LINGGO, OKTUBRE 30, 2022

SHARE THE TRUTH

 612 total reads

Ika-31 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Karunungan 11, 22 – 12, 2
Salmo 144, 1-2. 8-9. 10-11. 13kd-14

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

2 Tesalonica 1, 11 – 2,2
Lucas 19, 1-10



Thirty-first Sunday in Ordinary Time (Green)
Prison Awareness Sunday

UNANG PAGBASA
Karunungan 11, 22 – 12, 2

Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan

Panginoon, sa iyong paningin,
ang buong daigdig ay para lamang isang butil na buhangin
na di halos makatikwas ng timbangan;
para lamang isang patak ng hamog sa umaga sa pisngi ng lupa.
Labis-labis ang kapangyarihan mo para gawin ang anuman,
ngunit mahabagin ka sa bawat kinapal;
pinagpapaumanhinan mo ang aming mga pagkukulang,
at binibigyan mo kami ng panahong makapagsisi.
Mahal mo ang lahat ng bagay,
at wala kang hinahamak sa iyong mga nilalang.
Kung hindi gayon, ay bakit mo pa sila nilikha?
Walang anumang bagay na mananatili kung hindi mo kalooban,
at walang makapagpapatuloy kung hindi mo nilalang.
Ipinahintulot mong manatili ang bawat nilikha sapagkat bawat isa ay sa iyo
ang lahat ng nabubuhay ay mahal mo, Panginoon.
Ang diwa mong walang kamatayan ay nasa kanilang lahat,
kaya unti-unti mong itinutuwid ang mga nagkakasala.
Ipinaaalaala at binababalaan mo sila sa kanilang mga ginawa,
upang iwanan na nila ang kanilang masamang pamumuhay at sa iyo sila manalig, Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 1-2. 8-9. 10-11. 13kd-14

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,
di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
aking pupurihi’t pasasalamatan siya araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,
banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

Magpupuring lahat sa iyo, O Poon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

Di ka bibiguin sa mga pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
Siya’y tumutulog sa lahat ng tao na may suliranin;
yaong inaapi’y inaalis niya sa pagkagupiling.

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

IKALAWANG PAGBASA
2 Tesalonica 1, 11 – 2,2

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica

Mga kapatid, lagi namin kayong isinasama sa aming mga dalangin sa Diyos na nawa’y maging karapat-dapat kayo sa pagkatawag niya sa inyo. At ipagkaloob nawa niya sa inyo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ang lahat ng mabuti ninyong hangarin at lubusin ang inyong mga gawang bunga ng pananampalataya. Kung magkagayon, mabibigyan ninyo ng karangalan ang pangalan ng ating Panginoong Hesus, at kayo naman ay bibigyan din ng karangalan ayon sa kagandahang loob ng Diyos at ng Panginoong Hesukristo.

Tungkol naman sa pagparito ng ating Panginoong Hesukristo at sa pagtitipon niya sa atin, ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na huwag kayong magugulat agad o mababahala sa balitang dumating na ang Araw ng Panginoon. Huwag kayong maniniwala kahit sabihin nilang ito’y hula o pahayag, o kaya’y sulat na galing sa amin.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 3, 16

Aleluya! Aleluya!
Kaylaki ng pagmamahal
ng Diyos sa sanlibutan
kaya’t Anak n’ya’y ‘binigay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 19, 1-10

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa Jerico, at naglakad sa kabayanan. Doo’y may isang mayamang puno ng mga publikano na nagngangalang Zaqueo. At pinagsikapan niyang makita si Hesus upang makilala kung sino ito. Ngunit siya’y napakapandak, at dahil sa dami ng tao, hindi niya makita si Hesus. Kaya’t patakbo siyang nagpauna at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita si Hesus na magdaraan doon. Pagdating ni Hesus sa dakong iyon, siya’y tumingala at sinabi sa kanya, “Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo.” Nagmamadali siyang bumaba, at tuwang-tuwang tinanggap si Hesus. Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. “Nakikituloy siya sa isang makasalanan,” wika nila. Tumayo si Zaqeuo at sinabi, “Panginoon, ibibigay ko po sa mga dukha ang kalahati ng aking ari-arian. At kung ako’y may nadayang sinuman, apat na ibayo ang isasauli ko sa kanya.” At sinabi sa kanya ni Hesus, “Ang kaligtasa’y dumating ngayon sa sambahayang ito; lipi rin ni Abraham ang taong ito. Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.



