Suklian ng tapat na serbisyo

SHARE THE TRUTH

Send your Love Offering

SAVINGS ACCOUNT NAME

DZRV Radio Veritas Foundation, Inc.

  1. Metrobank Savings Account No.: 076-3-076270210
  2. Banco De Oro Savings Account No.: 001-630011876
  3. BPI Savings Account No.: 0213-3251-91
  4. PNB – Savings account No.: 105-910-013-091

 429 total views

Mga Kapanalig, sa pamamagitan ng Joint Resolution 1, na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong bagong taon, tataas ngayong taon ang tinatawag na “base pay” ng mga sundalo, pulis, at iba pang unipormadong kawani ng Department of National Defense, Department of the Interior and Local Government, Philippine Coast Guard, at National Mapping and Resource Information Authority. Ito ay bukod pa sa dagdag na benepisyong natatanggap ng mga civilian and military and uniformed personnel sa ilalim ng Salary Standardization Law, na sinimulang ipatupad sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino.

Ipatutupad sa loob ng dalawang taon ang pagtataas ng sahod. Ngayong taon, epektibo ang halos 100% na pag-akyat ng base pay ng mga nasa pinakamababang ranggo. Sa susunod na taon naman, halos aabot ng ₱150,000 ang base pay ng isang director general o ang ranggo ngayon ni PNP Chief Bato dela Rosa. Samantala, ₱540 naman kada buwan ang hazard pay o kompensasyong kaakibat ng dalang panganib ng kanilang trabaho. Batay sa resolution, kahapon, January 15, ang simula ng taas-sahod.

Nais rin daw ni Pangulong Duterte na taasan ang suweldo ng mga guro sa susunod na taon, kasinlaki ng itinaas para sa mga pulis at sundalo. Sa ngayon kasi, wala pang ₱20,000 ang naiuuwi ng isang gurong nasa unang antas o “Teacher I”, kaya’t kung matutupad ang gusto ng pangulo, hindi bababà sa halos ₱40,000 ang magiging sahod ng isang guro. Ngunit ayon sa kalihim ng Department of Budget and Management (o DBM), mahirap itong maipatupad agad dahil kailangan daw unahin ang mga nakalinyang proyektong pang-imprastraktura. Sinabi naman ni Department of Education Secretary Leonor Briones na tumataas naman taun-taon ang sahod ng mga guro dahil muli sa Salary Standardization Law. Halos doble na nga raw ang suweldo ng mga guro sa pampumblikong paaralan kumpara sa mga nasa pribadong paaralan.

Mainam, mga Kapanalig, ang pagtaas ng sahod ng mga kawani ng pamahalaan, lalo na ng mga sundalo, pulis, at guro. Paraan ito ng pagpapahalaga sa kanilang importanteng gawain para sa sambayanan. At sa mga panlipunang katuruan ng Simbahan, mahalagang salik ng dignidad ng tao ang pagkakaroon ng trabaho o hanapbuhay. At sa paggawa, naka-aambag tayo sa katubusan ng tao mula sa anumang nagpapahirap sa atin, para bang krus na pasan-pasan natin sa pag-asang darating ang panahong mapagtatagumpayan natin ito, gaya ng pagtubos ni Hesus sa atin mula sa ating mga kasalanan. Hindi ba’t krus ring maituturing ang pagsuong sa giyera, ang pagtugis sa masasamang loob, at araw-araw na paghubog sa kaisipan at karakter ng mga kabataan?

Gayunman, maliban sa pagtiyak na matutustusan talaga ng pamahalaan ang pagtaas ng sahod ng mga sundalo’t pulis, at, kung matutuloy nga, ng mga guro, makatwiran ding asahan sa mga lingkod-bayan nating ito ang tapat at maayos na pagtupad ng kanilang tungkulin. Hindi naman siguro pagmamalabis ang asahan ang mga sundalong maging sensitibo sa kultura ng mga katutubo sa halip na takutin at sindakin ang mga pamayanan. Hindi rin naman din pagmamalabis kung asahan natin sa mga pulis na dakpin at idaan sa proseso ng batas ang mga masasamang-loob sa halip na patayin ang mga ito. Tama lang din naman sigurong asahan ang ating mga guro na turuan ang ating mga anak nang tama tungkol sa ating kasaysayan at wastong pag-uugali.

