LINGGO, SETYEMBRE 25, 2022

SHARE THE TRUTH

 508 total views

Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Amos 6, 1a. 4-7
Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10

Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.

1 Timoteo 6, 11-16
Lucas 16, 19-31

Twenty-sixth Week in Ordinary Time (Green)
National Seafarer’s Day
Migrant’s Sunday

UNANG PAGBASA
Amos 6, 1a. 4-7

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Amos

Ito ang sinasabi ng Panginoong makapangyarihan: “Kahabag-habag kayong namumuhay na maginhawa sa Sion! Kahabag-habag kayo na nahihiga sa magagarang kama at nagpapahinga sa malalapad na himlayan, habang nagpapakabusog sa masasarap na pagkain. Lumilikha pa kayo ng mga awit sa saliw ng mga alpa, tulad ni David. Sa malalaking mangkok na kayo umiinom ng alak at mamahaling pabango ang ipinapahid ninyo sa katawan. Ngunit itinangis na ba ninyo ang darating na pagkawasak ng Israel? Hindi. Kaya nga, kayo ang unang ipatatapon. Matitigil na ang inyong mga pagpipiging at pagsasaya.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10

Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.

o kaya: Aleluya.

Ang maaasahang lagi’y Panginoon,
panig sa naaapi, ang Diyos na hukom,
may pagkaing handa, sa nangagugutom.

Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.

Pinalaya niya ang mga nabihag;
isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
ang mga hinirang niya’y nililingap.

Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.

Isinasanggalang ang mga dayuhang
sa lupain nila’y doon tumatahan;
tumutulong siya sa balo’t ulila,
masamang balangkas pinipigil niya.

Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.

Walang hanggang Hari,
ang Diyos na Poon!
Nabubuhay lagi ang Diyos mo, Sion!

Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.

IKALAWANG PAGBASA
1 Timoteo 6, 11-16

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo

Ikaw na lingkod ng Diyos, sikapin mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan. Gawin mo ang buo mong makakaya sa pakikibaka alang-alang sa pananampalataya at kakamtan mo ang buhay na walang hanggan, yamang diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harapan ng maraming saksi ang iyong pananampalataya. Sa ngalan ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat ng bagay, at sa ngalan ni Kristo Hesus na nagpatotoo sa harapan ni Poncio Pilato, iniuutos ko sa iyo: ang mga tagubiling ito’y panatilihin mong mabisa at walang kapintasan hanggang sa pagdating ng Panginoong Hesukristo. Sa takdang panahon, siya’y ihahayag ng mapagpalang Diyos, ang makapangyarihang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Siya lamang ang walang kamatayan, ang nananahan sa liwanag na di matitigan. Hindi siya nakita o makikita ninuman. Sa kanya ang karangalan at ang walang hanggang kapangyarihan. Amen.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
2 Corinto 8, 9

Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay naging dukha
upang tayo’y managana
sa bigay n’yang pagpapala.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 16, 19-31

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isa namang pulubing nagngangalang Lazaro, tadtad ng sugat, na nakalupasay sa may pintuan ng mayaman upang mamulot kahit mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo’y nilalapitan siya ng aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. Namatay ang pulubi, at dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman, at inilibing. Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa Hades, tumingala ang mayaman at kanyang natanaw sa malayo si Abraham, kapiling ni Lazaro. At sumigaw siya, ‘Amang Abraham, mahabag po kayo sa akin. Utusan ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay sa ibabaw ng lupa, at si Lazaro’y nagtiis ng kahirapan. Ngunit ngayo’y inaaliw siya rito, samantalang ikaw nama’y nagdurusa. Higit sa lahat, inilagay sa pagitan natin ang isang malaking bangin upang ang mga narinig ay hindi makapariyan at ang mga nariyan ay hindi makaparini.’ At sinabi ng mayaman, ‘Kung gayun po, Amang Abraham, ipinamamanhik ko sa inyong papuntahin si Lazaro sa bahay ng aking ama, sapagkat ako’y may limang kapatid na lalaki. Paparoonin nga ninyo siya upang balaan sila at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta; pakinggan nila ang mga iyon.’ ‘Hindi po sapat ang mga iyon,’ tugon niya, ‘ngunit kung pumunta sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, tatalikdan nila ang kanilang mga kasalanan.’ Sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Ang mga pagbasa ngayon ay nagpapaalaala sa atin ng ating tungkuling moral na tumulong sa nangangailangan. Patunayan natin ang ating malasakit sa kanilang kapakanan, habang nananalangin tayo:

Panginoon, dinggin Mo kami!

