buong lupain mula ilog hanggang dagat para muling itayo ang nawasak na kaharian ni Haring David, at mabuong muli ang nagkalat na bayang pinili, kahit na ang kapalit ay pagtaboy o pagpuksa sa mga naninirahan ngayon doon. Ito pa rin ang pinipiling simbolo ng kaligtasan ng nakararami sa bayang Israel. Kaligtasang laging nauuwi sa kapahamakan. Kahit nakaranas na sila ng matinding mga pagdurusa sa kasaysayan, hindi pa rin nila makita ang kapwa Hudyo nilang si Jesus Nazareno bilang Mesiyas, bilang hinirang na Manunubos. Marahil dahil hindi pa nila matanggap na ang ibig tubusin ng kanilang Diyos ay hindi lang ang bayang Israel kundi ng buong mundo.
Sabi pa ni San Pablo, ganoon din naman kahit sa mga hindi Hudyo. Sabi niya, sa mga Griyego, ang krus naman ay isang kalokohan. Bakit ka nga naman magpapadehado kung ibig mong manalo? Anong klaseng kabalbalan ang prinsipyong mahalin ang kaaway, suklian ng mabuti ang masama, magpaubaya sa mga nang-aalipusta? Hindi ba iyan katangahan? Talagang ibinabaligtad ng Diyos ang ating pananaw sa mundo. Mula sa baligtad na pananaw ng pananampalataya, dito makikita ang nakatagong kapangyarihan ng Diyos. Dito nahahayag ang tunay na karunungan ng Diyos. Dahil ang paraan ng Diyos ay hindi tulad ng paraan ng mundo.
Ang mundo ay naniniwala sa batas ng matira ang matibay. Mata sa mata, ngipin sa ngipin. Ang pamantayan ay lakas laban sa lakas, kapangyarihan laban sa kapangyarihan. Lintik lang ang walang ganti, lumaban hanggang magkaubusan.
Pero sa Krus, ibang klaseng karunungan ang binigyan ni Jesus ng patotoo. Hindi niya ginantihan ang tinanggap niyang panlalait, mura, gulpi, bugbog, kalupitan, karahasan. Hindi siya lumaban. Pero hindi rin siya umatras. Hindi pa rin niya isinuko ang mabuti, ang tama at totoo. Nanatili pa ring matatag sa pinaninindigan na mas makapangyarihan ang pag-ibig kaysa poot, ang patawad kaysa kasalanan, ang kabutihan kaysa kasamaan. Laging handang magmalasakit kahit sa mga nahihibang. Laging handang magpaubaya, magparaya, mag-alay ng sarili. Alam niya, ito lang ang tunay na kinatatakutan ni Satanas.
Kaya pala sinabi rin ni San Pablo: “Ang inakala ng tao na kamangmangan ay karunungan ng Diyos. Ang inaakala ng tao na kahinaan ng Diyos ay higit pa sa kalakasan ng tao.”
Mga kapatid, sa mundong tila bumabaligtad—kung saan ang mali ang pinipiling tama at ang tama ang tinatanggihan—ang Krus lang ang ating gabay. Kapag tila nananalo ang kasamaan, huwag tayong mawalan ng pag-asa. Dahil sa Krus, napatunayan na ng Diyos sa atin: Na ang akala mo’y kabiguan ay maaaring maging tagumpay. Ang akala mo’y kahinaan ay maaaring maging lakas. Ang akala mo’y kamatayan ay pwede palang maging daan ng buhay.
Ito ang kahulugan ng ating taunang paglapit at pagpupugay sa Krus ni Kristo. Hindi ang pagdurusa ang ating pinupugayan kundi ang pag-ibig na handang magdusa. Siya ang kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan, ang korderong naghahatid ng awa ng Diyos at kapayapaan sa sanlibutan.
Sa harap ng mga bumabaligtad na pag-iisip ng mundo,
tatanggapin ba natin ang baligtad na prinsipyo ng Diyos? Handa ba tayong sumampalataya na ang pag-ibig na handang mag-alay ng sarili ay hindi kailanman mauuwi sa pagkatalo? Na ito lang ang makapagbibigay sa atin ng tunay na kapangyarihan?
Mga kapatid, ang Krus na hinahalikan natin ay hindi kamangmangan. Ito ang karunungan ng Diyos na hindi kayang unawain ng mundo—pero kayang tanggapin ng mga pusong pinagningas ng Walang Hanggang Pag-ibig, ng Espiritung kaloob sa atin ng pagdurusa, kamatayan at muling pagkabuhay ng ating Manunubos.