PANALANGIN NG BAYAN
Ika-31 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Patnubay sa Misa

Manalangin tayo sa Panginoon na may pagmamahal sa atin na higit nadakila kaysa sa ating mga kasalanan. Nawa’y pagkalooban Niya tayo ng pagpapakumbaba upang makita ang ating mga pagkukulang at pangangailangan sa Kanyang awa at kapatawaran:

Panginoon, gawin mo po kaming mapaghilom at mapagmahal sa aming kapwa!

Para sa ating Santo Papa Francisco, mga Obispo, ang kaparian at mga relihiyoso’t relihiyosa: Nawa’y lagi silang maging buhay na patotoo ng banal na awa ng Diyos at kanyang walang hang- gang kapatawaran. Manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga namumuno ng pamahalaan sa mga bansa sa mundo: Nawa’y sila ay makatugon nang may ka runungan at pagpapakumbaba sa kasalukuyang krisis na namamayani sa mundo na dulot ng kasamaan, at patuloy nawa nilang hanapan ng solusyon ang mga suliraning kinakaharap ng mundo, at matuto nawa nilang kilalanin at pagsisihan ang sarili nilang mga pagkukulang at kapabayaan na nakatulong sa pagkalat ng kahirapan, karahasan at poot sa ating mundo sa kasalukuyan, Manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa lahat ng mga biktimang krimen: Nawa’y matamo nila hindi lamang ang tunay na hustisya kundi magkaroon din sila ng tunay na paghilom mula sa mga epekto ng krimen. Nawa’y mapalakas sila ng pag-ibig ng Diyos na nagmumula sa lubos na pagsuporta ng kanilang pamilya at komunidad. Manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga kapatid nating bilanggo: Nawa’y makita nila ang kanilang mga nagawa at matanto nila ang pangangailangan para sa kapatawaran ng Diyos at ng mga taong nasaktan nila. Manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa lahat ng mga nasa ministeryo ng bilangguan (prison ministry): Nawa’y sila ay maging daluyan ng pagpapatawad ng Di- yos para sa mga naka bilanggo at nawa sila’y maging daan upang ang mga tunay na nagisisi ay manumbalik na maging kawangis ng lumikha. Manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa ating lahat na nagkatipon-tipon sa pagdiriwang na ito: Nawa’y makita natin ang ating sarili bilang mga tao na bagama’t hindi perpekto ay nagsisikap upang patuloy na magbago. Manalangin tayo sa Panginoon!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumahimik saglit.)
Manalangin tayo!

Maawaing Ama, madalas nahihirapan kaming aminin ang aming mga kasalanan at kabiguan. Nguni’t alam naming na higit na mahirap tanggihan ang iyong pagmamahal. Dalisayin Mo po ang aming puso at turuan Ninyo kaming maging tunay na masunurin sainyo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo na aming Panginoon. Amen!

Halimbawa sa taumbayan

 23,129 total reads

Mga Kapanalig, kinansela ni Vice President Sara Duterte ang halos isang linggo niyang biyahe sa Japan. 

Hindi ito dahil tutulong siya sa pagtugon ng gobyerno sa mga kababayan nating nasalanta ng masamang panahon dahil sa habagat. Hindi ito dahil napagtanto niyang hindi angkop para sa isang mataas ng opisyal ng gobyerno na mamasyal sa ibang bansa habang lubog sa baha o natabunan ng gumuhong lupa ang maraming lugar. 

