1,234 total reads
Ipinagpapasalamat ng Prelatura ng Marawi ang limang dekada ng biyaya at paglilingkod sa kabila ng mga pagsubok, habang naghahanda sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo nito sa Nobyembre 20, 2026.
Sa panayam sa programang Aksyon ACN sa Radyo Veritas, sinabi ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña na gaganapin ang Golden Jubilee sa bagong pro-cathedral ng prelatura sa Maria Cristina, Balo-i, Lanao del Norte. Naging kanlungan ito ng prelatura at ng mga komunidad nito matapos ang Marawi siege noong 2017.
“Considering ba naman sa mga pangyayari na nagaganap dito sa prelature, at nakarating kami ng 50 years, imagine. ‘Yan ang tunay na divine providence, experience of how God has been so good to us,” bahagi ng pahayag ni Bishop Dela Peña.
Ayon sa obispo, sa bagong simbahan gaganapin ang pagdiriwang at magkakaroon din ito ng partial dedication habang hinihintay ang pagtatayo ng permanenteng katedral sa Marawi.
Ipinaliwanag ni Dela Peña na hindi pa nakakabalik ang prelatura sa Marawi dahil hindi pa malinaw ang proseso ng pagbabalik at wala pang mga residenteng parokyano sa lugar.
“Actually, hindi pa kami nakabalik sa Marawi dahil magulo pa ang proseso kung paano ang pagbabalik, saka walang tao. Wala pa doon ‘yung aming mga parishioner, eh, di, ano naman ang ating magagawa? O, wala rin,” dagdag niya.
“But, we have a new church, and that church will be the venue for our celebration, diyan kami magse-celebrate ng Golden Jubilee. And then, magkakaroon ng partial dedication of the church. And, in the meantime, ‘yan ang magiging cathedral ng prelature habang kami nandito pa, nakalikas pa,” paliwanag ng obispo.
Bagama’t hindi pa ganap na tapos ang konstruksyon ng simbahan, magagamit na ito para sa jubilee celebration sa tulong ng Aid to the Church in Need (ACN) at iba pang mga donor.
Isa sa mga tampok sa pagdiriwang ang pagdating ng pilgrim image ng Mary Help of Christians, na kasalukuyang isinasagawa ang Caravan for Peace and Solidarity. Sasalubungin ang imahen sa hangganan ng Iligan at Prelatura ng Marawi, bago dalhin sa lumang simbahan para sa misa at pagkatapos ay ilipat sa bagong pro-cathedral.
Naging mahalagang simbolo ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos ang imahen matapos itong lapastanganin noong Marawi siege. Pinugutan ng ulo ng mga terorista ang imahen ni Maria, habang nawala naman ang imahen ng Batang Hesus.
“Itong image ng Mary Help of Christians was at the forefront of the Marawi siege. Siya ‘yung pinugutan ng ulo ng mga terorista. Tapos, nawala ‘yung baby niya,” ani Bishop Dela Peña.
Bagama’t hindi na natagpuan ang imahen ng Batang Hesus, inayos at pinaganda ang imahen ni Maria. Ayon sa obispo, naging mahalagang paalala ito ng pagtitiwala sa Panginoon sa gitna ng mga pagsubok.
“Katulad ni Mary, na kahit hindi niya naintindihan ‘yung tawag sa kanya ng Panginoon na maging ina ng anak ng Diyos, tinanggap niya ang tawag ng Panginoon. At ganun din kami,” ayon pa kay Dela Peña.
Aniya, tinanggap na rin ng prelatura ang mga pagsubok na dulot ng Marawi siege, kabilang ang pagkawala ng mga pari at iba pang taong nag-alay ng kanilang buhay sa misyon ng Simbahan at paglilingkod sa lipunan.
Pagkilala sa mga nag-alay ng buhay sa misyon
Bilang bahagi ng jubilee celebration, kikilalanin din ng Prelatura ng Marawi ang mga nag-ambag sa paglilingkod at misyon nito, kabilang ang yumaong si Father Chito Suganob at ang apat na estudyanteng nasawi sa pambobomba sa gymnasium ng Mindanao State University sa Marawi noong Disyembre 3, 2023.
Ayon kay Bishop Dela Peña, kabilang sa mga kinikilalang martir ang mga estudyanteng nasawi sa pag-atake. Nailagay na rin ang kanilang mga pangalan sa Book of New Martyrs sa Rome.
“Sa aming recognition of the sacrifices na those who came ahead of us had rendered for the prelature, we will recognize their contribution,” dagdag ng obispo.
“So, they have been enrolled already in the Book of New Martyrs sa Rome, and we’re happy about that. At least na-recognize ang kanilang sacrifice,” pagbabahagi niya.
ACN, katuwang sa pagpapatuloy ng misyon
Kinilala rin ni Dela Peña ang tulong ng Aid to the Church in Need, partikular ng ACN Philippines at ACN Germany, sa pagpapatayo ng bagong simbahan at pagsuporta sa misyon ng prelatura.
Ayon sa obispo, malaking tulong ang suporta ng ACN sa konstruksyon ng pro-cathedral. Nakibahagi rin ang iba’t ibang diyosesis sa pangangalap ng pondo at sa pagbisita ng pilgrim image ng Mary Help of Christians sa kanilang mga komunidad.
Hinimok naman niya ang mas maraming Katoliko na makibahagi sa misyon ng ACN at sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita, lalo na sa Asya, kung saan patuloy na nangangailangan ng suporta ang mga komunidad at Simbahang nasa mahihirap na kalagayan.
Misyon ng Simbahan sa Marawi: pakikipagkaibigan at diyalogo
Binigyang-diin ni Bishop Dela Peña na nananatiling mahalagang bahagi ng misyon ng Prelatura ng Marawi ang pagiging presensya ng Simbahang nagtataguyod ng pagkakasundo, pakikipagkaibigan at diyalogo sa kanilang mga kapatid na Muslim.
Ayon sa obispo, hindi pakikipagtalo sa ibang relihiyon ang layunin ng kanilang misyon kundi ang pagtataguyod ng pagkakaibigan, paggalang sa pananampalataya at paniniwala ng bawat isa, at sama-samang paghahanap ng pangmatagalang kapayapaan.
“We can only build lasting peace kung tayo ay nakikipagkaibigan, hindi tayo nakikipag-argue sa kanila,” ani Dela Peña.
Dagdag pa niya, “We just have to respect one another’s teaching at one another’s faith and belief.”
Binigyang-diin ng obispo na naitataguyod ang tunay na kapayapaan sa pamamagitan ng pagkakaibigan, pagkakaisa, diyalogo at pagkilala sa dignidad ng bawat tao, anuman ang relihiyon—lalo na sa mga komunidad na patuloy na bumabangon mula sa digmaan at sapilitang paglikas.




