1,068 total reads
Nanawagan si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza sa mga awtoridad na palayain ang lahat ng dinakip dahil sa paggamit ng kanilang karapatang magpahayag at mapayapang magtipon, kasunod ng malawakang pag-aresto sa mga lumahok sa mga kilos-protesta sa gitna ng ASEAN Summit.
Sa pahayag na inilabas nitong Nobyembre 16, 2026, kasunod ng paggunita ng Simbahan sa World Day of the Poor, binigyang-diin ng Obispo ang kontradiksiyon sa pagitan ng panawagang pakinggan ang daing ng mahihirap at ng mga ulat na ang mga mamamayang nagtatanggol sa kanilang mga karapatan, kabuhayan at komunidad ay nakararanas naman ng pananakot at panggigipit.
Ayon kay Bishop Alminaza, kinilala ng pulisya na mahigit 200 katao ang naaresto sa Sucat, Muntinlupa, habang nasa 300 naman ang iniulat ng mga tagapag-organisa ng protesta. May mga naiulat ding pag-aresto sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.
Bagama’t pinagtatalunan pa ang kabuuang bilang ng mga dinakip, iginiit ng Obispo na kailangan ang “an immediate, transparent accounting of everyone taken into custody,” lalo na sa gitna ng mga ulat na may mga batang kabilang sa mga naaresto.
Ikinabahala rin ni Bishop Alminaza ang mga ulat ng pananakit, pagmamaltrato at pagkaantala sa pagbibigay ng access sa abogado sa mga dinakip.
Batay sa dokumentasyon ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), hindi bababa sa 22 media workers at campus journalists ang nag-ulat ng panggigipit ng pulisya, kabilang ang mga pag-aresto at tangkang pag-aresto.
“Journalists must be able to document public events without fear of violence or retaliation,” dagdag ni Bishop Alminaza.
Hiniling din ng Obispo ang isang independiyenteng imbestigasyon sa ulat ng pag-aresto sa isang raliyista sa loob ng isang pag-aari ng Simbahan sa Maynila. Binigyang-diin niyang dapat igalang ang mga lugar ng sambahan at tiyaking ligtas ang sinumang naghahanap ng kanlungan.
“Places of worship must be respected, and anyone seeking safety must be treated with dignity.”
Mariin ding iginiit ni Bishop Alminaza na hindi krimen ang kahirapan, mapayapang protesta at panawagan para sa katarungan.
“Poverty is not a crime. Peaceful protest is not a crime. Demanding justice is not a crime,” aniya.
Dahil dito, nanawagan ang Obispo sa agarang pagpapalaya sa lahat ng dinakip dahil lamang sa paggamit ng kanilang mga karapatan at pagbawi sa mga kasong isinampa batay lamang sa kanilang pakikilahok sa mga kilos-protesta.
Hiniling din niyang mabigyan agad ng access sa abogado, pamilya at kinakailangang serbisyong medikal ang mga nasa kustodiya ng pulisya. Dapat ding unahin ang kapakanan at proteksiyon ng mga batang nadakip.
Hinimok ni Bishop Alminaza ang Commission on Human Rights at iba pang independiyenteng institusyon na imbestigahan ang mga pag-aresto at naiulat na pang-aabuso, at panagutin ang mga mapatutunayang responsable.
Binigyang-diin din ng Obispo na dapat magkaroon ng makabuluhang boses ang mga magsasaka, manggagawa at katutubo sa mga desisyong may kinalaman sa kaunlaran, lalo na sa mga usapin ng lupang ninuno, kabuhayan at pangangalaga sa kalikasan.
“International cooperation loses its moral credibility when the people who bear the costs of development are denied a hearing,” ani Bishop Alminaza.
Para sa Obispo, bahagi ng pagiging tapat kay Kristo ang pakikiisa sa mahihirap, kabilang ang pagtulong sa mga pamilyang apektado ng mga pag-aresto upang makakuha ng kinakailangang legal at medikal na suporta.
Ipinaalala rin niya ang konsepto ng “Three Empty Chairs,” na sumasagisag sa mahihirap, sa ating iisang tahanan at sa mga susunod na henerasyon. Paalala ito na dapat isaalang-alang sa mga proseso ng pagpapasya ang kapakanan ng mga sektor at grupong madalas na naiiwan o hindi nabibigyan ng sapat na pagkakataong marinig.
“Who benefits? Who bears the cost? Who decides?” tanong ni Bishop Alminaza, at iginiit na dapat magsilbing gabay ang mga tanong na ito sa pagbuo ng mga pampublikong polisiya at sa pagtugon ng Simbahan sa mga suliranin ng lipunan.
Binigyang-diin din niya na hindi nakakamit ang tunay na kapayapaan sa pamamagitan ng pananakot o pagsupil sa karapatan ng mamamayan, kundi sa pamamagitan ng katarungan, diyalogo at paggalang sa dignidad ng bawat tao.
Ayon kay Bishop Alminaza, “The poor deserve a seat at the table and a meaningful voice in decisions that shape their future.”
“The dignity of the poor is not negotiable. Let us build peace through justice, dialogue and respect for every person,” giit ng Obispo.