Dahil ito sa pagsasapubliko ng Malacañang sa travel authority na ibinigay sa kanya.  

Naka-schedule ang personál na biyahe ni VP Sara sa Japan mula August 19 hanggang 24. Kahit na sariling gastos ng bise presidente ang pagpunta niya sa ibang bansa, kailangan pa rin itong aprubahan ng Office of the President. Inilabas ng Palasyo ang travel authority dalawang araw bago ang kanyang pag-alis, bagay na napag-alaman matapos tanungin ng media sa isang press conference. 

Hindi ito nagustuhan ni VP Sara. Kinabukasan, August 18, pinakansela ng kanyang opisina ang travel authority na ibinigay sa kanya. Nagbago na raw ang plano ng bise presidente, sabay paalala sa Office of the President na “serious concern” ang pagsasapubliko nito ng schedule ng pangalawang pangulo. Sinabi pa ni VP Sara sa isang pahayag na ang ginagawang ito ng Malacañang ay naglalagay sa kanyang personal na seguridad sa alanganin. Nalalantad daw siya sa panganib. 

Dagdag pa niya, “Transparency and accountability should not be demanded from a single government office alone.” Dahil sa nangyaring ito, inaasahan daw niyang isasapubliko rin ang lahat ng impormasyon tungkol sa mga pinahihintulutang biyahe ng Malacañang, kabilang na ang halaga ng gastos ng mga opisyal na binibigyan ng travel authority. 

Tama naman si VP Sara: lahat ng opisyal ng gobyerno—mula kay Pangulong Bongbong Marcos hanggang sa mga iniluklok natin sa ating mga pamahalaang pambarangay—ay dapat na maging transparent at accountable. Transparent dapat sila; ibig sabihin, bukás sa publiko ang mga ginagawa nila. Walang itinatago sa taumbayan. Accountable dapat sila; ibig sabihin, dapat malinaw na naipaliliwanag ng mga opisyal ang mga desisyon at hakbang na ginagawa nila. Kung may nagawa silang mali o kapabayaan, obligasyon nilang sumagot at tanggapin ang kaukulang parusa. 

Mas magiging tama si VP Sara kung siya mismo ang magiging halimbawa ng mga lingkod-bayang transparent at accountable. Lead by example, ‘ika nga.

Mahalaga para sa ating Simbahan ang pagiging mabuti at totoong halimbawa ng mga taong pinagkatiwalaan nating mamuno sa ating bansa. Ang kapangyarihang hawak nila ay hindi pribilehiyo; isa itong anyo ng paglilingkod. “True power is service,” sabi nga ng yumaong Pope Francis. Malinaw dapat sa mata ng publiko ang mga ginagawa ng ating mga lider. Tanggap nila ang pag-usisa sa mga ito: Saan ginagastos ang pera ng bayan? Sang-ayon ba sa batas at mga patakaran ang mga ito? Sinu-sino ang mga pinagbigyan nito? Totoong tao ba sila? Nakamit ba ang inaasahang mangyari? Maayos bang nakadokumento ang lahat ng transaksyon?

Kayang sagutin ang mga tanong na ito ng isang lider na transparent at accountable. Ang ganitong lider din ang may karapatang manitá sa kapwa nilang opisyal sa gobyerno—mula sa pinakamataas na posisyon hanggang sa mga nasa barangay. Ang transparent at accountable na lingkod-bayan ay handang humarap sa mga ligal at konstitusyunal na proseso ng pagpapanagot, gaya ng impeachment.

Mga Kapanalig, sabi nga sa 1 Pedro 5:2-3, “Pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. Iyan ang nais ng Diyos. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa kayo sa kawan.” 

Sumainyo ang katotohanan.

