793 total reads
Nagbabala ang Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan-PNE) sa posibleng epekto ng proyektong Pax Silica sa likas-yaman at mga komunidad ng mga Ayta sa Capas, Tarlac, partikular sa suplay ng tubig, konsumo ng kuryente at pangangalaga sa kanilang mga lupang ninuno.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, sinabi ni Cathleen de Guzman, national coordinator ng Kalikasan-PNE, tinatayang 65 hanggang 90 milyong litro ng tubig kada araw ang kakailanganin ng proyekto, batay sa datos na iniulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Nangangamba ang grupo na maubos o lumiit ang suplay ng tubig sa Bangui River na ginagamit ng mga residente sa mga komunidad na malapit sa lugar ng proyekto.
“Ang tubig-ilog na ginagamit ng mga mamamayan ng Capas, na ginagamit po ng mga sityo na maapektuhan ng Pax Silica, ay banta po ng pagkaubos,” bahagi ng pahayag ni De Guzman sa Radyo Veritas.
Kinuwestiyon din ni De Guzman ang malaking pangangailangan ng proyekto sa kuryente, sa kabila ng kawalan pa rin ng suplay ng enerhiya sa ilang komunidad ng mga Ayta.
“Napakarami po nating kababayan, Ayta, na wala pong kuryente sa kanilang mismong lugar. Bakit po ang Pax Silica, meron po tayong kayang ibigay na kuryente?” ayon pa kay De Guzman.
Ibinahagi rin ni De Guzman na nakapagtala ang kanilang grupo ng malawakang paghuhukay at paglilipat ng lupa para sa paggawa ng kalsadang mag-uugnay sa mga komunidad at sa tinatawag na Nuclear City.
“Kami po kasi ay nagpunta doon sa mga sityo na maapektuhan ng Pax Silica, at nalaman po natin na meron na pong mga massive earth-moving activities na nangyayari. Ito po ay dahil sa isang kalsada na ginagawa para ipag-connect ‘yung mga sityo doon po sa Nuclear City. Sa amin pong pakikipanayam doon sa mga Ayta, ‘yung isa po sa mga lugar kung saan po sila nagma-massive earth-moving ay isa pong burial ground,” dagdag ni De Guzman.
Ayon pa kay De Guzman, bagama’t nagbago ang paglalarawan sa proyekto at sinabing hindi na kabilang dito ang data center kundi ang pagproseso ng mahahalagang mineral at paggawa ng mga semiconductor, may kaakibat pa ring panganib sa kapaligiran ang mga naturang aktibidad.
Kabilang dito ang paggamit ng mga kemikal sa pagproseso ng mineral at ang posibleng pagdami ng mapanganib na basura.
Kinuwestiyon din ng Kalikasan-PNE ang kakulangan ng impormasyon at konsultasyon sa publiko. Ayon kay De Guzman, limitado pa lamang ang mga pagdinig at briefing tungkol sa proyekto sa Kongreso at Senado, at hindi pa rin naipalalabas nang live sa publiko ang mga ito.
Ibinahagi rin ni De Guzman na nagsagawa ang kanilang grupo, kasama ang AGHAM at Pro-People Engineers and Leaders, ng paunang pagsusuri sa posibleng epekto ng proyekto sa kapaligiran at kultura ng mga komunidad na maaaring maapektuhan nito.
“Kami pa po, ‘yung mamamayan pa po ang unang nag-aral sa Pax Silica sa halip na inaral dapat ito ng mga ahensya ng gobyerno,” ani De Guzman.
Sa panig ng Simbahan, dapat isulong ng anumang proyektong pangkaunlaran ang kabutihang panlahat, igalang ang karapatan ng mga katutubo at pangalagaan ang kalikasan, sa halip na isakripisyo ang kabuhayan at dignidad ng mga komunidad para sa interes ng iilan.




