373 total views
Kapanalig, maraming mga magsasaka ang natuwa sa prayoridad na ibinibigay ng kasalukuyang pamahalaan sa sektor ng agrikultura. Ang pangulo mismo ang nangunguna sa ahensya ng agrikultura sa bansa, at marami ang umaasa na lalago na ulit ang sektor.
Panahon na nga naman talaga na bigyan ng sapat na atensyon ang agrikultura sa bansa. Nitong mga nakaraang mga taon, pababa ng pababa ang ambag ng sektor sa ekonomiya ng bayan. Ayon nga sa isang pag-aaral ng World Bank, ang economic growth ng ating bayan sa pagitan ng 2016 at 2019 ay tinulak ng sektor ng industry at services. Ang paglago ng agrikultura sa panahon na ito ay nasa 1.3% lamang. Base naman sa report ng Philippine Statistics Authority nitong ikalawang sangkapat o quarter ng taon, bumaba ng -0.6 percent ang value of production ng agrikultura at fisheries. Kung titingnan naman ang total factor productivity (TFP) sa agrikultura sa loob ng dalawang dekada, tumaas naman ito ng 32%. Pero ayon sa World Bank, napakaliit nito kumpara sa ating mga karatig bansa. Ang TFP growth ng Vietnam ay 73%, sa Indonesia 50%, at sa Thailand 67%.
Kapanalig, kailangan na talaga ng malawakang pagbabago sa agrikultura ng bayan, lalo pa’t karamihan sa mga maralita sa atin ay nasasakop ng sektor na ito. Ngayon nga ay maraming magsasakang umaaray. Kulang tayo lagi tayo sa produksyon kaya’t lagi tayong nag-iimport. Kapag bumaha na ang imported agricultural products, lubhang bumababa naman ang presyo nito, at nalulugi naman ang mga lokal na produkto. Tumataas ng tumataas ang antas ng ating importasyon ng mga agricultural products, kapanalig. Noong 2016, ang import-dependency natin ay nasa 22.5(%. Tumaas ito ng 22.7% noong 2017, at naging 29.2% noong 2018.
Sayang naman kapanalig, at hindi natin napapatataas ang agricultural productivity ng bayan. Napakalawak at napaka-yabong ng ating mga likas yaman sa bansa, at hindi natin ito nagagamit ng maayos. Isang halimbawa dito, kapanalig, ay ating human capital. Ang ating mga magsasaka ay tumatanda na lamang sa sektor, at nababawasan na rin ang mga manggagawang maaaring pumalit o humalili sa kanila. Napakarami din nating mga produkto na maaari nating ma-export sa ibang bansa, kaysa tayo ang mag-iimport. Ang ating mga prutas gaya ng mangga, avocado, buko, saging, at iba pa ay maaari pa nating mapalago at mapadami. Maari nating bigyan ng mas ibayong tutok ang mga produktong maaari nating ma-i-export para tumaas ang kita ng maraming magsasaka at makalikha tayo ng trabaho para sa mas maraming mamamayan.
Maari din nating tingnan ang mas malawak pang pagbibigay hindi lamang ng mga short-term production assistance gaya ng pagbibigay ng binhi, pataba at pesticide, kundi mga long-term inputs gaya ng maayos na irigasyon, farm to market roads, mga mekanismo at makina na magpapabilis ng produksyon, at iba pang climate-resilient harvest facilities. Ang paglalagay din ng mas maraming farmers’ market kapanalig, ay malaking maitutulong upang diretso sa mga magsasaka ang mga mamimili.
Ilan lamang ito kapanalig, sa maaaring magawa ng kasalukuyang administrasyon upang mapasigla ang sektor ng agrikultura. Sabi nga ni Pope Francis sa kanyang mensahe sa preparatory meeting para sa the United Nations Food Systems Summit noong 2021: “The rural sector of the local and global economy provides so much of the food people consume, but people living in rural areas and working the land are rarely a priority in political and economic decision making.” Matagal na nating hinihintay ang renaissance o pagbabalik ng agrikultura bilang isa sa mga pinaka-masiglang sektor sa bansa. Sana nga matupad na ang pangakong ito sa nalalapit na panahon.