 

Protektahan ang mga bata

 60,507 total reads

Mga Kapanalig, taos-puso tayong nakikiramay sa mga estudyante, guro, at buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga University na naapektuhan ng malagim na pamamaril noong Agosto 18. Ito ang pangalawang insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa loob lamang ng dalawang buwan. 

Nanawagan ang Department of Education (o DepEd) sa media, vloggers, content creators, at publiko na huwag mag-post, magbahagi, o magpakita ng mga video at larawan na nagpapakita ng insidente at ng mga naging bunga nito. Ayon sa DepEd, maaari nitong dagdagan ang trauma na nararanasan ng mga biktima, kanilang mga pamilya, at buong komunidad.

Naglabas din ang ilang organisasyon ng media ng pahayag na dapat itrato ang mass shooting katulad ng suicide. Dapat iwasang bigyan ng labis o paulit-ulit na atensyon ang gumawa ng pag-atake, at huwag maglahad ng mga detalyeng hindi naman kailangang malaman ng publiko. Nanawagan sila sa mga kasamahan nila sa media na maging maingat at responsable sa kanilang pagbabalita.

Nangagamba rin ang mga psychiatrists at eksperto sa usaping mental health sa patuloy na pagkalat ng mga video ng insidente sa social media. Anila, may masamang epekto ang paulit-ulit na pagkakalantad sa gumawa ng pag-atake at sa mismong insidente. Dapat daw maging maingat sa pagtalakay sa ganitong mga pangyayari dahil maaari nitong dagdagan ang anxiety at takot ng mga tao.

Pinag-aaralan na ng pamahalaan ang mas malawak na tugon sa karahasan sa mga paaralan, kabilang ang suporta sa mental health ng kabataan, intervention para sa mga pamilya, at mga konkretong hakbang para sa kaligtasan sa paaralan. May mga panawagan ding suriin ang mga batas tungkol sa pagmamay-ari ng baril.

May mahalagang papel din ang mga paaralan sa paglikha ng ligtas na pisikal at emosyonal na kapaligiran. Makatutulong ang pagkaroon nila ng malinaw na sistema para sa pag-uulat ng bullying, pang-aabuso, at iba pang panganib na maaaring mag-udyok sa mga estudyanteng maging marahas. Sapat na suporta din ang dapat ibigay sa mga mag-aaral at guro. Kaya nangako ang DepEd na magbibigay ng psychological first aid at psychosocial support sa mga apektadong estudyante, staff, at pamilya.

Sa tahanan naman, mahalagang maging mapagmatyag ang mga magulang sa mga nakikita at napapanood ng kanilang mga anak. Paalala ni Pope Francis na dapat subaybayan ng mga magulang kung anu-ano ang mga bagay at impluwensiyang pinapapasok nila sa buhay ng kanilang mga anak, tulad ng mga napapanood sa telebisyon at gadgets, at ng mga taong nakakasalamuha at nakakasama nila.

Sa pagharap natin sa trahedyang ito, huwag nating kalimutan ang mga taong higit na nangangailangan ng ating atensyon—ang mga biktima, kanilang mga pamilya, at ang buong komunidad na patuloy na nagdurusa. Maging maingat tayo sa impormasyong ibinabahagi, lalo na sa social media. May responsabilidad tayong huwag magpalaganap ng sensitibong larawan, tsismis, o fake news na lalo lamang makasasakit sa mga biktima at kanilang pamilya. Hindi natin kailangang dagdagan ang kanilang sakit. Sa halip, piliin nating maging bahagi ng paghilom at pag-iwas sa panibagong trahedya. Patuloy din nating itanong sa ating sarili: paano natin mapoprotektahan ang mga bata mula sa kultura ng karahasan?

