492 total views
Paggunita kay San Josafat, obispo at martir
3 Juan, 5-8
Salmo 111, 1-2. 3-4. 5-6
Mapalad s’ya na may takot
sa D’yos na magandang-loob.
Lucas 18, 1-8
Memorial of St. Josaphat, Bishop and Martyr (Red)
Mga Pagbasa mula sa
Sabado ng Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
UNANG PAGBASA
3 Juan, 5-8
Pagbasa mula sa ikatlong sulat ni Apostol San Juan
Mahal kong kaibigang Gayo, ang iyong paglilingkod sa mga kapatid, kahit hindi mo kilala, ay nagpapatunay na tapat ka. Nagpatotoo sila sa simbahan rini tungkol sa iyong pag-ibig. At lalong mabuti kung matulungan mo sila sa kanilang paglalakbay, gaya ng nararapat sa mga lingkod ng Diyos. Sapagkat humayo sila sa ngalan ni Kristo at hindi tumatanggap ng anumang tulong sa mga di kumikilala sa Diyos. Dapat natin silang tangkilikin upang tayo’y makatulong sa pagpapalaganap ng katotohanan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 111, 1-2. 3-4. 5-6
Mapalad s’ya na may takot
sa D’yos na magandang-loob.
o kaya: Aleluya.
Mapalad ang tao na may takot sa Diyos,
Siyang sumusunod nang buong alindog.
Ang kanyang lipi’y magiging dakila,
pati mga angkan ay pinagpapala.
Mapalad s’ya na may takot
sa D’yos na magandang-loob.
Magiging sagana sa kanyang tahanan
katarungan niya’y walang katapusan.
Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanang.
Mapalad s’ya na may takot
sa D’yos na magandang-loob.
Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya’y laging tapat.
Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
Mapalad s’ya na may takot
sa D’yos na magandang-loob.
ALELUYA
2 Tesalonica 2, 14
Aleluya! Aleluya!
Tayo’y tinawag ng Diyos
upang magningning na lubos
sa aral ni Kristo Hesus.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 18, 1-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, isinaysay ni Hesus sa kanyang mga alagad ang isang talinghaga upang ituro sa kanilang na dapat silang manalanging lagi at huwag manghinawa.
“Sa isang lungsod,” wika niya, “may isang hukom na hindi natatakot sa Diyos at walang taong iginagalang. Sa lungsod ding iyon ay may isang babaing balo na punta nang punta sa hukom at humihingi ng katarungan. Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng ilang panahon. Ngunit nang malaunan ay nasabi nito sa sarili: ‘Bagamat hindi ako natatakot sa Diyos ni gumagalang kaninuman, igagawad ko na ang katarungang hinihingi ng babaing ito sapagkat lagi niya akong ginagambala – baka pa ako mainis sa kapaparito niya,’” At sinabi ng Panginoon, “Narinig ninyo ang sinabi ng masamang hukom. Hindi ipagkakait ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi, bagamat tila nagtatagal iyon. Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao sa daigdig na ito, may makikita kaya siyang mga taong nananalig sa kanya?”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Manalangin tayo nang walang humpay at huwag mawalan ng pag-asa sapagkat ibibigay ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na tumatawag sa kanya sa araw at gabi. Pinalalakas ang ating loob ng katuruang ito ng ating Panginoon, lumapit tayo sa Ama dala ang ating mga kahilingan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, pakinggan mo ang aming mga panalangin.
Ang Simbahan sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod nawa’y maging masigasig sa gitna ng mga pagsubok at pagdurusa at huwag mawalan ng tiwala sa pagpapahayag ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinanghihinaan ng loob at natutuksong sumuko na sa pagsusumikap na mamuhay nang mabuti nawa’y makatagpo ng bagong lakas sa pananampalataya sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga nahihirapang magdasal nawa’y maging masigasig muli sa pananalangin at bigyang puwang ang Diyos sa kanilang pang-araw-araw na buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit sa gitna ng kanilang mga paghihirap nawa’y patuloy na magtiyaga at huwag mawalan ng pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y tumanggap ng makalangit na gantimpala para sa kanilang mga pagsusumikap sa mundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, ipinagkakatiwala namin sa iyo ang aming mga pangangailangan. Ipakita mo sa amin ang paraan ng pananalanging walang humpay upang kami ay maging kaisa mo. Hinihiling namin ito kay Kristong aming Panginoon. Amen.