3,552 total views
Mga Kapanalig, may apat na institusyong itinuturing na haligi o pillars of democracy. Kabilang dito ang tatlong sangay ng gobyerno—ang ehekutibo, ang lehislatura, at ang hudikatura. Ang fourth estate naman o ikaapat na haligi ay ang media.
Sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng katotohanan, ang media ang nagsisilbing tagabantay sa gobyerno upang mapanatili itong transparent at accountable sa taumbayan. Napakahalaga ng papel nito sa pagkakaroon ng checks and balances at masigurong ang taumbayan ang tunay na pinaglilingkuran ng pamahalaan.
Pero paano kung ang media mismo ay hindi malaya?
Ginunita noong ika-3 ng Mayo ang World Press Freedom Day. Ilang araw bago nito, inilabas ng Reporters Without Borders (o RSF) ang 2026 World Press Freedom Index kung saan sinusukat ang estado ng kalayaan sa pamamahayag sa iba’t ibang bansa. Ayon sa RSF, ang average score ng lahat ng 180 na bansa ngayong taon ang pinakamababa sa kasaysayan. Sa unang pagkakataon simula noong 2001, mahigit kalahati ng mga bansa sa mundo ang nabibilang ngayon sa kategoryang “difficult” o “very serious” na kalagayan ng press freedom. Dagdag pa ng RSF, patuloy na hinahadlangan, sinasakal, at ginagawang krimen ang pamamahayag.
Sa Pilipinas, bahagyang tumaas ang ranking natin pero bumaba naman ang score sa press freedom index. Mula sa pang-116 na rank noong 2025, nasa pang-114 na tayo ngayon. Sa kabila nito, bumaba pa rin ang score natin mula sa 49.57 noon, naging 46.79 ngayon. Ibig sabihin, kumpara sa nakaraang taon, mas lumalâ ang sitwasyon ng press freedom sa Pilipinas. Kung gayon, ang pagtaas ng ranking natin sa kabila ng pagbabâ ng score ay nangangahulugang dumami lang ang mga bansang mas lumalâ pa ang sitwasyon kaysa Pilipinas. Sa madaling salita, nananatiling mapanganib ang Pilipinas para sa mga mamamahayag.
Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (o NUJP), umabot sa 242 ang mga kaso ng paglabag sa press freedom sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. Kasama rito ang red-tagging, death threats, panggigipit, pagpapakulong, at pagpatay sa mga mamamahayag. Halimbawa nito ang kaso ni Frenchie Mae Cumpio, ang pinakamatagal na nabilanggong mamamahayag sa bansa batay sa gawa-gawang kaso kaugnay umano sa terorismo. Noong nakaraang buwan naman, isa sa mga pinatay ng militar sa Toboso massacre si RJ Ledesma. Sina Cumpio at Ledesma ay parehong community journalists na nag-imbestiga tungkol sa mga human rights violations at panggigipit sa mga magsasaka at mangingisda. Katulad ng maraming mamamahayag, binansagan silang terorista dahil sa paglalantad nila sa tunay na nangyayari sa mga kanayunan.
Uulitin natin: hindi terorismo ang pamamahayag.
Batay sa imbestigasyon ng Commission on Human Rights (o CHR), mapanganib ang red-tagging. Nilalantad nito ang biktima sa panggigipit at karahasan. Maaaring humantong ito sa walang-basehang pagkakakulong, enforced disappearances o pagdukot, at extrajudicial killings o pagpatay. Dagdag pa ng CHR, may chilling effect o pagpigil sa pagiging kritikal sa gobyerno ang red-tagging. Kaya naman, iginigiit ng CHR sa Kongreso na magpasá ng batas na gagawing krimen ang red-tagging.
Noong World Press Freedom Day, kinundena ni Pope Leo XIV ang mga paglabag sa kalayaan sa pamamahayag. Hinimok niya tayong alalahanin ang mga mamamahayag na naging biktima ng karahasan at nag-alay ng buhay kapalit ng pagsisiwalat ng katotohanan. Kinikilala ng Simbahan ang pamamahayag bilang haligi ng demokrasya at ang impormasyon bilang kabutihang panlahat na nararapat ipagtanggol.
Mga Kapanalig, gumuguho ang demokrasya tuwing inaapakan ang kalayaan sa pamamahayag. Bilang mga Pilipino, dapat hindi lang tayo nakasalalay sa fourth estate sa pagbabantay at pagpapanagot sa pamahalaan. Gaya ng salita sa Mga Kawikaan 31:9, ipahayag natin ang katotohanan at igawad ang katarungan sa mga inaapi—gaya ng nanganganib na kalayaan sa pamamahayag.
Sumainyo ang katotohanan.