Mga Kapanalig, paalala sa atin ng Awit 34:18, “Ang Panginoon ay malapít sa may pusong wasak, at inililigtas ang mga may bagbag na diwa.” Sa gitna ng ganitong kadiliman, nawa’y maging bukál tayo ng habag at malasakit. Patuloy nating ipanalangin ang mga biktima ng pamamaril, ang kanilang mga mahal sa buhay, at ang buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga University. Higit sa lahat, igalang natin ang kanilang dignidad at privacy habang sama-sama nating hinahanap ang mga paraan upang maging mas ligtas ang ating mga anak.

Sumainyo ang katotohanan.

1,2,3 kanya-kanya na!

 91,777 total reads

Mga Kapanalig, kumusta kayo nitong mga nakaraang linggo na naging grabe ang pag-ulan? 

Noong Agosto 17 lamang, umabot sa 201.7 millimeters ang ulan sa Quezon City sa loob lamang ng limang oras. Halos kalahati ito ng ulang naitala noong Bagyong Ondoy! Marami rin ang lumusong sa pagbaha, na-stranded sa biyahe, at pinasok ng tubig-baha ang bahay. Hindi bababâ sa limandaan ang nasugatan, at mahigit 25 ang nasawi. Dahil din sa pinagsamang epekto ng habagat at mga nagdaang bagyo, tinatayang 3.5 bilyong piso ang halaga ng pinsala sa imprastraktura at mahigit 1.4 bilyong piso naman sa agrikultura.

Sa ganitong mga pagkakataon, kanya-kanyang diskarte ang mga Pilipino kung paano poprotektahan ang kanilang sarili, pamilya, at bahay mula sa baha. Isa na rito ang paggawa ng mga improvised flood barrier, na nag-viral sa social media matapos kumalat ang iba’t ibang paraan ng mga Pilipino sa paggawa nito. Sa Noveleta, Cavite, nag-ambagan ang ilang residente para makagawa ng isang barrier na nakatulong na mapigilan ang pagpasok ng baha sa kanilang eskinita. Sa Mabalacat, Pampanga naman, isang tindahan ang gumamit ng sandbags para harangan ang tubig-baha at maprotektahan ang kanilang puwesto.

Patunay ang mga ito ng pagiging maparaan ng mga Pilipino kapag may kalamidad. Pero ganito na lang ba palagi? Kanya-kanya na lang ba? Bakit kailangang tayo-tayo ang gumagawa ng paraan para protektahan ang ating mga sarili gayong dapat ang pamahalaan ang may pangunahing pananagutan dito?

Kahit gaano nakakabilib ang pagkamaparaan ng mga Pinoy, hindi dapat nauuwi sa kanya-kanyang diskarte ang paghahanda at pagtugon sa pagbaha. Hindi trabaho ng isang ordinaryong mamamayan o komunidad na magdisenyo ng sariling proteksyon laban sa baha para lamang mapanatiling ligtas ang kanilang tahanan. Hindi rin dapat sila ang napipilitang gumastos mula sa sariling bulsa o gumamit ng mga improvised na kagamitan para lamang harangan ang tubig-baha. Kahit may mga indibidwal o komunidad na nakagawa ng paraan para maprotektahan ang kanilang mga bahay, paano naman ang mga kalsada, paaralan, ospital, palengke, at iba pang pampublikong lugar? Hindi lahat ay may kakayahang gumawa ng sariling flood barrier at gumastos para dito.

Hindi naman dapat problema ng mga mamamayan ang pagbaha kung maayos ang paghahanda, pagpaplano, at pamamalakad ng mga sistema. Walang ibang may kakayahang ayusin ito kundi ang pamahalaan. Kabilang dito ang paglilinis at pagpapanatili ng mga drainage systems pati na ng mga daluyan ng tubig, tamang pamamahala sa mga ilog at waterways, at pagtiyak na hindi nahaharangan ang natural na daloy ng tubig. Kasabay nito, dapat may malinaw na disaster preparedness, maagang babala, maayos na evacuation plans, at sapat na kagamitan at mga kawani para mabilis na makatugon kapag may panganib. Kung meron ang mga ito, hindi sana naipapasa ang responsabilidad sa mga mamamayan at wala sanang flood barriers na kailangang ilagay.

