Linggo, Hunyo 7, 2026

SHARE THE TRUTH

 4,386 total views

Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (A)

Deuteronomio 8, 2-3. 14b-16a
Salmo 147, 12-13. 14-15. 19-20

Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.

1 Corinto 10, 16-17
Juan 6, 51-58

Solemnity of the Body and Blood of Christ (White)

UNANG PAGBASA
Deuteronomio 8, 2-3. 14b-16a

Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio

Sinabi ni Moises sa mga tao: “Alalahanin ninyo kung paano niya kayo pinatnubayan sa ilang sa loob ng apatnapung taon upang matuto kayong magpakumbaba. Sinubok niya kayo kung susundin ninyo siya. Tinuruan nga kayong magpakumbaba; ginutom niya kayo bago binigyan ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala ni ng inyong mga ninuno. Ginawa niya ito upang ipakilala sa inyo na ang tao’y hindi lamang nabubuhay sa pagkain kundi sa salita rin naman ng Panginoon.

“Huwag ninyong kalilimutan ang Panginoon na nagpalaya sa inyo mula sa pagkaalipin ng bansang Egipto. Siya ang pumatnubay sa inyo sa inyong paglalakbay sa malawak at nakatatakot na ilang na puno ng makamandag na mga ahas at alakdan. Nang wala kayong mainom, nagpabukal siya ng tubig mula sa isang malaking bato. Kayo’y pinakain niya roon ng manna, isang pagkaing di ninyo kilala.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 147, 12-13. 14-15. 19-20

Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.

o kaya: Aleluya.

Purihin mo, Jerusalem, purihin ang Panginoon,
purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Sion.
Yaong mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
ang lahat ng iyong lingkod ay siya ang nagbabasbas.

Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.

Ginagawang matahimik yaong mga hangganan mo,
bibigyan kang kasiyahan sa kaloob niyang trigo.
Kung siya ay nag-uutos, agad itong natutupad,
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.

Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.

Kay Jacob n’ya ibinigay ang balita at pabilin,
ang tuntuni’t mga aral, ibinigay sa Israel.
Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.
Purihin ang Panginoon!

Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 10, 16-17

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, hindi ba’t ang pag-inom natin sa kalis ng pagpapala na ating ipinagpapasalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Kristo? At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinaghahati-hati ay pakikibahagi naman sa kanyang katawan? Kaya nga, yamang isa lamang ang tinapay, tayo’y iisang katawan bagamat marami, sapagkat nakikibahagi tayo sa iisang tinapay.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT TUNGKOL SA MABUTING BALITA

Purihin mo, Lungsod ng D’yos,
ang Pastol na Manunubos,
ang Panginoong si Hesus.

Sa abot ng kakayanan
ng lahat ng kanyang hirang,
siya’y dapat papurihan.

Ang sarili niya’y handog
upang lahat ay matubos
at mapalakas nang lubos.

Kasalo’y mga alagad
ng Panginoong Mesiyas
na hai’y buhay sa lahat.

Siya’y dapat na handugan
ng papuri at parangal
ng lahat ng kanyang hirang.

Ngayo’y ating gunitain
ang Huling Hapunang bilin
ng Panginoon sa atin.

Dito naganap ang tipan
na bago at walang hanggan
sa kaligtasan ng tanan.

Ang kasunduang matanda
humantong sa pasinaya
ng hain n’yang inihanda.

Tanang ginanap ni Hesus
ay habilin niyang utos
na ipagdiwang nang lubos.

Ang handog niyang pagkain
at alay niyang inumi’y
laman niya’t dugong hain.

Kanyang turong iniaral
na ang alak at tinapay
ay dugo niya’t katawan.

Manalig tayong matapat
kahit hindi namamalas
ang pagbabagong naganap.

Pagkain ay pinalitan
ni Kristo ng kanyang laman
upang tayo’y makinabang.

Napalitan ang inumin
sa dugo na inihain
ni Hesus para sa atin.

Ating pinagsasaluha’y
si Hesus na Poong mahal,
walang bawas, walang kulang.

Kahit marami o isa
ang tumatanggap sa kanya’y
laging sapat, laging kasya.

Ang may sala’y lapastangan
ngunit ang butihi’y banal
pagdulog sa pakinabang.

