7,931 total views
Homiliya Para sa Huwebes sa Ika-21 Linggo ng Karaniang Panahon, 31 Agosto 2023, Mt 24:42-51
Noong nakaraang taon, may ibinigay akong homily tungkol sa BAHALA NA. Ngayon, tungkol naman sa AKO ANG BAHALA. Paano tayo humahantong sa AKO ANG BAHALA mula sa BAHALA NA?
Ito ang puntong pagnilayan natin base sa ating mga pagbasa ngayon. Sa ebanghelyo may dalawang klaseng katiwala—iyung may pananagutan sa amo at iyung wala. Iyung wala, iyun ang tipong nasasabing BAHALA NA pag-alis ng amo niya. Tutal, wala naman siya, sasabihin niya, AKO NA ANG BAHALA. Parang tama, pero mali. Lahat ng ginawa niya ay labag sa kalooban ng amo niya. Imbes na mamahala, nagsamantala siya.
Iyung pangalawa—iyun ang sumagot sa among nagtiwala at nagsabi sa kanya, “Ikaw na muna ang bahala dito habang wala ako.” Ang sagot niya ay, “Opo, ako ang bahala.” Pero malinaw sa loob niya na pinagkatiwalaan lang siya. Alam niyang ang amo pa rin niya ang totoong Bahala (Panginoon), pero niloob niya ang kalooban ng amo niya. Na kahit wala ang amo, parang naroon pa rin siya. Pinagmalasakitan niya ang hindi kanya na parang talagang kanya. Namahala siya, hindi nanamantala. Namahala siya na may pananagutan sa nagtiwala sa kanya.
Parang ganito rin ang sinasabi ni San Pablo sa mga taga-Tesalonica sa ating unang pagbasa. Kadadalaw pa lang ni Timoteo sa kanila para mangumusta at magreport kay Pablo kung ano ang nangyayari sa mga taga-Tesalonica habang wala doon si San Pablo. Tuwang-tuwa siya sa narinig niyang report. Parang naramdaman niya na kahit wala siya roon parang nandoon pa rin siya. Nanatili kasi ang pagkakabuklod nila ng puso at diwa sa kanya.
Sabi ni San Pablo sa mga taga-Tesalonica, “Nanatili kayong matatag sa pananampalataya.” Ibig sabihin hindi lang sila naghintay mangyari ang kalooban ng Diyos. Niloob nila ito at pinangyari, niyakap nila bilang kanilang sariling kalooban dahil sa pagkakabuklod nila ng puso at diwa kay Kristo sa pamamagitan ni San Pablo.
Si Mama Mary madalas nating ipakilala bilang modelo sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, lalo na noong sabihin niya, “Alipin ako ng Panginoon, mangyari nawa sa akin katulad ng sinabi mo.” Madalas ilarawan ito bilang “pagsuko” ng Mahal na Ina sa kalooban ng Diyos. At madalas ko ring sabihin na parang mali. Hindi pagsuko ang ginawa niya na para bang natalo siya sa labanan at wala nang choice kundi ang magparaya o magbigay.
Hindi. Ang ginawa niya ay kusang pagyakap sa kalooban ng Diyos bilang sariling kagustuhan din niya. Niloob niya ang loob ng Diyos bilang sariling kalooban.
Parang iyon ang tamang kahulugan ng BAHALA NA sa Tagalog. Dahil pinagkakatiwalaan ka—sasabihin mo, “Kayo po ang bahala,” pero pag-alis ng amo, aakuhin mo ang responsibilidad na mamahala, na para bang nariyan pa rin siya. Dahil ikaw at siya ay makabuklod ng puso at diwa, magmamalasakit ka, mamamahala ka, hindi mnanamantala. Sasabihin mo, “Ako na ang Bahala,” sa paraan na kahit wala siya, nariyan pa rin iya, dahil ikaw at siya ay iisa na.