Mga Kapanalig, ito sana ang mas malawak na layunin ng pagtataas ng sahod na nais ng administrasyon—ang mas maayos na paglilingkod ng ating mga sundalo at pulis, at, kung loloobin nga, ng mga guro. Sa halip na gamitin ang hakbang na ito upang makuha ang kanilang katapatan sa isang padrino, nawa’y katapatan sa kabutihan ng lahat at ng buong bayan ang maging sukli ng mas mataas na sahod sa mga lingkod-bayan.

Sumainyo ang katotohanan.

Walang saysay ang kayamanan kung nawawala ang kaluluwa-Archbishop Uy

 8,007 total views

Nagpaalala si Cebu Archbishop Alberto Uy sa mga mananampalataya na ang tagumpay ay biyaya, subalit hindi dapat makamit kapalit ng pamilya, katapatan at ugnayan sa Diyos.

Sa kanyang pagninilay sa Ebanghelyo ni San Mateo, sinabi ng arsobispo na walang saysay ang pagkakaroon ng maraming salapi at ari-arian kung mawawala naman ang ating kaluluwa.

“My dear brothers and sisters, success is a blessing—but not if it costs us our soul,” ayon kay Archbishop Uy.

Ayon sa pastol ng simbahan hindi masama ang magsikap, magtrabaho at mangarap para sa magandang buhay, subalit mahalagang tiyakin na hindi dapat nakakalimutan ang pamilya, ang kapwa at ang Diyos.

“Jesus is not saying that success is bad. He is not against hard work, business, or earning a living. On the contrary, He wants us to use our talents well and provide for our families,” ayon sa pagninilay ni Archbishop Uy sa facebook post ng Archdiocese of Cebu

Paalala pa ni Archbishop Uy, darating ang panahon na maiiwan natin ang ating pera, ari-arian, posisyon at mga tagumpay.

Ang tunay na kayamanan ay ang pagmamahal na naibigay, mga taong natulungan at ang katapatan sa Diyos.

Kaya hinikayat niya ang lahat na magsikap at gamitin nang mabuti ang kanilang mga talento, ngunit huwag hayaang ang pera at tagumpay ang mangibabaw sa ating buhay.

Paalala pa ng arsobispo, “We are all just passing through this world. This life is not our final destination. If we spend all our time collecting things that cannot last, we may forget to seek the One who lasts forever.”

Sinabi ni Archbishop Uy na ang pinakamahalagang tagumpay ay ang buhay na puno ng pagmamahal at nananatiling tapat kay Kristo.

Pagiging ganap na diyosesis ng Calapan, isang malaking hamon at pananagutan

 24,601 total views

Nanindigan si Calapan Bishop Moises Cuevas na ang pagiging ganap na diyosesis ay hindi simpleng pagkilala sa paglago ng lokal na simbahan kundi pagtanggap sa mas malaking hamon at pananagutang ipagpatuloy ang misyong sinimulan ng mga naunang misyonero.

Sa kanyang pagninilay sa Misa para sa canonical erection ng Diocese of Calapan nitong August 7 sa Calapan Cathedral, sinabi ng unang obispo ng diyosesis na ang bagong katayuan ng lokal na Simbahan ng Oriental Mindoro ay bunga ng mahabang kasaysayan ng pananampalataya at paglilingkod.

“Ganap na natin itong minana. Minana natin ang sakripisyo ng mga misyonero. Minana natin ang pawis ng mga katekista. Minana natin ang mga panalangin ng mga lolo at lola. Minana natin ang katatagan at kababaang-loob ng mga Mangyan. Minana natin ang paglilingkod ng mga pari, madre, at mga layko. Mga kapatid, ang mana ay isang misyon. Ang mina ay misyon,” ayon kay Bishop Cuevas.

Ayon sa obispo, ang pag-angat ng Apostolic Vicariate of Calapan bilang isang ganap na diyosesis ay nangangahulugang mas malawak na pagpapalawak at pagpapaigting ng misyon ni Kristo sa Mindoro.

“Tayo ay naging diyosesis upang lalo pang palawakin ang misyon ni Kristo—palalimin ang pananampalataya; paglingkuran ang mahihirap; ihain ang kabataan; samahan ang mga Mangyan; ipagtanggol ang dignidad ng bawat tao at ng pamilya; itaguyod ang katarungan at kapayapaan; at pangalagaan ang ating iisang tahanan,” giit ni Bishop Cuevas.

Sinariwa rin ng obispo ang tala sa diary ni Bishop William Duschak, SVD noong 1962, kung saan isinulat niya ang katagang “Auf dem Weg zum Bistum Mindoro” o “On the way to the Diocese of Mindoro” na aniya’y sa kasalukuyan ay ganap nang natupad makalipas ang mahigit anim na dekada.