Masuwayi’y magdurusa,
mabubuhay ang magtika
nang si Kristo’y matanggap n’ya.

Hinati-hating tinapay
para sa nakikinabang
ay laman ni Kristong buhay
na sa ati’y kanyang alay.

Sa lahat ng tumatanggap
paghahati’y ginaganap
ngunit buo, walang bawas
ang Katawan ng Mesiyas.

Pagkaing mula sa langit
ngayo’y hain sa daigdig.
Handog na kaibig-ibig
kailanma’y di masasaid.

Paghahai’y inilahad
nang ialay si Isaac,
ang korderong nagliligtas,
ang manna ng nagsilikas.

Pastol naming mapagmahal,
kami’y iyong kaawaan,
gawing dapat makinabang
sa pagkaing iyong alay
hanggang langit ay makamtan.

Magagawa mo ang lahat
upang tanan ay maligtas,
akayin mo sa ‘yong hapag
lahat kaming ‘yong alagad
sa buhay mong walang wakas.

ALELUYA
Juan 6, 51

Aleluya! Aleluya!
Pagkaing dulot ay buhay
Si Hesus na Poong mahal,
Buhay natin s’ya kailanman.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 6, 51-58

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”

Dahil dito’y nagtalu-talo ang mga Judio. “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang kanin natin?” tanong nila. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo, tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya. Buhay ang Amang nagsugo sa akin, at ako’y nabubuhay dahil sa kanya. Gayun din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain nito’y mabubuhay magpakailanman. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga magulang sa ilang; namatay sila bagamat kumain niyon.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

CONVERSION OF RELATIONSHIP

 79,641 total views

 79,641 total views “A Filipino culture ruined by politics, of indifference, ideology, self-interest”. Kapanalig, likas sa ating mga Pilipino ang kultura ng pakikipagkapwa o pakikitungo sa

Read More »

NASAAN ANG SIMBAHAN

 107,932 total views

 107,932 total views Kapanalig, malimit nating naririnig ang katanungang, “NASAAN ANG SIMBAHAN”? Kapag may nangyaring trahedya., sakuna., man-made calamities., kawalan ng moral na pamumuno., WHERE IS

Read More »

Upper-middle income na ang Pilipinas

 153,864 total views

 153,864 total views Mga Kapanalig, upgraded na daw ang Pilipinas!  Ayon sa World Bank, ang Pilipinas ay isa nang upper-middle income country. Ibig sabihin, lumampas na

Read More »

Ibinasurang paraiso

 186,946 total views

 186,946 total views Mga Kapanalig, napanood ba ninyo ang dokumentaryo tungkol sa lupang ninuno o ancestral land ng mga katutubong Aeta na ginawang tambakan ng basura

Read More »

Gaslighting

 210,271 total views

 210,271 total views Mga Kapanalig, narinig na ba ninyo ang salitang “gaslighting”? Ang gaslighting ay isang uri ng sikolohikal na manipulasyon kung saan ipinalalabas ng isang

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Hulyo 28, 2026

 647 total views

 647 total views Martes ng Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Jeremias 14, 17-22 Salmo 78, 8. 9. 11 at 13 Dahil sa ngalan mo, Poon,

Read More »

Lunes, Hulyo 27, 2026

 2,205 total views

 2,205 total views Lunes ng Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Jeremias 13, 1-11 Deuteronomio 32, 18-19. 20. 21. Ang Diyos ay tinalikdan ng kanyang mga

Read More »

Linggo, Hulyo 26, 2026

 3,651 total views

 3,651 total views Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 1 Hari 3, 5. 7-12 Salmo 118, 57 at 72. 76-77. 127-128. 129-130. Iniibig ko nang lubos

Read More »

Sabado, Hulyo 25, 2026

 5,126 total views

 5,126 total views Kapistahan ni Apostol Santiago 2 Corinto 4, 7-15 Salmo 125, 1-2ab, 2kd-3. 4-5. 6 Ang nagtanim na may luha ay aaning natutuwa. Mateo

Read More »

Biyernes, Hulyo 24, 2026

 6,913 total views

 6,913 total views Biyernes ng Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Sharbel Makhluf, Pari Jeremias 3, 14-17 Jeremias 31, 10. 11-12ab.

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top