Labis na kinokondena sa Jeremias 23:1-4 ang mga pinunong hindi inaalagaan ang mga taong ipinagkatiwala sa kanilang pamamahala. Sa halip na gabayan ang kanilang nasasakupan, pinababayaan nilang magkanya-kanyang diskarte ang mga tao at inilalagay nila sila sa panganib. Ganito rin ang binibigyang-diin sa Fratelli Tutti. Hindi sapat na sabihing kaya naman ng bawat isa na dumiskarte para sa sarili. Dapat may mga institusyong aktibo at tunay na kumikilos pa rin para sa kapakanan ng mga tao at ng kabutihang panlahat.

Mga Kapanalig, ang proteksyon laban sa baha ay hindi dapat maging pribilehiyo ng mga may pera, kagamitan, o kakayahang gumawa ng sariling paraan. Hindi dapat kanya-kanya ang kaligtasan. Ito ay pananagutan ng gobyerno sa mga mamamayan. Pananagutan nilang tiyaking may maayos na paghahanda at may mga serbisyong makikinabang ang buong komunidad, lalo ang mga higit na nangangailangan.

Sumainyo ang katotohanan.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Halimbawa sa taumbayan

 23,130 total reads

 23,130 total reads Mga Kapanalig, kinansela ni Vice President Sara Duterte ang halos isang linggo niyang biyahe sa Japan.  Hindi ito dahil tutulong siya sa pagtugon

Read More »

Protektahan ang mga bata

 60,508 total reads

 60,508 total reads Mga Kapanalig, taos-puso tayong nakikiramay sa mga estudyante, guro, at buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga University na naapektuhan ng malagim na pamamaril

Read More »

1,2,3 kanya-kanya na!

 91,778 total reads

 91,778 total reads Mga Kapanalig, kumusta kayo nitong mga nakaraang linggo na naging grabe ang pag-ulan?  Noong Agosto 17 lamang, umabot sa 201.7 millimeters ang ulan

Read More »

NEW NORMAL

 167,645 total reads

 167,645 total reads Kapanalig, sa nakalipas na dalawang lingo sa buwan ng Agosto 206., ating nasaksihan, ating naranasan kung paano naging “waterworld” ang maraming bahagi ng

Read More »

Ilawan ang katotohanan

 260,746 total reads

 260,746 total reads Mga Kapanalig, isinagawa na noong Biyernes ang kauna-unahang “truth-telling session” ng Truth Commission tungkol sa madugong war on drugs ng administrasyon ni dating

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Sabado, Agosto 29, 2026

 90 total reads

 90 total reads Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan, ang Tagapagbinyag, Martir Jeremias 1, 17-19 Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17 Patuloy kong isasaysay

Read More »

Biyernes, Agosto 28, 2026

 1,451 total reads

 1,451 total reads Paggunita kay San Agustin, obispo at pantas ng Simbahan 1 Corinto 1, 17-25 Salmo 32, 1-2. 4-5. 10ab-11 Awa’t pag-ibig ng Diyos sa

Read More »

Huwebes, Agosto 27, 2026

 3,112 total reads

 3,112 total reads Paggunita kay Santa Monica 1 Corinto 1, 1-9 Salmo 144, 2-3. 4-5. 6-7 Pupurihin ko ang ngalan ng Poon magpakailanman. Mateo 24, 42-51

Read More »

Miyerkules, Agosto 26, 2026

 4,640 total reads

 4,640 total reads Miyerkules ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 2 Tesalonica 3, 6-10. 16-18 Salmo 127, 1-2. 4-5 Mapalad ang sumusunod na taong may

Read More »

Martes, Agosto 25, 2026

 5,507 total reads

 5,507 total reads Martes ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Luis IX o kaya Paggunita kay San Jose de Calasanz, pari 2

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top