Para sa Simbahang panlahat: Nawa manatili siyang tagapagtanggol ng mahihirap, mga inaapi, at mga pinagkaitan, sa kabila ng panganib na ikalayo sa kanya ng mga kaibigang makapangyarihan at mayayaman. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa, mga Obispo, at lahat ng iba pang pinunong espirituwal: Nawa lagi nilang ipagtanggol ang mga karapatan ng lahat ng inaapi o pinagsasamantalahan ng mga walang pusong indibiduwal o institusyon. Manalangin tayo!

Para sa mga nanunungkulan sa industriyang pandagat: Nawa lagi nilang igalang ang mga karapatan at karangalan ng mga mandaragat at umiwas sila sa ano mang pagsasamantala. Manalangin tayo!

Para sa ating mga mandaragat: Nawa magampanan nila ang kanilang tungkulin at maging matatag sa harap ng kabiguan o pangungulila, at humango nawa sila ng inspirasyon sa mga pagpapahalagang Pilipino at pananampalatayang Kristiyano. Manalangin tayo!

Para sa mga pari, relihiyoso, at mga laykong tumutulong sa mga mandaragat sa buong mundo: Nawa di sila magsawa sa paglilingkod nila at sila’ y biyayaan sa kanilang gawain. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng layko: Habang ipinagdiriwang natin ang Linggo ng mga Layko, nawa maunawaan natin ang ating kahalagahan sa pagtataguyod ng Kaharian ng Diyos. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga pansariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!

Panginoon, Ama ng mahihirap at Tagapagtanggol ng mga nagdadalamhati at nalulumbay, tunghayan Mong magiliw ang lahat ng mandaragat na ginugunita namin ngayon. Tulungan Mo sila at ang kani-kanilang pamilya at panatilihin silang tapat sa isa’t isa sa kabila ng kanilang pagkakalayu-layo at paglapitin Mo silang muli. Isinasamo namin ito sa ngalan ni Hesus na aming Panginoon. Amen!

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Malaya pero bihag pa rin

 78,495 total views

 78,495 total views Mga Kapanalig, sa dalawang araw, ipagdiriwang natin ang Araw ng Kalayaan. Ngunit taun-taon nating tinatanong: tunay nga ba tayong malaya? Para masagot ito,

Read More »

Mga bisyong tayo rin ang may gawa

 92,072 total views

 92,072 total views Mga Kapanalig, nanawagan kamakailan ang grupong TobaccoOFF Now! na tuluyan nang ipagbawal ang mga vapes at e-cigarettes. Ang TobaccoOFF Now! ay binubuo ng

Read More »

Papalayô sa tunay na demokrasya

 120,636 total views

 120,636 total views Mga Kapanalig, patuloy ang gulo sa Senado, isang institusyong inaasahan nating kumakatawan sa ating mga hangarin at tumutugon sa ating mga pangangailangan.  Noong

Read More »

BAKIT BIGO ANG K-12?

 168,466 total views

 168,466 total views Kapanalig, ipinatupad ang K-12 program o K-12 educational curriculum noong 2013 sa bisa ng Republic Act No. 10533 or the Enhanced Basic Education

Read More »

MAGING PANAHON NAGUGULUHAN NA

 158,079 total views

 158,079 total views Kapanalig, ano ba ang nangyayari sa ating bayan? Sa Senado, litong-lito na ang maraming Pilipino… Hindi na malaman ng marami kung ano ang

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Sabado, Hunyo 13, 2026

 2,273 total views

 2,273 total views Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria Mga Panaghoy 2, 2. 10-14. 18-19 Salmo 73, 1 – 2. 3-5a. 5b-7. 20-21 Iyong laging

Read More »

Biyernes, Hunyo 12, 2026

 5,239 total views

 5,239 total views Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus (A) Deuteronomio 7, 6-11 Salmo 102, 1-2. 3-4. 6-7. 8 at 10 Pag-ibig mo’y walang hanggan

Read More »

Huwebes, Hunyo 11, 2026

 6,307 total views

 6,307 total views Paggunita kay San Bernabe, apostol Mga Gawa 11, 21b-26; 13, 1-3 Salmo 97, 1. 2-3ab, 3kd-4, 5-6 Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

Read More »

Miyerkules, Hunyo 10, 2026

 5,152 total views

 5,152 total views Miyerkules ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 1 Hari 18, 20-39 Salmo 15, 1-2a. 4. 5 at 8. 11 D’yos ko, ang

Read More »

Martes, Hunyo 9, 2026

 7,706 total views

 7,706 total views Martes ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 1 Hari 17, 7-16 Salmo 4, 2-3. 4-5. 7-8 Poon, sa ‘mi’y pasikatin, liwanag sa

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top