Ipinaliwanag din ng obispo na higit pa sa pinagmulan ng pangalang Mina de Oro ang tunay na kayamanan ng Mindoro.

“Maliwanag po sa ating mga pagbasa, at maging sa diary ni Bishop Duschak na ang tunay na ginto ng Mindoro ay ang Espiritu Santo na patuloy na kumikilos sa sambayanang ito,” ani Bishop Cuevas.

Kasabay nito, hinimok ng pastol ang mga pari, mga relihiyoso at mga layko na pangalagaan at panatilihin ang pagbubuklod bilang mga mananampalataya.

“Huwag nating hayaang magkawatak-watak tayo. Huwag nating sirain ang pagkakaisang binigkis ng Espiritu Santo,” paalala ng obispo.

Sa kasaysayan, nagsimula ang Kristiyanismo sa isla noong 1600s sa pamamagitan ng pagmimisyon ng mga Augustinian, Franciscan, Jesuit, Recollect, at SVD.

1936 nang maging Apostolic Prefecture, 1961 nang maging Apostolic Vicariate, at makalipas ang 75 taon ay ganap na itong naging diyosesis.
Isa sa mga tanyang na misyonerong naglingkod sa diyosesis si San Ezekiel Moreno na naging kura paroko ng Sto Nino Church o ang kasalukuyang cathedral ng diyosesis.

Sa kasalukuyan, mayroong 40 parokya ang diyosesis at isang personal parish na nakatuon sa paglilingkod sa mga katutubong Mangyan sa lugar.
Sa kabuuang populasyon ng lalawigan na halos isang milyon, mahigit sa 800,000 dito ay mga Katoliko.

Pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang pagluklok kay Bishop Cuevas bilang kauna-unahang obispo ng diyosesis, katuwang si Lipa Archbishop Gilbert Garcera, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.

Mahigit sa 30 obispo mula sa iba’t ibang diyosesis sa bansa ang dumalo sa pagtitipon kasama si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.

BE OUR PARTNERS

THIS PORTION IS BROUGHT YOU BY

ADVOCATE

Radyo Veritas Advocacy Category by Author

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

CONFIDENTIAL FUND

 51,688 total views

 51,688 total views Kapanalig, sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, naging malinaw sa madlang bayan na ang “confidential fund” ay isang public fund o

Read More »

Karapatan sa disenteng tahanan

 123,422 total views

 123,422 total views Mga Kapanalig, karapatan ng bawat tao ang magkaroon ng disenteng tahanan. Para masabing disente, dapat itong sapat, ligtas, may seguridad, at nagbibigay-daan sa

Read More »

Hindi nakatutuwang biro

 154,704 total views

 154,704 total views Mga Kapanalig, mabuti pa si Japanese Ambassador to the Philippines na si Endo Kazuya, maraming pagpipiliang bahay dito sa Pilipinas.  Sa isang privilege

Read More »

Sino ang papasan ng system-loss?

 186,720 total views

 186,720 total views Mga Kapanalig, isa sa mga umani ng masigabong palakpakan sa State of the Nation Address (o SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr ay

Read More »

KULANG SA SONA NI PBBM

 336,219 total views

 336,219 total views Kapanalig, sa anumang hakbang., planong gagawin., polisiyang ipapatupad.,mga pangakong binitiwan, o mga usapin na sadyang iniiwasan. Lagi itong may kulang. Hindi ibig sabihin,

Read More »

Watch Live

RELATED ARTICLES

CONFIDENTIAL FUND

 51,689 total views

 51,689 total views Kapanalig, sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, naging malinaw sa madlang bayan na ang “confidential fund” ay isang public fund o

Read More »

Karapatan sa disenteng tahanan

 123,423 total views

 123,423 total views Mga Kapanalig, karapatan ng bawat tao ang magkaroon ng disenteng tahanan. Para masabing disente, dapat itong sapat, ligtas, may seguridad, at nagbibigay-daan sa

Read More »

Hindi nakatutuwang biro

 154,705 total views

 154,705 total views Mga Kapanalig, mabuti pa si Japanese Ambassador to the Philippines na si Endo Kazuya, maraming pagpipiliang bahay dito sa Pilipinas.  Sa isang privilege

Read More »

Sino ang papasan ng system-loss?

 186,721 total views

 186,721 total views Mga Kapanalig, isa sa mga umani ng masigabong palakpakan sa State of the Nation Address (o SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr ay

Read More »
Scroll to Top