37,337 total reads
Pinalalalim ng St. Pius X Parish ang debosyon ng mga mananampalataya kay St. Pius X, na kilala bilang “Pope of the Holy Eucharist,” kasabay ng pagdiriwang ng kanilang kapistahan ngayong Agosto.
Sa panayam sa programang Barangay Simbayanan ng Radio Veritas, sinabi ni Jonas Banzali, PPC Coordinator ng St. Pius X Parish sa Maynila, na si St. Pius X na ang tunay na pangalan ay Giuseppe Melchiorre Sarto, ay naging mahalagang bahagi ng reporma sa Banal na Eukaristiya matapos niyang ibaba ang edad para sa pagtanggap ng Banal na Komunyon, dahilan upang mas maraming bata ang makatanggap ng Banal na Eukaristiya.
Ibinahagi ni Banzali na kabilang sa kanilang paghahanda sa kapistahan ang Dalaw Patron, kung saan dinadala ang imahen ni St. Pius X sa siyam na barangay na napili mula sa 36 na barangay na sakop ng parokya upang ipinagdiriwang ang Banal na Misa, maging sa kabila ng malakas na ulan at pagbaha dulot ng kasalukuyag Habagat.
Paliwanag ni Banzali, layunin ng Dalaw Patron ayon sa kura paroko ng Simbahan na si Rev. Fr. Neofil “Bong” U. Aguillon na mailapit ang Simbahan sa mga parokyano sa komunidad, lalo na sa mga matatanda at sa mga nahihirapang magtungo sa simbahan.
“Sinabi ni Father Bong noong unang ginawa itong Dalaw Patron, ‘kung ayaw pumunta ng mga parishioner sa simbahan, ang Simbahan ang pupunta sa tao.’” Dagdag pa ni Banzali.
Nakatakda namang idaos ang Karakol ng Bayan sa Agosto 22, habang ang pistang mayor sa Agosto 23 ay pangungunahan ni Most Rev. Antonio Tobias, na isa ring parishioner ng St. Pius X Parish, habang isasagawa rin ang prusisyon mayor kasama ang mga patron ng 12 kapilya ng parokya.
Sa pagdiriwang ng kapistahan, muling ipinapaalala ng buhay ni St. Pius X ang sentral na lugar ng Banal na Eukaristiya sa buhay ng bawat Kristiyano, sa pamamagitan ng paglapit ng Simbahan sa mga komunidad, lalo na sa mga higit na nangangailangan, upang maisabuhay ang panawagan na ang Eukaristiya ay hindi lamang ipinagdiriwang sa altar kundi nagiging pagkakaisa, paglilingkod at pagmamahal sa kapwa.




