275 total views
Lunes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Filipos 2, 1-4
Salmo 130, 1. 2. 3
Sa iyong kapayapaan,
D’yos ko, ako’y alagaan.
Lucas 14, 12-14
Monday of the Thirty-first Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Filipos 2, 1-4
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid, nagbibigay ba sa inyo ng kasiglahan ang buhay na nakaugnay kay Kristo? Naaaliw ba kayo ng kanyang pag-ibig? May pagkakaisa ba kayo sa Espiritu Santo? Kayo ba’y may nadaramang hangarin na tumulong sa iba? Kung gayun, lubusin ninyo ang aking kagalakan — maghari sa inyo ang pagkakasundo, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig at maging isa kayo sa puso’t diwa. Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad ninyong matanyag, bagkus magpakababa kayo at huwag ipalagay na kayo’y mabuti kaysa iba. Ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sa inyong sarili.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 130, 1. 2. 3
Sa iyong kapayapaan,
D’yos ko, ako’y alagaan.
O Panginoon ko, ang pagmamataas,
Tinalikdan ko na at iniwang ganap;
Ang mga gawain na magpapatanyag
Iniwan ko na rin, di ko na hinangad.
Sa iyong kapayapaan,
D’yos ko, ako’y alagaan.
Mapayapa ako at nasisiyahan,
tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.
Sa iyong kapayapaan,
D’yos ko, ako’y alagaan.
Kaya mula ngayon, ikaw, O Israel,
sa ’yong Panginoon, magtiwalang tambing!
Sa iyong kapayapaan,
D’yos ko, ako’y alagaan.
ALELUYA
Juan 8, 31b-32
Aleluya! Aleluya!
Kapag ang aking salita
sa inyo’y naidambana,
taglay n’yo and aking diwa.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 14, 12-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa pinuno ng mga Pariseo na nag-anyaya sa kanya: “Kapag naghahanda ka, huwag ang mga kaibigan mo, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, sapagkat aanyayahan ka rin nila, at sa gayo’y nagantihan ka na. Kaya kung ikaw ay maghahanda ng isang malaking salu-salo, ang mga pulubi, mga pingkaw, mga pilay, at mga bulag ang anyayahan mo. Hindi sila makagaganti sa iyo at sa gayo’y magiging mapalad ka. Gagantihin ka ng Diyos na muling pagkabuhay ng mga banal.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Manalangin tayo sa ating Ama sa Langit upang maging pagpapahayag ng malalim at tunay na pag-ibig ang kagandahang-loob at pagiging bukas ng ating puso para sa kapwa.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng mga dukha, umunlad nawa kami sa iyong pamamaraan.
Ang Simbahan nawa’y maging higit na mulat sa materyal na pangangailangan ng mga dukha at mga napapabayaang mga tao at mabigyan din sila ng espiritwal na pangangalaga, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga lingkod bayan nawa’y maging madaling lapitan ng lahat ng isaisip nila ang kabutihan ng kanilang nasasakupan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong may problema sa buhay nawa’y makatagpo ng kapwa na handang tumanggap at tunay na makikinig sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga nagtalaga ng kanilang sarili sa pangangalaga ng mga maysakit, may kapansanan, at mga dukha nawa’y magkaroon ng tunay na diwa ng pag-ibig at paglilingkod, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y tanggapin sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, ibinibigay mo sa amin ang lahat ng mabuti. Tulungan mo kaming maibahagi ito sa iba lalo na sa mga nangangailangan ng aming kalinga at atensyon. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.