248 total views
Mahalagang ipaglaban ng pamahalaan ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea dahil malaking tulong ito para sa pag-unlad ng Bansa at ng bawat mamamayan.
Ito ang inihayag ni dating Solicitor General Atty. Florin Hilbay kaugnay sa pananahimik ng kasalukuyang Administrasyon sa usapin ng West Philippine Sea.
“Napakaimportante ang napanalunan natin dahil ang West Philippine Sea ang pinanggagalingan ng ating isda, trabaho, ng ating mga kayamanan, diyan din po nakasalalay yung ating Energy Security dahil diyan manggagaling ang ating oil and gas kaya hindi maari tahimik nalang po ang Gobyerno at parang ipinamimigay ang ating karapatan sa ating karagatan.” pahayag ni Hilbay sa panayam ng Radio Veritas.
Sa panig ng pamahalaan, sinasabi nitong maaring humantong sa pagtatalo ang usapin sa naturang karagatan at sumiklab ang digmaan na iniiwasan ng kasalukuyang Administrasyon.
Nanindigan naman si Hilbay na mali ang pananaw ng Pamahalaan at dahilan lamang ito para bigyang katwiran ang pagiging talunan ng Bansa.
Iginiit pa ng dating opisyal na walang interes ang China sa digmaan dahil sila mismo ang matatamaan kung sisiklab ang digmaan sa South China Sea at West Philippine Sea.
Aniya, maraming diplomatikong pamamaraan ang maaring gawin ng pamahalaan upang igiit ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea upang ito ay tuluyan ng mapakinabangan ng mga Filipino.
Magugunitang Hulyo 2016, dalawang taon ang nakalipas ng inilabas ang desisyon ng Arbitral Tribunal ng The Hague pabor sa Pilipinas na sinasabing napapaloob sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa ang mga isla at karagatang inaangkin ng China.
Kaugnay dito hinimok ni Acting Supreme Court Chief Justice Antonio Carpio ang pamahalaan ng Pilipinas na hilingin sa United Nations at ASEAN na gawing official red line ang Scarborough Shoal sa pinag-aagawang teritoryo.
Batay sa 1982 UN Convention on the Law of the Sea saklaw ng 200 – Nautical Miles EEZ ng Pilipinas ang pinag-aagawang Terotoryo.
Magugunitang nagpalabas ng Oratio Imperata ang Catholic Bishops Conference of the Philippines noong Hulyo 2015 na layuning ipanalangin ang mapayapang paglutas sa agawan ng teritoryo ng West Philippine Sea.